William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Wednesday, December 2, 2009

Sulo Sa Karimlan (karugtong ng "Kuwento Ng Isang Anghel")

Ang kwento sa likod ng buhay ni Angel, natuklasan ko, ay isa ngang pambihirang kasaysayan. Ganito kasining na mga kwento ang tipong nagkakapitak sa napakaprestihiyosong mga pahina ng antolohiya ng mga nagwawaging akda sa Palanca Awards. O kung susulatin ng isang Ingles, sigurado ito sa pinagpipitaganang Pulitzer Awards ng Amerika.
Ngunit ang kwento, ayon sa request, ay isusulat hindi para ipakipagtimpalak. At bilang isang mabuting manunulat ng buhay, ‘ala mang permadong kasunduan ay dapat akong umindak ayon sa tugtog na gusto ng nagpapasulat. Isusulat ko ang kuwento hindi upang pagkaperahan mula sa mga patimpalak. Isusulat ko ito upang kung mailathala ay pakikinabangan ng mga makababasa. Magsilbi nawa itong sulo pabalik sa liwanag ng maraming iba pang anghel na nasa karimlang pinanggalingan ni Angel – ang pre-marital sex.
Pero hintay! Paano ko kaya magagawang wholesome ang kwento gayong maitim pa ‘ata kaysa dilim ng gabi ang background nito? Paano ko isususulat, halimbawa, na hindi kukwestiyunin ng moralidad ang ilang bulgar na salita at berdeng tagpo na literal na inilahad ni Angel sa draft? Kalabisan nang banggiting ang isang gaya ni Angel na laking States, liberated, ang sex (daw) ay isang bukas na paksa. Isang bagay, alalaong-baga, na malayang gawin kahit walang basbas ng matrimonyo. (Sanabagan, hindi kaya masyadong napakaramot ng pagkakataon upang ngayon lamang ako pahintulutang makilala si Angel? Ha-ha!)
Anuman, bandang huli ay nagawa ko ring maging smooth ang mga kaberdehan ng kwento. Ngunit kung ano ang wakas nito ay hindi ko mapagpasyahan. Patuloy itong nakabitin sa wala. Syempre, gaya ninyo ay ayaw ko ring ang maagang pagkamulat ni Angel sa larong mabuhay ay mauuwi sa maagang kamatayan. Dapat malaman ng mga bumabasa na ang manunulat na ito, higit kaysa kanino man, ay napamahal na rin kay Angel.
Isang araw ay tumawag ako kay Angel.
“Ow, kumusta na?” si Angel. “Tapos na ba ang story ko? Pakitapos naman, please, bago mahalata ang tiyan ko. Syempre, bago ako magsimbang may bulak sa ilong ay gusto ko munang mabasa kung anu-ano ang mga kabalbalang pinaggagawa ko sa buhay.”
“Is there really no other way to get out from this, other than killing yourself, Angel? Maryosep, andami riyang ibinebenta ang sarili para lamang mabuhay. And yet, here you are born with silver spoon planning to commit suicide…”
Naulinigan ko na naman sa linya ang mga pinong tawa ni Angel. “Ha-ha, don’t tell me, iaalok mo na naman sa akin ang sarili mo, Mr. William P. Nucasa? I tell you, long before I made a decision na ipasulat ang buhay ko ay napagpasyahan ko nang ganito ang aking magiging wakas. Papatayin din lamang ako sa amin kapag malaman ito, magpapakamatay na lamang ako. You just don’t know, perfect daughter ako sa tingin ng parents ko. And damn me dahil pagkatapos ibigay sa akin ang lahat ng gustuhin ko’y ganito lamang ang aking igaganti. It’s a big bullshit! Ang laking kahangalan. Para akong gamu-gamong nag-dive sa apoy.”
“Pero ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng isa pang pagkakamali, Angel. Sa ganyang lagay mo ngayon, lalong clear dapat sa iyo that there are really things that we must not go beyond.”
“Kung nag-pari ka, alam mo, ang husay mo sigurong pari. But I’m so sorry dahil gaya ng sinabi ko sa ‘yo noon, ipagdasal mo na lamang ako. No other choice na talaga, e. Sukol na ako.
Anyway, makasiya sana sa ‘yo ang inihanda kong kabayaran sa pagsulat mo ng buhay ko. I have three luxury cars and some millions of pesos in my account. Sa Last Will and Testament ko, one-thirds nito ay mapupunta sa iyo. The remaining two-thirds will go to charity. Alam mo na, pampalakas kay Lord upang kahit papaano ay mabawasan naman ang mga kasalanan ko.”
Walang damdamin ang ginawa kong pagtawa. “Hindi ko alam, nabili mo na pala ako. Thanks ha, pero siguro naman ay hindi kasali sa mga nabili mo ang karapatan kong tumanggi sa alok mo. Takot ako sa maraming pera, alam mo? Besides, as of now ay happy na ako, kuntento na ako, na motorsiklo lamang ang service ko.”
“Whatever, bahala na lamang kayong mag-usap ng lawyer ko. In case di mo talaga maihabol ang story ko, bahala ka na. Sana gawan mo ng paraan para mai-publish. Then, for the second and last time ay hahangarin mo naman sigurong masilayan ako bago ihatid sa huling hantungan. Kapag makita mong tinatabunan na ako ng lupa, iiyak ka kaya?”
Nasumpungan ko na lamang ang aking sarili, pagka-end ni Angel sa tawag ko, na kinukwestyon ang ilang reyalidad ng buhay. Kung ang pag-ibig ay isang sugal ng larong mabuhay, nasaan ang katwiran at ginawang laging talunan ang mga babae? At, sa kasalukuyang sitwasyon, si Angel nga ba talaga at ang walang malay na sanggol sa sinapupunan nito ang dapat magbuwis ng buhay kung mayroon mang dapat magbuwis nito?
Anuman, alam kong hindi natutulog ang Diyos upang makaligtaan ang krisis na ito sa buhay ni Angel. Umaasa akong gaya ng isang tupang nawalay mula sa siyamnapu’t siyam, gagawa at gagawa Siya ng paraan upang ang anghel na ito ay muling maibalik sa liwanag.
Hindi naglipat linggo, isang hapong malakas ang buhos ng ulan ay tumunog ang cellphone ko. Sa screen, isa sa dalawampung numerong konektado kay Angel ang nakarehistro. Pinindot ko ang buton para sa Ok.
“Hello…”
“Hello,” hindi kay Angel ang boses. “Ikaw ba si William Nucasa, anak?” Nag-“opo” ako. “Mama ni Trisha ito.” PAGTATAPAT: Trisha ang tunay na pangalan ni Angel. “Tungkol ito kay Trisha, anak,” anitong tila umiiyak o galing sa pag-iyak. “Please, be at Saint William’s Cathedral tomorrow. Ten A.M. mag-i-start ang ceremony. Please, anak, I beg you…”
Nine A.M. kinabukasan nang dumating ako sa Saint William’s. Bagamat isang oras pa bago ang seremonya ay gitgitan na sa parking space ng simbahan ang napakamamahal na mga sasakyan. Dyaske, saan ko ba ipa-park ang motorsiklo ko?
At ano ito? Apat na kalalakihang nangakabarong ang agad ay sumalubong sa akin bago pa man makasapit sa pinto ng simbahan. Wow ha, ganito ba talaga ako ka-VIP sa libing ni Angel? (Trisha na pala ngayon). Pero bakit pinalilibutan ako? At, bago ko pa namalayan, isang matigas na bagay na ang naramdaman kong itinutok sa likod ko.
“Napag-utusan lang po,” anang isa, iyong may pinakabruskong mukha. Sino kaya ang mga ito? Mga hired killer? “Itutumba” ako? Bakit, ano’ng aking atraso? “Sumunod ka na lang kung ayaw mong masaktan.”
Huminto kami sa tabi ng naka-park na Nissan Patrol na heavily tinted ang salamin. “Siya ba?” Galing sa isang nasa loob ang boses. ”Papasukin na’t nang matapos agad e makuha na natin ang ating komisyon.”
Panginoon ko, “itutumba” na ba talaga ako? Saan? Paano na ang libing ni Trisha?
Sapilitan akong ipinasok sa awto. At ang gulat ko nang masinong isang bakla pala ang nasa loob nito! Santa Maria, di bale na pong bistayin ako ng bala h’wag lamang mapagsamantalahan ng baklang ito!
“Hmp, matikas ka nga pala,” sabi ng bakla habang sa tingin ay sinusukat wari ako. “Ow, ano pang ginagawa mo? C’mon, umayos na’t nang tayo’y matapos agad.”
Sa pagyukong iyon ng bakla ay ubod lakas ko siyang sinipa. Pero maliksi ang kumag, nakailag. Inaambaan ko ng isa pang tadyak nang may kung anong ipinalo sa batok ko. At nagdilim ang lahat sa akin.
Ang apat na lalaking nangakabarong ang namulatan ko pagbalik ng aking malay-tao. “Sorry po,” matapat nilang paghingi ng paumanhin. “Tara na pong manhik sa simbahan at magsisimula na ang seremonya.”
Pagtayo ko, napansin kong iba naman na ang suot ko. Bakit naka-amerikana na ako? Nasaan na ang bakla? Inayusan lamang ba ako? Para ano?
Sa simbahan, mag-uumpisa na nga ang seremonya. Pero nasaan ang patay? Bakit pangkasal ang dekorasyon ng simbahan? Sino ang mga ikakasal?
Sa mando ng isa sa mga lalaki, lumakad kami sa aisle. Sa ikatlong upuan mula sa pinakaharap ay tumigil kami. “Kumilos ka ayon sa hinihiling ng mga pangyayari,” may banta sa tinig nito. At bago ako iniwan, kinapa nito ang baril na nakasukbit sa kanyang baywang.
At nag-umpisa ang seremonya. Bago ko pa mawatasan, heto na si Trisha— ang buhay na buhay na si Trisha–- na inihahatid palapit sa akin ng isang ginoong kagalang-galang ang tindig. Ang kagandahan nito na wika ko dati ay katakam-takam ay lalo pang naging katakam-takam ngayon dahil sa napakaelegante nitong gown.
At sino ang groom? Hu-hu-hu, makatatanggi pa ba itong inyong abang lingkod gayong sa tuwing mapadadako ang tingin ko sa lalaking may sukbit na baril ay lagi nitong kinakapa ang baywang?
Lumalakad ang seremonya ay naglalaro ang isip ko sa magiging tagpo pagkatapos ng kasal. May honeymoon kaya? Saan? “Pwede” pa kaya kahit magtatatlong buwan na? Paano? Ha-ha, ang likot naman talagang imagination ito, oo.
“Inuulit ko,” napalakas ‘ata ang boses ng pari. “Ikaw lalaki, tinatanggap mo ba si Trisha–”
“Opo, Father. Tinatanggap ko po at ipinapangako kong pakamamahalin siya habang ako’y nabubuhay.”
Tinitigan ako ng pari. Sa malumanay na boses, anito, “Please, anak, patapusin mo naman muna sana ako bago ka sumagot. Saka, “oo” at “hindi” lamang ang dapat mong isagot, okey?”
“Okey, fine, Father.”
Inulit ng pari ang tanong.
“Opo, Father.”
Maya-maya pa, naulinigan kong sinasabi sa akin ng pari: “You may now kiss the bride.”
Tinitigan ko si Trisha. Nagtatanong ang aking mga mata. “Pwede?”
Tumango siya.
Pero Diyos ko, saan ba hinahalikan ng groom ang bride? At kapag ki-kiss, yayakap pa ba? Walang yakap, kiniss ko siya sa forehead.
Halos magpugik sa tawa ang pari. ”Don’t tell me, iho, na buntis na’t lahat ay sa noo mo pa lang nahahalikan si misis?” (As if binibigyan ako ni father ng ideya na maliban sa lips, pisngi at noo ay may iba pang mga parte ang babae na kini-kiss. Kung alin-alin ang mga iyon, isang bagay na hindi lamang dapat si Father ang nakaaalam).
Hinila ‘ika n’yo akong bigla ni Trisha at sa b’welta kong yaon ay niyakap ako saka siniil ng halik sa labi. Gumanti ko. Matagal. Napakatagal.
“Iho, iha, tama na ‘yan,” marahang tinapik ng pari ang mga likod namin.
ALAS-KUWATRO ng madaling araw kinabukasan nang magising ako. “Trisha…” niyugyog kong marahan ang aking si Trisha. Nasa isang silid kami ng isang five star hotel for one-month stay, courtesy of our very own ninong, Honorable Mayor of Naguilian, La Union.
“Ummph… Bakit ba?” Sa malamlam na liwanag ng lampshade ay nabakas ko ang isang pilyang ngiti na gumuhit sa mga labi ni Trisha.
“Please...”
Hinalikan ko si Trisha sa lips. Marahan. Marahang-marahan. Pumusok. Pumusok nang pumusok.
“Di ba popsy, ito rin ‘yong … napuyat tayo kagabi?”
Hay naku, for sure, mali-late na naman ako mamaya sa 7:30 A.M. na klase ko. Pero valid naman ang reason, di ba? Just married nga naman, e! Ha-ha!

