William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Wednesday, February 17, 2010

Si Orokatu ng Republikang Saging

Limang tsonggo ang nagsadya kay Orokatu kaninang umaga lamang. Katulad ng walong unggoy na nagsadya rin sa kanya noong nakaraang araw, at katulad ng mga iba pang nauna, hinihimok siya ng mga iyon na lumaban sa nalalapit na Hangalang Pampurok. Sa Republikang Saging, hangalan ang tawag sa proseso ng pagpili nila ng magiging mga lider.
Nito lamang nagdaang mga ilang taon o mula nang maluklok ang maraming politikong may talsik ng dugong linta at ulupong, ang hangalan ay unti-unting nag-tila labanan ng yaman at popularidad. Ang proseso, sa gitna ng nagkakatipong mga mamamayan ay tatawaging isa-isa ang mga kandidato sa isang partikular na posisyon. Hahatulan ng mga hurado ang isang kandidato ayon sa lakas o hina ng palakpak sa kanya.
Gaya ng sa halalan nating mga tao, dito madalas nagkakadayaan. Tuwing hangalan, sa halos lahat ng dako ay may napapaulat na bilihan ng palakpak. Sa ibang mga lugar ay sapilitan pa nga, may kasamang dahas at banta. Bawal ang ganito ngunit wala namang magawa ang bungal na pangasiwaan ng hangalan.
Mga matsing ang karamihang nanunungkulan sa Republikang Saging. Kaya siguro napipisil siyang isabak ng ng mga kapurok sa nalalapit ng hangalan ay dahil isa siyang matsing.
Kung paanong may antas-antas tayong mga tao sa ating lipunan, mayroon din ito sa Republikang Saging. Ang Estadong Matsing ang pinakamataas. Nabibilang dito ang mga propesyonal, mga matatagumpay na mangangalakal at mga mamamayang may pambihirang kakayahan. Sumusunod ang Estadong Unggoy. Nakahanay rito ang mga tagapamayapa, mga maliliit ng negosyante at lahat ng mamamayang kaya nang mabuhay mag-isa. Ang Estadong Tsonggo ang pinakamababa. Binubuo ito ng mga bata at lubhang matatanda nang mamamayan. Yaong mga bagong silang, mga pasusuhin, mga mag-aaral at iyong mga matatanda na hindi na kayang umakyat ng puno.
Ang sagot ni Orokatu sa limang tsonggo ay katulad din ng isinagot niya sa walong unggoy at sa mga ibang nauna: Pag-iisipan kong mabuti. Maraming salamat sa paniniwala ninyo sa akin!
Ang totoo, gayon man, ay ayaw lamang niyang harapang pahindian ang mga kapurok. Noon pa ay napagpasyahan na niyang hindi siya makikisawsaw kailan man sa kanilang napakarumi at napakadugong pulitika. Sa edad niyang labing-anim, hitik na siya sa karanasan, hinog na sa kaalaman, sa halos lahat ng bagay-bagay ukol sa Republikang Saging.
Magsasampung taong gulang siya noong maging guro. Sa panig na iyon ng lubhang napakalawak na kabundukan, dahil iisa lamang ang pribadong paaralan, hindi nakapagtatakang naging estudyante niya ang mga anak ng halos lahat ng politiko noong panahong iyon. Sa Araling Pangkasaysayan, kapag ang paksa nila’y ukol sa pulitika, sa mga nagawa ng nangakaraang Administrasyong Pampurok, tuwina’y mainit na nagkakadabatehan ang mga anak ng mga politiko.
Pasiklaban ang mga ito sa mga di-umano’y kapagma-pagmalaking proyektong nagawa ng kanilang angkan. Kung lilimiing mabuti, gayon man, ang mga proyektong binabanggit ay hindi naman talaga ginawa para sa kapakinabangan ng madlang Republikang Saging. Ginawa ang mga iyon, unang-una, para sa kanilang sariling kapakanan.
Isa pa iyon sa mga kahayagan ng sobrang pulitika sa Republikang Saging. Dala-dala ng mga anak hanggang sa eskwela ang pagiging politiko ng kanilang angkan. Gayong karamiha’y blangko ang ulo, tuso at sobrang mayayabang ang mga ito. Marami sa kanila ang ibinagsak ni Orokatu ngunit nagtaka siya kung bakit nagtapos ang mga ito.
Nang sadyain niya, isang araw, ang presidente ng paaralan sa opisina nito, naratnan niya roon ang isang malaking politiko. Kalaunan, nalaman niya, marami palang kumpareng politiko ang kanyang boss. Noong sumunod na pasukan, sa ibang paaralan na nagturo si Orokatu.