WAKAS

Gumagalang,


William P. Nucasa

Kuwento Ng Isang Anghel (Unang Bahagi)

Dalawang sunod na text messages ang natanggap ko kagabi buhat sa isang hindi kilalang numero. Kung liliwanagin, ang sabi, “Ipagpaumanhin ang kaabalahang pansamantala kong maidudulot. Isa akong tagahanga ng iyong panitik na gaya ng iba mo pang mga tagahanga ay naghahangad ding makapagpasulat sa iyo ng sariling kasaysayan. Makulay ang kuwento ng talambuhay ko. Madula. At tiyak kong iibigin mo ring isulat dahil gaya ng maraming naisulat mo na tungkol sa tunay na buhay ay nag-aangkin din ng maraming gintong aral. Limang minuto mula ngayon ay tatanggap ka ng tawag buhat sa akin. Maraming salamat.”
At heto na nga, kumikiriring ang cell phone ko’y nakarehistro sa screen ang numerong gaya ng sa mga text messages kanina. Pinindot ko ang buton para sa OK.
“Hello,” boses ng isang kabataang babae ang narinig ko mula sa kabilang linya.
Nag-hello rin ako. “Ako na ito,” sinabi ko ang aking pangalan. Una, hinihinuha kong hindi pa niya ako kilala sa boses. Ikalawa, kalakaran sa pormal na pakikipagkilala. At ikatlo, isang mahusay na istratehiya upang turan din niya ang pangalan.
Naulinigan ko ang pinong tawa ng kabataang babae sa kabilang linya. “Kilalang-kilala kaya kita, ‘no?!” pagkatapos ay sabi.
“Paano!?”
“Diyos ko, kailangan pa ba namang itanong ‘yan? Sabi ko nga sa iyo, tagahanga mo ako. At natural sa isang tagahanga na inaalam ang tungkol sa kanyang hinahangaan.”
Ako naman ang tumawa. Ginagad ko ang intro ng dayalog niya: “Diyos ko, ha, ‘ala akong kamalay-malay rito, nakabuyangyang na pala sa iyo ang buhay ko. Mamaya mo, baka pati kung ilang nunal mayron sa katawan ko at kung nasaan ang mga iyon ay kabisado mo pati.” Naghalo sa linya ang ginawa naming tawa. “Anyway, baka gusto mo ring sabihin kung sino ka?”
“Oo naman, s’yempre, pero p’wedeng h’wag muna ngayon? Saka na lang kapag nagkita tayo at pumayag kang isulat ang kasaysayan ko.”
“Kaso, wala na ako sa… “ Binanggit ko ang pangalan ng isang kilalang tabloid na sinusulatan ko dati. “Kalaban kasi siya ng publikasyong umampon sa akin. Pinapili ako. Tunay nga naman, we can’t worship two gods at the same time. How I really wish to serve you pero walang pages para sa true-to-life stories sa sinusulatan ko ngayon. Sakali man, saan natin ipa-publish?”
“Nababasa kita sa isang magasing ang sirkulasyon ay hanggang sa ibayong-dagat, baka magawan mo ng paraang mailathala roon. Mas maraming reader, mas maganda, dahil mas maraming kabataan ang matututo ng aral mula sa buhay ko.”
Di ko napigil ang isang mabining tawa. “Nagsisimulang manunulat pa lamang ako roon. Ipadala man natin, nasa pamatnugutan pa rin ng magasin ang pasya kung ilalathala o hindi.”
“I-try lang natin, malay mo, pagbigyan. Deserving naman, e. Kelan ka available para maipabasa ko sa ‘yo ang draft? P’wede bukas?”
Sabado bukas. “Hindi ako p’wede pag Saturdays, may klase ako sa aking Master’s. Linggo, available ako.”
Nagtipan kaming magkikita, bandang alas-siyete ng gabi ng Linggo sa isang bagong tayong kilalang fast-food-restaurant sa San Fernando City.
NASA klase ako kaninang umaga ay ginugulo ako ng napakaraming tanong hinggil sa mahiwagang kabataang babae. Paano niya kaya nalaman ang numero ng cell phone ko? Sino kaya siya? Ilang taon na? Estudyante pa? Maganda? Seksi? Naku ha, kung saan-saan na naman yata ibig maglikot ang imagination ko!
Linggo. Minus-kinse para alas-siyete nang manhik ako sa dakong aming napagkasunduan. S’yempre, isang maginoong hakbang na kaming mga lalaki ang dapat na naghihintay sa katipang babae. Pero ano ito? Isang naka-attire Rosebud na kabataang babae ang nahagip kong kumakaway sa akin buhat sa isang mesang malayo sa karamihan. Pinalalapit ako. Siya kaya? Pintsik siya? Mestisa?
“Hi,” iyon ang boses ng kabataang babaeng nakausap ko kagabi. Iniabot niya ang kanyang kanang kamay. Diyos ko, sutlang kay lambot ang palad ng ale! ”Naunahan kita,” gumawa siya ng ngiti. “Pero hindi ka naman nahuli. Agtugaw ka.” Upo raw ako.
Ilan sa mga tanong ko ang agad ay nasagot. Kung sa kagandahan, nanang ko po, ibang klase ito – katakam-takam! At kung seksi o hindi, ay sus, super-bagyo! Napakasabaw!
Umorder kami. Sa drinks; juice ang sa akin, erbi (beer) ang sa kanya. “Pampakapal ng mukha,” aniya pagkatapos ng unang lagok. “Siya nga pala, ako o,” isang school I.D. and iniabot niya sa akin. Tinunghan ko (ang I.D.) upang magulat lamang pagkatapos kong mabasa ang kanyang pangalan.
“Ang bigat mo pala!” Bumadha sa mukha ko ang labis na pagkabigla. “Kaano mo si Chavit?”
“Iyong sa Impeachment Trial noon ni Erap? Mmm, ‘ala. Malayong kamag-anak.”
“Owws… hindi nga!?”
“Promise.” Pinagkurus niya ang kanyang magkabilang hintuturo sa tapat ng kanyang mga labi. Noo’y nasa ikalawang bote na siya sa tatlong boteng beer na inorder niya. “Sa k’wento ko pala, p’wede bang huwag pangalan ko ang gamitin natin? Negative ang k’wento ng buhay ko, alam mo? At s’yempre, ayaw kong malaman ng tao kung paano ko ginugol sa wala ang buhay ko.”
Tumango ako, “sure!”
ANGEL daw, kung maari, ang gusto niyang maging alyas. Tumango uli ako. “Ayanna ngarud didyay draft?”
Isang folder na may sampung pahinang bond paper ang iniabot niya sa akin. “Pagtiyagaan mong basahin,” aniya. “Pero ano, total narito na rin lang tayo, ikuk’wento ko na muna sa ‘yo. Review mo na lang bale ang draft, p’wede?”
Nag-thumbs-up ako.
”Sa climax na tayo, ha?” Isang alanganing ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi. “Alam mo, kuwan ako?” Iminuwestra niya ang ibig sabihin sa pamamagitan ng paarkong pagkumpas ng kanyang kanang kamay sa tapat ng kanyang tiyan. “Two months. Yap, you heard it right, two months pa lang naman.”
Kamuntik akong nalaglag sa silyang inuupuan ko. “Buntis ka!?” Nasa tinig ko ang pagkagimbal. Paano, sa I.D. niya, 4th year high school lang siya. Sino ang mag-aakala na ang napakamurang bulaklak na ito ay lanta na ang mga talulot? “Bakit? I mean, paanong nangyari?”
Tawang devil ang tawang ginawa ni Angel. “Kung makatanong ka naman, as if kahapon ka lamang ipinanganak. S’yempre pa, nakipag-duo ako, ‘no!” ang sabing ang tinutukoy ay parang isang pangkaraniwang nangyayari sa pang-araw-araw na buhay ng isang bahagya nang tumuntong sa 4th year high school. “Ipagdasal mo ako, ha?” aniya pagkatapos maitaob ang ikalawang bote ng beer. “No choice na talaga ako, e. Either papatayin ko ito, total hindi pa naman tao, or ako ang magpapakamatay.”
Napaantanda akong wala sa loob. “Kung wala lang sana akong girlfriend na masasaktan, aakuin ko ‘yan,” matapat sa loob kong sabi.
Mapaklang ngiti ang nahuli kong nakipagtagisan sa mga luha ni Angel. “Thanks ha,” aniya habang tumatayong nagpapahid ng luha. “Sorry, but can we please go now? Baka mamaya mo kasi e maalok mo pa ako ng kasal ay agad-agad mo akong mapapayag.”
Atubili akong tumayo. Kinapa ko ang wallet ko.
“Bayad na,” si Angel. “Di ko pa pala naik’wento sa ‘yo, sa lolo ko ito. Libre tayo rito.”
Sa labas, isang kung sinong putragis na ubod ng yabang ang nag-park ng bagum-bagong Ford Expedition nang makasasagabal sa paglabas ng motorsiklo ko.
“Saan ka ngayon?” tanong ko kay Angel habang sinususian ang wheels ko. “Kung okay lamang sa iyo, kesa mag-dyip ka’y angkas ka na sa akin, hatid na kita…”
Iyong pagbukas ng mga labi ni Angel upang tugunin marahil ang aking paanyaya’y siya namang pagbukas ng front door ng naka-park na Ford Expedition. Sundo pala ni Angel iyon. Wheels niya iyon.
Kung nakamamatay ang mapahiya, matagal na siguro akong nagsimba na may bulak sa ilong!
“Sa susunod, aangkas talaga ako r’yan sa motorsiklo mo,” pabulong halos niyang sabi habang naka-beautiful eyes sa akin. “Huwag muna ngayon, ha? Me g’wardiya ako, e.” Sa lahat-lahat ng p’wede niyang gawin, iyong b’welta niyang iyo’y niyakap ba naman ako saka walang sabi-sabing ni-lips to lips!
Diyos ko, doon na bumigay ang mga tuhod ko. Nangalog nang husto at, maryosep, mangingisay yata ako.

Matutunghayan n’yo sa baba ang
ubod ng kulay na k’wento ng buhay ni Angel…

Gumagalang,


William P. Nucasa

Thursday, November 26, 2009

Prof. Jenny Peckson

Bad trip ako kay Prof. Jenny Peckson. Kung ituring ba naman ako ay tila isa lamang sampid na nahalo sa kanyang klase.
“Ano para sa iyo ang payong, Mark Anthony?” Isang haiku ng bantog na si Basho ang aming paksa.
“Ano po, Ma’am,” alerto akong tumayo, “proteksiyon para sa ulan o kaya’y sa sikat ng araw.”
Kaytalim ng sulyap na ipinukol niya sa akin. Nakikipagdigma. “Alam na iyan ng buong klase, hijo,” anito sa tonong nanlilibak. “Para rin sa ulan ang bota, salakot at kapote. Ano ang pagkakaiba ng kapote at payong?”
Ano nga ba? Nag-isip ako. Nag-imadyin. “Ang kapote po ay para sa lalaki o kaya’y simbolikong bagay na tumutukoy sa lalaki. At ang payong, kung isusunod dito, ay para sa babae o kaya’y simbolikong bagay na tumutukoy sa babae.”
Umaliwalas ang mukha ng aming propesor. Pero sure ako na hindi pa siya tapos sa kanyang pagtatanong. “Kung gagraduhan mo ang iyong sarili, saan ka naman kaya babagsak, Mark Anthony, sa lalaki o sa babae?”
Ngani-ngani kong ipinagbalibagan si Prof. Jenny Peckson.
“Kung kasing ganda n’yo ang liligaw sa akin, di bale na hong tawagin akong binabae, Ma’am!”
Palakpakan ang klase. And mind you, taas-noo akong umupo palibhasa’y ipinapalagay kong naisahan ko rin ang tiger-beauty ng aming university.
“Sa mundo ng ating propesyon, class, mainam talaga na mayroong ganitong mga talakayan. Bakit? Dahil sa istratehiyang ito natin nahuhuli ang loob ng ating mga mag-aaral. Ikaw, Mark Anthony, bilang isang binatang guro’y papaano mo hinuhuli ang loob ng isang dalaga?”
Praktikal na tanong, naisaloob ko. “Sa pamamagitan po ng pagpapakita ng tunay kong ako, Ma’am. Sapagkat ibig kong kung iibigin ako’y iibigin ako dahil sa pag-ibig!”
Pinaupo ako sa pamamagitan ng kumpas ng kanyang kanang kamay.
Iyon si Prof. Jenny Peckson. Tagapagturo ng Literatura sa disiplinang kinukuha ko sa aking Master’s Degree. Mabagsik. Terror. “Si kamatayan” kung tagurian ng marami. Dahil kung napili kang tanungin, todas mo. Antimano’y isa kang celebrity na nasuong sa biglaang interview.
Pero huwag ka dahil kumpara sa kanino pa man naming propesor ay sa kanya ako higit na humahanga. Modelo ko siya. Utang ko sa kanya ang mga intelihente at mapanghamong istratehiya na ayon sa mga estudyante ko’y napapanahon at lubhang makabuluhan. Oo, nang dahil sa kanya’y nagawa ko at patuloy na nagagawang maging kasiya-siya ang nakababagot na mundo ng literatura sa aking mga klase.
Sa larangan ng pagtuturo’y bubot pa nga lamang ako, lahat kami sa klase, kung ihahambing kay Prof. Jenny Peckson. Kumbaga sa biyahe, aminado maging ang aking mga may-edad nang kaklase na kami’y papunta pa lamang samantalang pabalik na ang aming propesor.
Noon ay Araw ng mga Puso. “Kung bibigyan kayo ng isang milyong piso kapalit ng inyong pag-ibig, tatanggapin n’yo ba?” Isang Literaturang-Tsino ang aming hinihimay.
Bawat isa’y naglahad ng sariling pagpapasiya. Sa hirap daw ng buhay ngayon, practical judgment, ay bakit hindi. Tatlo kaming tumanggi.
Tumawad si Prof. Jenny Peckson. Tatlong milyon? Limang milyon? Pitong milyon? Sa sampung milyong piso, bumigay din ang dalawa. Ako, hindi. Pinal ang sagot ko. Priceless yata ang pag-ibig ko.
Heto ang kasunod na tanong: “So, what is your greatest dream, Mark Anthony?”
Marami. Pero isa lamang ang hinihingi. At ano nga ba? “To march with the most beautiful bride. Then, establish a contented and spiritually motivated family, Ma’am!”
Isang “alanganing” kaklase ang nag-alok na maging bride ko. Na pabiro kong sinagot: “I forgot to mention, may plano pala akong magseminarista pagka-graduate ko ng M.A.”
Tawanan ang klase.
Patapos na noon ang semestre at ang aming paksa’y ang The Knights of the Roundtable, isa ring banyagang literatura. Sa panitikan, isang istratehiyang gamitin ang pagbibigay ng mga paunang tanong. Pangganyak ito pati upang mahimok ang interes ng mga mag-aaral ukol sa tatalakaying akda.
Sa mga ibinigay na tanong, nagbabad ang klase sa: What do most women desire?
Umikot ang aming diskusyon sa halos tatlong punto lamang: wealth, beauty and brain. Pagandahan na lang sa pagbibigay ng paliwanag. Sa nakauunawa ng facial expression ni Prof. Jenny Peckson, hindi namin nasapol ang sagot.
Sa akda namin natuklasan ang tumpak na tugon: To have their will. Ang makuha kung ano ang kanilang hinahangad.
Nagbigay ng pangkasaysayang pag-uugnay ang aming propesor. Diumano, ito ang susing nagbukas upang magkaroon ng kalayaan sa labas ng tahanan ang mga ginang. Sa paghahanap-buhay, halimbawa. Sa dating kalakaran, ang mga ginang ay sa loob lamang ng bahay. Tagasinop,tagapagluto, tagapag-alaga ng mga anak. Huwag mawawala, siyempre, pangkama.
“Isang araw, kayong bachelor teachers ay magsisipag-asawa rin. Ikaw, Mark Anthony, paano mo binabalak pamahalaan ang iyong magiging maybahay?”
“Kung mamarapatin, lalo na kapag may mga bata na, doon po ako sa dating kalakaran, Ma’am. Sapagkat iniisip kong mahirap ipaubaya sa iba, sa kasambahay halimbawa, ang pagpapanuto sa mga anak. Gayon man, pag-uusapan namin itong mabuti ng aking magiging maybahay.”
Tumangu-tango ang aming propesor.
Bago kami i-dismiss ni Prof. Jenny Peckson nang araw na iyon, nagbilin siya. “After your last period, see me in my office, Mark Anthony. Kailangan nating mag-usap!”
“Darating po ako, Ma’am.”
Alas-dos hanggang alas-singko ng hapon ang last period ko. Alas-singko y diyes,
nandoon ko sa opisina ni Prof. Jenny Peckson.
“Pinadalhan mo ako ng sulat sa bahay, Mark Anthony. Bakit?”
“Bilang tagapagturo ng Panitikan, hindi ko man literal inilahad sa aking sulat, alam kong alam n’yo, Ma’am, kung bakit.”
“Pero, propesor mo ako… estudyante kita!”
“Opo, Ma’am, hindi ko po iyon makakalimutan. Dito sa loob ng university ay propesor ko kayo, estudyante n’yo ako. Kaya sa labas ng university ko kayo pinapadalhan ng sulat. Dahil sa labas ng university ay dalaga kayo at ako’y binata. Ako at si “Luksang-Paru-paro” na nagpapadala sa inyo ng tula linggu-linggo ay iisa, Ma’am.”
“Masyado na akong gurang para sa iyo, Mark Anthony…”
“Magtei-thirty one palang kayo, Ma’am, ako nama’y twenty two. Maano ba ang walong taon na gap. Tsaka, walang edad-edad sa pag-ibig, di ba?”
Humakbang ako: isa, dalawa, tatlo, palapit kay Prof. Jenny Peckson. “Liliwanagin ko ang hindi ko niliwanag sa sulat, I love you, Ma’am!”
Isa pang hakbang, yakap ko na si Prof. Jenny Peckson. Masasal ang tahip ng aking dibdib at tila hinahabol ko ang aking paghinga.
Walang sagot ni reaksiyon, inulit ko nang pabulong halos: “I love you, Ma’am!”
Titig sa isa’t isa, dahan-dahang inilapit ko ang aking mukha sa mukha ni Prof. Jenny Peckson. At, sa nagwawala ko mang kamalayan, naramdaman kong siya’y tumingkayad bago maglapat ang aming mga labi.
“Ambilis naman yata, Mark Anthony…”
“We’re not getting any younger, Jenny!” Muli kong siniil ng halik ang kanyang mga labi. “Will you marry me?”
Naramdaman kong hinigpitan nito ang yakap sa akin. “Loko ka talaga, alangan namang hindi kita papapanagutin sa ginawa mong ito, ‘no?” Kinurot ako sa tagiliran. “Yes, I do!”
Nag-beautiful eyes ako. “Isa pang kiss, puwede?”
“Sumusobra ka na…”
“Please!” Nagbulul-bululan ako. “Ita na nga yang e, ayo’ pa!”
“Sige na nga!” Siya’y tumingkayad, at pumikit, upang pamuling ipaubaya ang kanyang mapupulang labi sa aking mga nagbabagang labi. “O, ano pang ginagawa mo? Ala a, kiss na…”
“Opo.. hayan na po!”

Tuesday, November 24, 2009

2009 LET Passers

Congratulations to:
Acosta, Leah May C.
Alac-ac, Marites P.
Cabagbag, Kathlyn Mae Q.
Casugay, Edna A.
Enrique, May Ann G.
Espiritu, Rachel N.
Galuz Jinky B.
Sotelo, Gracia Q.
Tan, Pamela Angela Q.
for passing the 2009 Licensure Examination for Teachers (LET).

From:
Sir William P. Nucasa

Monday, November 23, 2009

LET PASSER November 2009

Congratulations to Ms. Marites Alac-ac for passing the November 2009 Licensure Examination for Teachers!!!

Saturday, November 21, 2009

Huling Lahi ng Aswang

Panimula:
Ipagpaumanhin ngunit nagkakamali po kayo. Hindi po ito pamuling pagsasalaysay ng komiks ni Ginoong Pablo S. Gomez (may ganito ring titulo) na ating inabangan sa LIWAYWAY. Iba po ito, ibang-iba. Ito’y nangyari sa ibang tagpuan, sa ibang panahon at sa iba ring mga tauhan.
Ang totoo ay nagdalawang-isip ako bago sulatin at bago ipadala sa publikasyon ang kuwento. Hindi ko na sana ito isusulat at ipalalathala sanhi ng ilang dahilang sa aking paghahaka ay higit na matimbang kaysa sa paghangang tatamuhin ko bilang manunulat sa likod ng akdang ito. Ngunit sa dakong huli ay nanaig sa akin ang aking dugong manunulat. Nangibabaw ang pananaw na obligasyon ko sa inyong isalaysay ang anumang bago at sariwang pangyayari na tiyak kong kagigiliwan (at katatakutan) n’yong basahin.
Pinangkat ko sa tatlong punto ang siya sanang mga dahilan nang hindi ko pagsulat at pagpapalathala sa kontobersyal na kuwentong ito. Una, baka lalo ninyong katakutan ang aming minumutyang barangay Suguidan (dito sa Naguilian, La Union). Ikalawa, masyado itong personal sa akin. At ikatlo, natatakot akong baka pagkabasa n’yo nito ay hingan ninyo ako ng pagtitimbang ukol sa pinakalilihim na sekretong ilalahad ko sa pagsasalaysay na ito.
Anuman, bago pa ng lahat-lahat, ibig ko nang hingin ang inyong pagpapatawad.

I. Aswang: Depinisyon, Uri at Katangian
Ang aswang ay isang kampon ng kadiliman na ayon sa mga Kastila ay labis nang kinatakutan ng mga Pilipino noon pang ika-16 dantaon. Ang tiktik o wakwak, sigbin at manananggal ang pinakakilala sa mga uri nito.
Ang tiktik o wakwak, sa paniwala ng iba, ay espiritu ng aswang. Nagsasa-kuwago o nagsasa-uwak ito pagsapit ng gabi upang maniktik mula sa bubungan ng mga bahay. Tulog at kalimita’y buntis ang madalas nitong biktimahin. May mahaba itong panipsip na ginagamit upang simutin ang dugo ng kanyang walang malay na biktima.
Ang sigbin ay pinaniniwalaang kasa-kasama ng tiktik. Nakakamukha ito ng Tasmanian Devil o kaya’y ng chupacabra. Ang kaibhan, batik-batik ito at may malalaki’t matutulis na pangil ang higit na malaking bunganga.
Samantala, ang manananggal ay bruhang-bampira na nasa anyo ng isang matanda o kaya’y ng isang napakagandang dalaga. Kung kabilugan ng buwan, pumupunta ito sa tagong lugar upang hatiin sa dalawa ang katawan. Ang isang bahagi ay mula sa baywang pababa at ang isa pa ay mula sa baywang pataas. Ang pang-itaas na bahagi ay tinutubuan ng pakpak na parang sa paniki, ito ang bahagi ng kanyang katawan na nambibiktima. Sinasabing hindi na makababalik sa kanyang kalahating katawan ang manananggal kapag ang pang-ibabang katawan nito ay binudburan ng asin o kaya’y ng buhangin. Sa gayon, mamamatay ito sa unang silahis pa lamang ng bukang-liwayway.
Sa pangkalahatan, gayunman, hindi lamang mga ibon ang kayang gayahin ng aswang. Kaya din nitong magsa-aso, magsa-baboy, magsa-pusa o kaya’y magsa-ahas.
Bagamat sa araw ay walang ipinag-iba sa mga normal na mamamayan, makikilala ang aswang dahil sa mapupula nitong mata na sanhi ng madalas ay magdamagang paniniktik ng mabibiktima. Ipinapalagay din na kapag titingnan ang kanyang mga mata sa malapitan, ang makikita roong repleksyon ay pabaliktad.
Malalaman kung may aswang sa malapit sa pamamagitan ng pinabanguang langis ng niyog na inorasyunan bago ilagay sa bote. Sinasabing kukulo o bubula ito habang ang aswang ay hindi lumalayo.

II. Sa Suguidan: Isang Madugong Panimula
Kung sa ibang mga lugar ay tinatawa-tawanan lamang ang mga kuwento tungkol sa aswang, hindi ganoon dito sa Suguidan. Gawin mo iyon dito at magiging kaaway mo ang buong barangay. Dito, ang aswang ay hindi kathang-isip lamang. Totoo ito. Reyalidad. Nakita na ng marami naming kababaryo.
Guro sa isang kinikilalang kolehiyo at kumuha ng Ph. D. sa isang unibersidad sa ibayong-dagat, noong una’y ipinagkibit-balikat ko lamang ang kung ilang bersyon ng kuwento hinggil sa aswang sa aming barangay. Sa aking sarili, sabi ko, kuwentong-kutsero lamang ang mga ito o kung hindi man ay isang paunang taktika ng ilang honorable sa ating maruming pulitika. Alam naman nating ilang kabilugan na lamang ng buwan ay eleksyon uli. Sa madaling salita, sa una kong pagtaya, ang aswang ay isang kuwentong hindi dapat seryosohin.
MGA HAYOP ang unang biktima ng aswang. Isang pag-asawahan sa tatlong pares na kuneho ng bunso ni Arch. de Vera noong unang gabi ng pagsalakay. Inahing kambing ni Mang Kanor makalipas ang isang linggo. Dalawa sa magtatatlum-buwang mga baboy sa piggery ni Dr. Soriano pagkatapos ng isang buwan. At ang panghuli, bago ipasya ng aming barangay na magronda tuwing gabi, isa sa mga inahing Brahman (isang lahi ng baka na may dambuhalang laki) sa rantso ng nakababatang kapatid ng aming Barangay-Tserman.
Iisa ang kalunus-lunos na sinapit ng mga kaawa-awang hayop: wakwak ang dibdib, nawawala ang puso at atay, at said ang dugo! Sa isinagawang pagsusuri ng mga eksperto sa panghuling biktima, lumabas na hindi ginamitan ng anumang uri ng patalim ang nilapang hayop.
Noon nag-umugong sa apat na sulok ng Suguidan ang nakapangingilabot na mga kuwento tungkol sa aswang. Hindi na nag-atubili pa, noon din ay bumuo ang barangay ng mga grupo ng matatapang na kalalakihang magroronda tuwing gabi.
Dahil sa ronda, napayapa kahit papaano ang nahihintakutang loob ng barangay. Isa. Dalawa. Tatlo… at maraming linggo pa ang matuling lumipas na walang nabiktima ang aswang. Bago magdalawang buwan, isang hapong galing sa pagtuturo ay nabalitaan kong itinigil na ang pagroronda.
Pumatak ang unang ulan sa taong ito noong mga huling araw ng Abril. Gabi ng Mayo a-siyete, Huwebes, sinalanta kami rito sa Hilagang Luzon ng pagkalakas-lakas na bagyo, si Emong. Sa humigit-kumulang isang oras lamang na pananalanta niyon, kay raming buhay at ari-arian ang natangay. Sa aming purok pa lamang, anim sa labintatlong bahay ang nawasak. At ilan daw ayon sa mga naglabasang report ang bilang ng kababayan nating nakitlan ng buhay? Sampu? Dalawampu? Mahigit pa?
Kinabukasang humupa ang baha, ano’t tatlo sa mga hayop na natagpuang patay (nalunod, nadaganan at/o hindi kinaya ang sobrang ginaw) ay nasumpungang wakwak ang dibdib, nawawala ang kani-kanyang puso at atay, at said ang dugo! Nagbalik ba ang aswang? Sumalakay noong madaling-araw na payapa na ang panahon?
Bilog ang buwan noong unang gabing katatapos ng mapaminsalang bagyo. Mula sa aking mini-library sa bahay, buhat sa kung saan-saan ay dinig ang walang tigil na kahulan ng mga aso na binubuntutan ng makahindig-balahibong alulong mula sa malayo.
Dahil sa pangyayaring maiuugnay sa aswang ng sinundang gabi, hinihingi ng pagkakataong magkaroon sana uli ng pagroronda. Ngunit dahil napagod ang lahat sa paglilinis at pagkukumpuni ng kani-kanilang bahay, wala munang inorganisang ronda ang barangay. Maghahating gabi na, halos patapos na ako sa binabasang libro na may kaugnayan sa leksyong ituturo ko kinabukasan, nang dalawin ako ng antok.
TINIG ng mga opisyal ng barangay na nagpapa-tao po ang gumising sa akin kinabukasang hindi pa man nagliliwanag. Sa sala, nang makaupo na ang lahat, ang sabi ni kapitan: “Lingid sa kaalaman ng lahat, Maestro, ay nagronda kami nang magdamag. Kani-kanina lamang ay naaktuhan namin ang aswang na nilalapa ang nuang (kalabaw) ni Kagawad Zatur. Nang aming salakayin, mabilis itong tumalilis, lumipad patungo rito sa lugar n’yo. Sa pinangyarihan, nakita namin ito,” isang kuwentas na tila pamilyar sa akin ang ipinakita nito.
Inabot ko ang kuwentas. “Ngayon ko lamang nakita ito, Tserman. Hayaan n’yo at ipagtatanong ko sa aking mga kasama sa bahay.” Hindi sana nahalata ninuman ang kabang bumangon sa aking dibdib.
Magpapaalam na lamang ang mga hindi inaasahang panauhin nang buhat sa silid ni Anastacia, ang magtatatlong taong gulang kong anak, ay magtitili ang kanyang yaya. Palabas ng kuwarto ay kalong nito ang aking munting anghel na naliligo sa sariling dugo.
“May aswang, Maestro! May aswang!” sa pagitan ng kanyang mga tili.ay sabi nitong hindi halos mawawaan.
Hindi ko na nagawang ipagpaalam ang shotgun na hawak ni Tserman. Dala iyon ay sagsag na tinungo ko ang silid ng aking anak. Sa nakabukas na bintana, sa pusikit na karimlan, itinutok ko at pinaputok nang sunud-sunod ang baril.
Isinasauli ko ang shotgun ay tinatantiya ako ng aming punong-barangay. “Hindi ko rin inabot, Tserman. Mabilis kumilos. Pero lintik lang ang walang ganti!”
Sa pagsisiyasat ng mga doktor, dalawang may kalalimang sugat na likha ng kung anong matulis na bagay ang nakita sa katawan ni Anastacia. Pagkaraan ng tatlong araw ay saka pa lamang kami pinalabas ng ospital. Ligtas na ang aking unica hija!

III. Ang Tunay na Aswang sa Likod ng mga Pinaghihinalaan
Nabasa n’yo na ba ang The Scientist and the Vampire ni Mailliw Asacun, isa sa mga kinikilalang fictionist ng West? Ang akda ay hinggil sa isang henyong sayantist na gumagawa ng mga gadget para mahuli’t mapuksa ang kinatatakutang bampira na gumagala sa kanilang kumunidad. Tunay na high-tech at ismarte ang kanyang mga imbensyon ngunit tuwina ay nakalulusot ang bampira. Alam nito wari ang kahinaan ng bawat gadget na maimbento ni Dr. Harvey, ang scientist.
Isang gabi, sa sobrang pagod, ay hindi namalayan ni Dr. Harvey na nakatulog siya sa kanyang laboratoryo. Laking gulat niya nang kinabukasang magising siya ay wasak na ang kanyang lab. Basag lahat ang kanyang mga apparatus at lubhang nasira ang lahat ng makina roon.
Nang panoorin niya ang nakuhanan ng CCTV ng laboratoryo nang gabing iyon, labis siyang nanlumo sa natuklasan. Siya pala ang bampira! Pagkatulog niya’y isang bagong nilikha ang nagigising sa kanya. Wala siyang malay ukol doon.
ISANG Sabado ng umaga, lubha akong nagitla sa tanong ng isang pamangking noo’y kalaro ni Anastacia: “Totoo po ba, Tito, na inyo ang kuwentas na nakita sa sungay ng kalabaw ni Kagawad Zatur?”
Reading beyond the lines, ang tunay na tanong doon ay: Ako ba ang aswang?
Mula sa kuwarto ni Anastacia ay siyang paglabas ng kanyang yaya, hawak nito ang tinutukoy na kuwentas. “Maestro, nasa imo na pala ito? Sori po kung hindi ko ginbalik kaagad, ha?”
Pagliliwanag: nasa pag-iingat ni Yaya ang kuwentas noong makita ito nina kapitan sa nalapang kalabaw. Dalawang araw bago ng naturang insidente ay nakiusap siya sa aking hihiramin ito dahil makikipag-eyeball daw siya sa kanyang text mate (Ang mapaminsalang bagyong Emong ay tumama sa La Union noong gabi ng Mayo a-siyete. Madaling araw ng Mayo a-nuebe nang mangyari ang paglapa ng aswang sa kalabaw. )
Alas-kuwatro ng madaling araw kinabukasan, Linggo, kasama ako sa ronda, nang una kong mamataan ang pinagkakatakutang aswang. Kung nakaunat, ang isang pakpak niyo’y gadipa ang haba kaya’t sa kalawaka’y isang dambuhalang paniki ang kanyang nakatutulad. Mabilis iyon sa pagkampay ng mga pakpak kaya ilang saglit lamang ay agad nang nawala sa aming paningin. Wari bang nagpakita lamang upang ipagyabang na wala kaming magagawa laban sa kanya dahil siya’y sampung dobleng maliksi kaysa sa atin.
Anong ironiya ng buhay! Habang sa klasrum ay ipinangangalandakan kong hindi totoo ang ganitong mga nilikha, na dahil kathang-isip lamang ay hindi dapat katakutan, heto kaming mga matatapang na lalaki ng barangay, may tangan-tangang iba’t ibang klase ng sandata, ngunit halos maihi sa aming mga salawal, at sa halip na magkaisa ay muntik pang magpulasan ng takbo, sa gasaglit lamang na pagdaan ng nilikhang siya talaga naming hinahanap!
Sa malisyosong hukuman ng tao na kung tawagin ay public opinion, sinira ng pangyayaring iyon ang nabuong pasya ng madlang-Suguidan. Out na ako sa mga pinaghihinalaan.
Ang inakalang nasagot nang bugtong ay isa na ngayong napakalalim na misteryo: Sino kaya talaga ang aswang?
Pa-wishful thinking na makatutulong sa aking personal na pagsisiyasat, pinaunlakan ko ang bakasyong matagal nang hinihingi ng yaya ni Anastacia. Mahigit tatlong taon na rin namang hindi nakauuwi sa Visayas, binigyan ko siya ng 2-month vacation with pay.
Dalawang linggo nang nasa Visayas si Yaya nang muling mamataan ng mga nagroronda ang aswang. Katulad ko, kung gayon, out na rin siya sa mga pinaghihinalaan.
Patawarin ako ng barangay, pero in-excuse ko sa aking pagsisiyasat ang aking ina. Sa halip, inumpisahan kong isa-isahing lihim na matyagan ang aming mga kapitbahay. Palasimbahin at tunay na relihiyoso ang pamilya ni Insan Danny, imposibleng isa sa kanila. May kapatid palang ministro sa isang malaganap na sekta ng relihiyon sina Pareng Amor, imposible ring isa sa kanila.
ISANG hatinggabi, mula sa salaming bintana ng aking mini-library ay napuna ko ang kakaibang nilikhang iyon na nakalambitin sa duklay ng punong katapat ng bintana ng silid ni Anastacia. Hindi ako maaaring magkamali, ang aswang iyon! Nagkunwaring hindi ko siya nakita, patuloy ako kunwari sa aking pagbabasa. Bumuo ako ng plano.
Makaraan ang sampung minuto, sa normal na kilos ay ibinalik ko na ang libro sa kinuhanang shelf. Bago patayin ang ilaw, tiniyak ko muna kung nandoon pa rin ang aswang. At naroon pa rin nga, nakalambitin sa sanga. Nagmamatyag. Tyumityempo.
Tiyak ang aking mga kilos. Mabilis ngunit maingat kung nakuha ang aking M-16 armalite sa aking silid at sa isang iglap ay nasa loob na ako ng kuwarto ng aking anak. Pumwesto ako sa likod ng kabinet ngunit sa anggulong kita ko ang kabuuan ng silid lalung-lalo na ang bintana. Tiyak ko, si Anastacia ang binabalikan ng aswang.
Maliwanag sa labas dahil kabilugan ng buwan. Sa loob, kahit paano’y nakaaaninag. Sa duklay ng puno, naroon pa rin ang aswang. Nang walang anu-ano’y bumitaw ito sa sanga saka lumipad palapit sa bintana ng silid. Iniumang ko ang armalite sa kanya. Inasinta.
Ngunit ano ito? Mula sa isang sulok ng silid ay kumilos ang kalahating katawan ng isang munting nilikha palapit sa bintana. Dumayb doon ang aswang at ng mag-ibang anyo iyo’y naging ang aking si Anastacia!
Hindi ko alam kung gaano katagal akong hindi nakakilos. Maraming beses kong nahuli ang aking sarili na hinahabol ang paghinga. Nang mahimasmasan, maingat kong isinwits ang ilaw. Lumapit akong tahimik sa aking munting anghel. Payapa na siyang natutulog: inosente at walang kamuwang-muwang, lubhang malayo sa isa pa niyang katauhang kanina lamang ay aking nasaksihan. Sa tabi niya, maingat kong inilapag ang sandatang muntik nang kumitil sa kanyang buhay.
Lumuluha, niyakap ko siya’t hinalikan. “Mahal na mahal kita, anak ko!”

IV. Si Anastacia
Dalawang bagay ang ipinasumpa sa akin ni Ludivina, ang nasira kong asawa, bago siya nalagutan ng hininga pagkaluwal na pagkaluwal kay Anastacia. Una, na mamahalin ko ang aming anak, ipagsasanggalang sa anumang maaaring dumalaw na suliranin hanggang sa huling hibla ng aking hininga. Ikalawa, na bubuksan ko lamang ang sulat na iniabot niya sa akin kung dumating ang panahong malalagay sa pinakamalaking pagsubok ang aming anak, lalung-lalo na kung sa sitwasyo’y mapapagitan siya sa buhay at kamatayan.
Ngayon na ang panahong iyon, sa aking pagtataya. Napakaaga kumpara sa panahong aking inaasahan at lubhang napakalayo kung ihahambing sa sitwasyong inaakala. Ang lahat-lahat ay kaibang-kaiba kung ikukumpara sa aking mga hinaka.
Binuksan ko ang sulat:
Pinakamamahal kong Marcelo,
Ipagpaumanhin ang aking paglilihim. Baon ko ang pagsisising hindi ko
na masasagot nang personal ang mga katanungang bumabagabag sa iyo
ngayon.
Kasalalan ko, nagmahal ako… sa iyo. Ang pasya ko noo’y hindi na mag-
aasawa upang magwakas na sa akin ang nakapopoot na sumpang dumadaloy
sa dugo ng aming angkan… ang pagiging aswang. Pero dumating ka…
kumatok sa puso ko.
Nagbuntis ako. Sa ultrasound, nakitang babae ang bunga ng ating
pagmamahalan. Pagkatanto niyon, inihanda ko na ang aking sarili. Ginawa
ang sulat na ito. Sumpa din ito sa amin. na kapag hindi lalaki ang
magiging unang anak ng babaeng aswang, pagkaluwal na pagkaluwal sa
sanggol ay mamamatay ang inang nagsilang.
Sa ngayon, sa santinakpan ay si Anastacia na lamang ang nabubuhay
na nagtataglay ng aming dugo.
Gaya ng isinumpa mo noon, isumpa mo uli, mahal ko, na hindi mo
pababayaan ang ating anak lalo’t nababatid mong hindi magiging mabait
sa kanya ang mundo kapag nabunyag ang kanyang lihim.
Muli, patawad. Iyakap at ihalik mo ako sa kanya. Mahal na mahal ko
kayo!
Nagmamahal,
Ludivina


V. Malungkot na Wakas: Ang Paglisan
Dalawang beses kong pinagtangkaang kitlin sa sarili kong mga kamay ang buhay ng huling lahi ng aswang. Ipagpatawad na hindi ko kinaya. Maraming beses ding binalak ko siyang isuplong sa barangay ngunit tuwina’y lagi akong nabibigo.
Pakiusap lalo na sa tulad kong mga magulang, tulungan po ninyo akong ipaliwanag sa lahat ang aking ginawa at maaaring gawin pa para sa aking anak. Upang kung hahatulan ako ng tao’y hahatulan sana ako nang may habag at pang-unawa. Ako pa ba na kanyang ama ang maglalagay kay Anastacia sa kapahamakan?
KANINA lamang madaling-araw na umalis muli ang aswang ay nabuo ko ang pasyang ito. Sa tabi ng naiwang katawan ng aking anak, sa isang kuwadradong karton ay isinulat ko: House and lot for sale.
Hindi na safe ang aking anak sa Suguidan. Kailangan na naming lumipat sa ibang lugar sa lalong madaling panahon. Hindi ko isusuko sa kahit kanino si Anastacia. Hahayaan kong tuklasin at lunasan ng kasaysayan ang kanyang sariling mga lihim at mga suliranin.
Muli, patawad— Marcelo dela Cruz.

Kuwento ng Dalawang Pangit

Sa San Fernando City, La Union, sa mga dyipni’y pinakamalakas ang pasada sa rutang Lingsat-Plaza. Pitong malalaking kolehiyo kasi ang nakatirik sa sakop nito.
Sa midway ng ruta, tapat ng Saint Louis College, ay nakatayo ang Mayumi Apartelle. Ito’y apat na palapag na gusali na ang bawat palapag ay may tig-a-anim na kuwarto. At ang bawat kuwarto, na pawang air-conditioned, ay may tigalawang double deck bed. Moderno ang gusali na maihahambing sa mga eksklusibong apartelle sa Kalakhang Maynila. Maliban kung summer, tuwina’y laging puno ang apartelle.
Ang apartelle ang inginuso kay Leon ng mga tsuper ng dyipni noong magtanung-tanong ito ng magandang puwedeng pangupahan sa lugar. Dayo lamang rito si Leon. Tawag ng tungkulin. Ipinadala upang pansamantalang maging tagapangulo ng isang departamento kung saan ikalawang tagapangulo ito sa kanilang mother school.
Si Mayumi ang nakaharap ni Leon noong mag-inquire siya sa apartelle. Puno na noon ang apartelle at aywan ni Mayumi kung bakit naialok nito kay Leon ang isang bakanteng kuwarto sa bahay nila. Ang bahay nila ay halos kadikit lang ng apartelle.
“Sino” at “ano” si Mayumi? Edad biente siyete na ito. Graduate ng BSBA, major in Marketing. Magkakasama sila dati sa Amerika ng kanyang kuya Lester, isang US Navy, at ate Bernadette, isang doktor sa pinakamalaking ospital sa Chicago. Noong mamatay ang kanilang daddy, may dalawang taon na ang nakararaan, pagkatapos ng libing nito’y hindi na bumalik ng Amerika si Mayumi.
Noon naisipan ng pamilya na itayo ang apartelle. Isinunod ito sa pangalan ni Mayumi na, siyempre’y siyang tagapangasiwa at sa kanya rin nakarehistro. Bilang dagdag na pagkakakitaan, sa harap ng apartelle ay nagpatayo pa ang pamilya ng water refilling station, na isa ring patok na negosyo.
Kung “ano” si Mayumi ay isang lihim na ang pamilya lamang nila ang nakakaalam. Diborsiyada ito. Halos kadi-divorce lamang nila ng asawang Kano noong mamatay ang kanyang daddy. Kaya pala ganoon na lamang noon ang iyak nito!
“Sino” at “ano” naman si Leon? Sa edad na biente kuwatro, kung tutuusin ay batam-bata upang maging tagapangulo ng isang departamento sa isang malaki-laki ring kolehiyo. Pero huwag ka dahil tapos na ito ng MA. At kung hindi lamang nadestino rito sa probinsiya’y nag-enrol sana ng doctorate sa semestreng ito.
Sa tikas, may pangangatawang gaya ng sa mga atleta si Leon. Hindi man kasi ito nahilig sa sports ay panay naman ito sa gym. Sa pananamit, desente at edukadung-edukado itong tingnan sa kombinasyong slacks at polo na laging naka-tucked in. Kung may tatlong salita na makapaglalarawan sa binata, tumpak ang tall, dark and handsome.
Sa biru-biruan nila ng kambal na si Mara, madalas tuksuin si Leon na bakla. Paano, may dalawang anak na si Mara ay wala ni girlfriend siyang naipapasyal sa kanila. Pero hindi bakla si Leon. Lalaking-lalaki ito. Hindi pa lang talaga siguro dumarating ang kanyang pag-ibig.
KATAPUSAN noon ng June nang matanggap si Leon bilang part time sa isang panrehiyon na istasyon ng radyo. Natural, ayon sa forte nito ang programa. Tungkol sa edukasyon. Sa mga makabagong pamamaraan ng pagtuturo. Sa mga tagumpay ng mga mag-aaral at mga guro sa rehiyon. At maging sa mga kapalpakan ng gobyerno na tugunan ang mga pangangailangan sa sistema ng ating edukasyon.
Alas-sais hanggang alas-siyete ng gabi, araw-araw, ang oras ng programa ni Leon. Bunga nito, ang dati nitong uwi sa bahay nina Mayumi na alas-singko y diyes ng hapon ay naging alas-siete y media ng gabi.
Minsan, habang naghahapunan, mag-aalas-otso ng gabi, ay biniro ni Mayumi si Leon. “Buti naman, sir, at hindi nagsasawa sa pangit mong pagmumukha ang dinadalaw mo gabi-gabi?” Hindi alam ninuman sa mga kasama ni Leon sa bahay na may part time siya. Mag-iisang linggo na siya noon sa radyo.
“Siguro nga’y nagkamali ako nang ilihim sa inyong nakuha akong mag-part time sa radyo,” umpisa ng pagtatapat ni Leon. Binanggit nito ang pangalan ng istasyon ng radyo at ang oras ng kanyang programa. Higit kaysa kay Mayumi, sa mommy ni Mayumi siya nagkukuwento. Napakabait kasi sa kanya ng matanda. Hindi na siya itinuturing na iba. Hindi ba’t maging sa pagkain ng mag-ina’y isinasabay siya? May palagay si Leon na gusto siya ng matanda para kay Mayumi.
Bumaling si Leon kay Mayumi. “Ngunit, kung alam ko lang na mami-miss ko pala ang kapangitan mo sa oras ng aking programa, sana’y hindi na lamang ako nag-part time.”
Iyon ang simula ng pagtatawagang “Pangit” ng dalawa. Sa umaga, palabas ng bahay, ay sasabihin ni Leon: “Pangit, aalis na ako. Ano ang gusto mong pasalubong, Pangit?” Sasabihin naman ni Mayumi: “Huwag na oy! Ipunin mo na lang, Pangit, nang may maipamparetoke ka sa pangit mong mukha!”
Sa gabi naman, kung dumarating ang binata’y isasalubong sa kanya ng dalaga: “Okey na sanang magtatapos ang araw ko, nakakita pa ako ng pangit. Nasira tuloy ang araw ko!” Na sasagutin naman agad ng binata: “Amanos lang tayo, Pangit. Pag nakikita kita, nadadagdagan ang pagod ko. Nasisira rin ang araw ko!”
Saka sila sabay na tatawa.
ISANG GABI, habang nagpapaantok si Leon ay nakatanggap siya ng text message mula kay Mayumi. Ang sabi, “May gamot ka ba riyan, Pangit? Para kasi akong lalagnatin. Mabuti kung maaagapan nang huwag matuloy.” Tamang-tama, may stock na gamot noon si Leon. Sinabi niya ito sa kanyang reply. Itinanong din niya kung dadalhin niya ito sa kuwarto ni Mayumi o si Mayumi ang kukuha nito sa kanyang kuwarto.
Hindi nag-reply ang dalaga. Sa halip, pagkaraan ng ilang sandali, ay nakarinig na lamang siya ng mahihinang katok sa kanyang pinto. Pinagbuksan niya. Si Mayumi! Nakaputi itong shorts na tinernuhan ng puti ring t-shirt.
Dis-oras ng gabi, papapasukin ba niya si Mayumi? Bago niya naisip ang sagot, nasa loob na ng kuwarto niya ang dalaga. Sa pahapyaw na pasada ng tingin sa dalagang bahagyang nakatalikod sa kanya, natiyak ni Leon na hindi ito naka-bra!
Tinutukso ba siya ni Mayumi?
Patutukso ba siya?
Mabuti at pagkabigay niya ng gamot ay lumabas agad ang dalaga. Saka lamang nakahinga ng maluwag si Leon. Iba na ang temperatura ng katawan niya kanina.
Nakahiga na uli si Leon nang makatanggap muli ng message mula kay Mayumi. “Akala ko pa naman, iaalok mong imasahe mo ako, Pangit. Siguro, napapangitan ka talaga sa akin. Pangit ba talaga ako, Pangit?”
Nag-text back siya. “Hindi ka pangit. Ang totoo, maganda ka. Adorable, lovable. Ano na kasi iyon sa Tagalog?- Kabigha-bighani. Kapanta-pantasya. Katakam-takam!”
Ang sagot ni Mayumi. “Talaga!? Walang malisya, puwedeng i-massage mo ako, Pangit?”
Hindi malaman ni Leon kung bakit nanginginig ang mga daliri niya habang ginagawa ang reply. “Saan? Dito sa kuwarto ko o diyan sa kuwarto mo?”
Di na nag-reply si Mayumi. At heto uli ang mahihinang katok sa pinto niya. Muli, pinagbuksan niya.
“Baka magising ang mommy mo, iba ang isipin…” Aywan ni Leon kung bakit pati ang boses nito’y nanginginig. Bunga ba ng muling pag-iinit ng temperatura ng kanyang katawan?
“Ala-una ng madaling araw, tulog na tulog na ‘yon.” Kampante ang boses ni Mayumi. Pumasok ito sa kuwarto, iniabot kay Leon ang massage cream saka tinungo ang kama. Dumapa. “I-lock mo ang pinto, Pangit!”
MAG-AALAS-SINGKO y media kinabukasan ng hapon nang dumating si Leon sa bahay nina Mayumi. Bago sila maghapunan, tinext niya ang dalaga na mag-usap sila sa may hardin.
“Iyong nangyari kagabi, papanagutan ko, Pangit!” Si Leon. Oo nga pala, alam na ni Leon na diborsiyada si Mayumi. Nalaman niya ito sa mismong mommy ng dalaga. Sinabi ito sa kanya ng matanda, dalawang linggo na ang nakaraan, nang magpaalam ito sa ginang na liligawan niya si Mayumi.
Tumawa si Mayumi. Sa kaswal nitong bulgar na pakikipag-usap, sabi nito: “Nasarapan ka lang, e! May madilim akong kahapon, Pangit. Im not worthy!”
“Anuman ang iyong nakaraan, mahal kita, Pangit. At sa ayaw mo’t gusto’y pakakasalan kita.”
Pagkatapos nilang maghapuna’y tinawagan ng binata ang kanyang daddy. Nakipag-usap din sina Mayumi at ang mommy nito. Napagkasunduang sa susunod na Sabado’y mamamanhikan ang partido ni Leon.
Nang gabing iyon, bago pumasok sa kanyang silid ang mommy ni Mayumi’y kinausap sila. Hangga’t hindi pa raw nakakasal ay magpigil muna. Tumango ang dalawa.
Kaso, bandang ala-una ng madaling araw, habang himbing ang matanda, isa sa tatlong silid ng bahay ang walang tao. Samantalang sa isang silid ay may dalawang aninong gayon na lamang ang pagkukubli sa pusikit na karimlan. Maririnig buhat sa isa, pausal, waring nasa napakataimtim na yugto ng pananalangin, ang pangalang “Mayumi”. Sasagot naman ang isa sa tinig na animoy nagpapasaklolo: “Leon..Oh, Leon!”

Ate Belen

Si Ate Belen ko, idol ko ‘yan. Isusubo na lamang niya ang tinapay, kapag makita ako, ibibigay pa sa akin ang tinapay. Ang katwiran niya, di bale nang siya ang magutom, dahil kaya na niyang tiisin ang gutom, kaysa ako ang magutom. Mahal na mahal ako ni Ate Belen kaya mahal na mahal ko rin siya.
Sa nakakikilala sa amin, ang ganitong turingan namin ay hindi siyang dapat na asahan. Sa ina lamang kasi magkapatid. O kaya, mas tumpak sabihin, kaming apat ay sa ina lamang tunay na magkakapatid.
Uther ang pangalan ng aming panganay. Kung nasaan siya ngayon ay hindi namin alam. Basta ang sabi ni Ate Belen na sinabi raw ni Nanay, nasa poder ito ng kanyang ama. Isa raw malaking politiko, na ayaw namang banggitin ni Nanay kung sino, ang ama ni Kuya Uther.
Bago ng mga iba pa, palagay ko’y kailangan ko munang sabihin kung sino dati si Nanay. Siya’y dating sikat na personahe ng pinilakang tabing na nagkaroon din ng ilang pelikulang pumatok sa takilya. Pagliliwanag: sinabi ko ito hindi upang ipagmalaki ang aking ina. Sinabi ko ito upang kahit papaano ay magkaroon siya ng larawan sa inyong imahinasyon nang sa gayo’y makita rin ninyo sa kanya ang nakita ng kung ilang bigating lalaki na napaugnay sa buhay niya.
Sa puntong ito, siguro’y gusto n’yong malaman kung sino siya. Sa ilang detalyeng ibinigay ko, marahil, may mga hula-hula na kayo. Una, ipagpaumanhing sa halip na libangin ay nabigyan ko pa yata kayo ng alalahanin. Ikalawa, ipagpatawad na hindi ko talaga sasabihin. Dahil kahihiyan daw, sabi ni Ate Belen, ang maging anak ng aming ina.
Mark ang pangalan ng pangalawa. Gaya ni Kuya Uther, sa larawan ko na rin lamang nakita si Kuya Mark. Tisoy ito. Anak kay nanay ng isang sundalong ‘Merkano na may mataas na ranggo sa dating pwersa-militar ng Estados Unidos sa Clark Air Base sa Pampanga. Noong nagsara ang Clark, isinama ng kanyang ama sa Amerika si Kuya Mark.
Si Ate Belen ang pangatlo. Sa kanyang mga singkit na mata at mala-porselanang kutis, kahit huwag nang itanong, matitiyak na intsik ang ama. Kung sino, katulad ng ama ng aming mga kuya, ay wala ring pangalan. Hindi alam ni Ate Belen kung sino ang kanyang ama.
At siyempre, ako. Ciriaco ang aking pangalan. “Akong” sa bahay at sa mga kalarong batang kanto. Junior ako. Ciriaco Senior, samakatwid, ang aking ama na isang tsuper ng dyipni.
Kung paanong naging anak ako ng isang tsuper sa isang dating sikat na artista ay siya kong ibabahagi. Pampalubag-loob man lamang sa paglilihim ko sa inyo ukol sa katauhan ng aking ina.
TULAD nina Kuya Uther at Kuya Mark, si Ate Belen man daw ay pinagtangkaang kunin mula kay inay ng kanyang intsik na ama. (Kailangan ko pa bang banggitin na sa ikatlong pagkakataon ay isa uling kerida ang aking ina?) Kaya isang tanghaling nakaidlip ang upahang bantay, maingat na tumalilis sina nanay sa apartment. Walang tiyak na patutunguhan, tuliro, basta sumakay na lamang sila sa isa sa mga nakahintong dyip sa bahaging iyon ng Ortigas. Ang tsuper ng dyip na iyon ang nagbukas ng palad at ng pintong mapapasukan nina Nanay at Ate Belen na noo’y sanggol pa lamang. Ang tsuper na iyon ang aking ama.
Naalala kong sinabi sa akin ni Ate Belen, sa aming dalawa, mas mapalad daw ako. Kasi ako, kilala ko ang aking ama. Siya hindi. Mas mapalad pa nga raw ang mga tuta kaysa sa kanya. Kasi ang mga aso, ang ama ng mga tuta, ay may panga-pangalan. Siya raw, parang biik.
Pinapangalanan daw ba ang mga baboy? Sabagay, sabi niya, isang baboy ang aming ina.
Ayaw kong sumang-ayon. Ipinagdamdam ko kay Ate Belen ang sinabi niyang iyon tungkol sa aming ina.
Apat na taong gulang ako noong maglahong parang bula ang aking ama. Nasa malaking bahay na kami nang sekretuhan ako ni Ate Belen na “ipinatumba” mismo ng aming ina ang aking ama. Kung ano ang ibig sabihin ng “ipinatumba” ay hindi ko alam. Ang gumawa raw niyon ay mga tauhan ni Tito Boggart, ang bagong kinakasama ni Nanay.
Mayaman si Tito Boggart. Sa garahe, marami siyang sasakyang puro mga bagong modelo. Malaki ang kanyang bahay. Marami rin siyang tauhan. Pero kahit laging masarap ang aming pagkain, kahit laging may mga bago akong laruan at kahit laging may mga bagong damit si Ate, ayaw namin sa kanya. Kung bakit, hindi ko maipaliwanag sa panig ko. Sa panig ni Ate Belen, iba raw ang kutob niya.
Noong magpasukan, si Ate Belen, hindi si Nanay, ang nagsabing dapat akong mag-aral. Sa aming dalawa, ako man lamang daw ang makatuntong sa eskwela, magkaroon ng karera balang araw, ay ligaya na niya. Hindi pa ‘ata natapos ni Ate Belen ang Grade I. Totoong kapos na kapos kami noon sa piling ng aking ama.
At nag-Grade I ako. Sa mga unang araw ng klase, umiiyak ay tinatawag ng mga klasmeyt ko ang kani-kanilang nanay. Kakatwang ako, sa halip na si Inay ay si Ate Belen ang nami-miss ko. Palibhasa, wala kasi akong maapuhap na magandang alaala na sukat ika-miss kay nanay.
Dapat ko na bang ipagpalagay na ako’y lahi rin ng baboy? Gayon ang mga biik, hindi ba, hindi nami-miss ang kanilang baboy na ina!
Pero, ha-ha, sino ang mag-aakala na ang anak ng tsuper ay genius pala? Babasahin ko na lamang ang libro, kahit huwag nang ipaliwanag ng titser, alam ko na. Sabi ng aking guro, gifted child daw ako.
Ibinalita ko ito kay inay. Wala lang sa kanya. Kay Ate Belen, ang sabi, proud na proud siya sa akin. Gayong kaunti na lamang ay halos magkasintangkad na kami, ako’y kinarga niyang parang isang bata, isinayaw-sayaw, habang tuwang-tuwang sinasabi na kapagma-pagmalaki ako!
Kalagitnaan ng Hulyo, nagkasakit si Nanay. Gayong napakaalinsangan kapag tanghali, tagtuyot noon, giniginaw raw. Iminungkahi ni Ate kay Tito Boggart na dalhin namin si Inay sa ospital. Pero sabi ni Tito Boggart ay gagaling din siya. Kaya pa raw daanin sa gamot.
At totoo nga, gumaling si Inay makalipas ang ilang araw. Pero hindi naglipat linggo, nagkasakit uli. Gaya ng dati, malubha. Tapos, may mga butlig-butlig pang tumubo sa katawan. Sa ipinayat pati, hindi na mabakas sa kanya ang isang panahong isa siyang tinitiliang istarlet ng pinilakang tabing. Kabigha-bighani at kasamba-samba. Pinapantasya ng mga kalalakihan.
“Makinig kang mabuti,” sabi sa akin ni Ate Belen isang gabing bago kami matulog. “Lumabas sa pagsusuri na may AIDS si Nanay.” Ipinaliwanag niya kung ano ang AIDS. “ Higit kailanman, ngayon tayo kailangan ni Nanay. Ipakita natin, iparamdam natin, na mahalaga siya sa atin. Mahal natin si Inay, di ba?”
Hinihingi ng sitwasyon, mas dapat akong sumang-ayon kaysa sumalungat. Tumango ako.
Pero hindi gaya ni Ate Belen, hindi kaiyak-iyak sa akin na malamang may AIDS si Nanay. Naging matapang na siguro ako gaya ng gustong mangyari sa akin ni Tito Boggart. Pero siyempre, nandoon pa rin ang pag-aalala. Pasusuhing biik pa lamang kami ni Ate Belen. Mamamatay kami kung mamamatay ang aming ina.
Ang sitwasyong ito ay nakapagtataka yatang hindi nakaapekto kay Tito Boggart. Dahil hindi naman niya tunay na asawa si Inay, inasahan naming palalayasin kami sa malaking bahay. Pero hindi iyon nangyari. Mahal ba niya talaga si Nanay? Kung pagbabasehan ang ikinikilos niyang tila nasisiyahan pa sa pagkakasakit ni Nanay, malabong mag-conclude ng gano’n.
Ang kutob ko ay siya rin kayang kutob ni Ate Belen? Grade I pa lamang ako pero bahagi siguro ng aking pagiging gifted child na maunawaan na ang aming sitwasyon kahit ako’y nasa napakamurang gulang pa lamang. Maganda at makinis si Ate Belen. Batam-bata at fresh. Sa isang gaya ni Tito Boggart na nabubuhay sa mga negosyong ilegal, hindi malayong tama ang kutob ko!
Nitong mga huling araw ay nakita ko nga kay Ate Belen ang pagiging tunay na anak. Personal nitong inalagaan si Inay. Maging ang pagluluto ay hindi niya ipinabahala sa mga kasambahay. Unti-unti, naka-recover ang aming ina. Bumalik ang dati niyang lusog.
Agosto.
Nakatutulig ang katahimikang nadatnan ko sa bahay isang tanghaling kanselado ang klase dahil may bagyo. Sa salas, wala maski isang tao. Wala si Ate Belen, wala si Nanay, wala ang mga kasambahay, wala rin si Tito Boggart. Nasa taas kaya sila lahat? Dalawang palapag ang malaking bahay ni Tito Boggart.
Sa kuwarto, wala rin si Ate Belen. Magkakuwarto kami. Sa double deck, sa taas siya, sa baba ako.
Sa kwarto nina Inay, nandon si Inay, mahimbing na natutulog. Sa kuwarto ng mga kasambahay, tulog din sila. Bakit sila tulog? Nasaan si Ate Belen at si Tito Boggart?
Sa isang kuwarto, nagkabuhay ang kutob ko. Naroroon, pwersahang sinisipingan ni Tito Boggart si Ate Belen. Umiiyak, nagmamakaawa ang ate ko!
Diyos ko, ano ang gagawin ko?
Maingat, mabilis akong bumalik sa silid nina Nanay. Sa isa sa mga drawer doon, nakita ko minsan ang nakatagong mga baril. Kinuha ko ang isa.
Ang sumunod na mga eksena ay tila sa isang pelikulang aksyon. Bagamat magkakasya na ako sa kaunting awang ng pinto, sadyang pinagplanuhan ng hayok na patulugin ang lahat kaya kampanteng kahit ito’y nakabukas, tinadyakan ko pa rin ang pinto. Antimanong naagaw ko ang atensiyon ni Tito Boggart. Nakita ko ang matinding takot na bumadha sa mukha niya nang makitang nakatutok sa kanya ang baril na hawak ko.
“Aba’t loko ang isang ‘to, a!” Sinlakas ng kulog ang sigaw ni Tito Boggart. “Bitiwan mo ‘yan! Maiputok mo ‘yan!”
Noong tumayo ito at sugurin ako’y inasinta ko. Sa unang putok, buwal si Tito Boggart. Pero buhay pa, nagmura. Isa pang putok, nagmumura pa rin. Isa pa uling putok, tumahimik na.
Tili ni Inay ang sunod na pumuno sa silid. “Bakit mo binaril ang asawa ko!?”
Nilampasan ako, nilapitan niya ang nakahandusay na si Tito Boggart. Paluhod, niyakap niya ang “asawa”. Maya-maya, pinulsuhan. Umiling. Saka nagmura. “’Tang ina mo! Wala kang utang na loob, napatay mo si Boggart!”
Noon ko lamang ganap na natanggap, baboy nga ang aming ina! Kulang pa ba sa kanya ang naratnang kahubdan ni Ate Belen, wala halos malay, duguan ang puting kubre-kama, upang ang hilaw na asawa pa ang kampihan?
“Wala kang kwentang ina! E, ginagahasa niya ang ate ko, e!”
“Inakit lamang siya ng malandi mong ate!”
Ginawaran ni Nanay ng halik si Tito Boggart. Tumayo, humakbang siya palapit sa akin. Nag-aapoy ang poot sa kanyang mga mata. Itinutok ko sa kanya ang baril.
Isa. Dalawa. Tatlo. Hindi ko kayang kalabitin.
Inagaw niya sa akin ang baril. Tumalsik ako sa lakas ng kanyang sampal.
“Mga walang hiya kayo! Papatayin ko rin kayo!” Itinutok niya ang baril kay Ate Belen. Pumutok. Pero hindi tinamaan si Ate. Sinugod ni Ate si Inay. Sumugod din ako. Nag-agawan kami sa baril.
Bang!
Bang!
Duguang bumagsak malapit kay Tito Boggart si Inay.
Niyakap ako ni Ate Belen. Mahigpit. Matagal. Nanginginig siya nang sabihing ligtas na raw kami.
Kinahapunan, isa sa ulo ng mga balita sa telebisyon ang kamatayan ni Inay. Pero iba ang istorya: Matapos barilin ang kanyang live-in partner, nagbaril din ng sarili ang isang dating sikat na artista. Pambababae ng kinakasama ang anggulong nasisilip ng pulisya kaya niya iyon nagawa.
Natulig ako sa kataimtiman ng tahimik na pagluha ni Ate noong ibalik sa bahay ang mga bangkay. Nang maipuwesto, inakay ako niya palapit sa mga iyon.
“Humingi ka sa kanila ng tawad!”
Matigas ako. “Ayoko, ate!”
Inulit niya.
“Ate, please… hindi ko po maaatim.”
Saglit na nagdigma ang aming mga titig. Sumuko ako.
“Inay, Tito Boggart, patawad po! May you rest in peace!” Dalawang patak ng ligaw na luha ang sumungaw sa aking mga mata. Kasabay niyon ang pagkislap ng liwanag mula sa mga camera ng mga naroong reporter.
Kinabukasan, iyon ding balitang iyon ang laman ng mga peryodiko. Sa kalakip na larawan, nandoon kami ni Ate Belen. Tila mga basang sisiw, lumuluhang nakatanghod sa aming mga namayapa.
Pagkatapos ng libing, sabi ni Ate Belen, ay uuwi raw kami sa probinsiya. Sa bayan nina Inay, sa Naguilian, La Union. Inulit niya, ligtas na raw kami!

Thursday, October 29, 2009

Sabi Mo Sa Akin

(Handog kay Ma’am Florence Libatique ng Suguidan Elem. School)



Sabi mo sa akin
nang ilagak ako sa iyong kalinga:
“Huwag kang umiyak, pumanatag ikaw
habang narito ka’y ako ang ‘yong nanay!”

Sa iyong kalinga
ay natuto ako ng maraming bagay:
bumasa, sumulat, magbilang, magkwenta
tumula, kumanta’t kung anu-ano pa.

Sabi mo sa akin
noong patapos na ang ating eskwela:
“Pagsumikapan mo na iyong makita
ang magandang bukas, buhay na sagana.”

Tayo ay nagkita
matapos dumaan ang maraming taon.
Sabi mo sa akin: “Ikaw pala, iho.
Titser ka na rin daw, ito ba’y totoo?”

“Opo,” ang sagot ko
na tulad ng dati’y listo at maagap.
“Di man sasagana’y garantisado po
na ito talaga ang siyang gusto ko.”

Sabi mo sa akin
habang nakatitig sa mga mata ko:
Binabati kita, pagbubutihin mo—
maligaya akong ika’y naging guro!”

Doon Po Sa Amin

Nang umuwi ako n’ung nakaraang buwan
sa sinilangan kong minumutyang bayan;
sa ibayong-dagat na pinanggalingan,
maluha-luha pa noong magpaalam!

Habang bumibyaheng pauwi sa amin
mahilu-hilo ma’y kay gaan ng feeling;
ilang oras na lang, sa wakas, sa wakas
sa mahal kong bayan ay muling aapak!

Kumusta na kaya ang mahal kong bayang
hirap at hikahos noong aking iwan?
Umaasa akong maunlad na ito
pagkat mahusay raw ang aming gatpuno!

(Dating klasmeyt daw niya’t naging kaibigan
ang dating pangulo sa malayong bayan;
sa aking pag-uwi’y magugulat kaya
sa naging pag-unlad ng bayan kong sinta?)


Magtatanghali na nang aming sapitin
ang istasyon ng bus sa poblasyon namin;
liban sa iilang gusaling nadagdag
ang baya’y wala na yatang iniunlad!

Pauwi sa baryo’y nagbalik na sugat
ang tanawin doong larawan ng hirap;
baku-bako pa rin ang daang binagtas,
wala pa ring linya ng elektrisidad!

Saan napupunta ang taunang budget
na inilalaan sa bayan kong ibig?
Anong ginagawa ng konsehong bayan—
ang pangako nila’y nasaan, nasaan?

Ga’no man kasakit, bukas ng umaga
lilisanin uli ang bayan kong sinta,
muling paroroon sa malayong lupa
upang paalipin sa mga banyaga!

Sa mithing pagbangon ng bayan kong sinta
kahit papaano’y makatulong sana
ang katas ng pawis na ipadadala
sa mga mahal ko na nangungulila.