Isang hapong galing sa eskwela, pauwi sa kanyang yungib ay nasalubong niya ang pinsang si Babakiko. Hindi niya alam na nakabalik na pala ito sa Republikang Saging. Tulad niya, isa ring guro si Babakiko. Gayon man, nagbitiw ito sa paaralang pinagtuturuan, tatlong taon na ang nakararaan, upang maging tagabo (katumbas ng dyanitor sa ating mga tao) sa Isla Puting Bato.
Ang Isla Puting Bato ay isang teritoryo sa malayong lupain na ayon sa mga nakapunta na roon ay higit na mayaman at higit na payapa kaysa sa Republikang Saging. Isipin na lamang na kayang pasahurin ng mga tagaroon ang isang tagabo ng walundaang orot kada buwan. Sa Republikang Saging, ang mga guro ay sumusuweldo lamang ng anim napu hanggang sandaang orot buwan-buwan.
Masayang binati, mahigpit na kinamayan siya ni Babakiko. Masigla ang maikling kamustahan. Bago sila naghiwalay, inanyayahan siya ng pinsan na dumalaw sa yungib nito kinagabihan noon.
Tama ang larawang iginuhit ni Orokatu sa kanyang imahinasyon tungkol sa yungib ng pinsan. Pangmayaman ang loob niyon. Sa mesa, iba’t ibang uri ng pawang espesyal na saging ang nakahain. Ang kabuuan ng yungib ni Babakiko ay hindi kayang tapatan ng kahit sino mang guro sa Republikang Saging.
At ano ulit, niyayaya siya ng pinsan na mag-apply rin bilang tagabo sa Isla Puting Bato? Sa nakita niyang iniunlad ng pamilya ng pinsan, alam niyang madali lamang siyang mahihikayat ni Babakiko.
Pero kaya ba niyang iwan ang pagtuturo? Anim na taon nang ito ang buhay niya. Sabi ni Babakiko, bakit niya patuloy na isusugal ang kinabukasan ng kanyang pamilya sa isang propesyong pinagtaksilan na ng pamunuuan ng Republikang Saging? Sa umiiral na batas nila roon, pangunahing dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang sektor ng edukasyon. Pero sa papel lamang iyon. Ang masama pa, napasok na rin ito ng korapsyon.
Napatunayan ito ni Orokatu sa kanyang sarili. Madalas noong maantala ang kanilang sahod. Minsan, umaabot pa ng buwan. Kasama ang ilang kagurong nagmamalasakit, gumawa sila ng lihim na pagsisiyasat. Isang anomalya ang kanilang natuklasan. Kaya pala naaantala ay dahil ikinakalakal pa ng mga nakatataas sa kanila ang kanilang pera.
Kipkip ang lahat ng nakalap na ebidensya, nagtungo sila sa kinikilala nilang mga kinauukulan. Pero nagturuan lamang ang mga iyon. Isa man ay walang nagbukas ng tainga ukol sa kanilang inilalapit na hinaing. Bago nila namalayan, sa mga liblib na paaralang pampurok na sila nakadestino. Nakasama sa kanila ang paghahanap ng katarungan.
Nabuksan din niya kay Babakiko ang panghihimok sa kanya ng mga kapurok nila na tumakbo sa nalalapit na hangalan. Uli, wala siyang naitugon sa mga de-kahong argumento ng pinsan. Sa lahat ng sinabi ni Babakiko, ito ang hanggang sa ngayo’y tila naririnig pa rin ni Orokatu: Sira ang ulo ng sinumang naghahangad na makapasok sa mundo na pinamumugaran ng lahat ng uri ng pagtataksil sa bayan!
Tama lahat ang sinabi ng kanyang pinsan. Sa Republikang Saging, kani-kanyang sarili, hindi ang bayan at mga mamamayan ang pinaglilingkuran ng mga politiko. Kung sakali at nahimok siyang tumakbo, isa siyang munting alon sa gitna ng karagatan na nag-aambisyong pagpira-pirasuhin ang isang napakalaki, napakatibay na barko!
Nakumbinse siya ng pinsan. Pagbalik niyon sa Isla Puting Bato noong nakaraang araw ay dala-dala nito ang mga papeles ni Orokatu. Para sa pinapangarap na kinabukasan ng pamilya na hindi kayang ibigay ng Republikang Saging, papasok din siya bilang tagabo sa malayo, banyagang lupain na iyon.
Sa huling mga minuto ng mga klase niya kanina ay pahapyaw nang nagpaalam si Orokatu. Maging ang mga pinakatuso, pinakapasaway sa klase niya ay umiyak. Halos bumaha ng pinagsama-samang mga luha nila ang bawat silid ng klaseng pinagpaalaman niya. Totoong ganon siya kamahal at ganon din niya kamahal ang kanyang mga mag-aaral.
Sa mga susunod na araw, kapag naroon na siya sa Isla Puting Bato, alam niya iiyak pa rin siya… para sa kanyang bayang Republikang Saging!

Ang Buwan Ng Hunyo

Noon ay Hunyo rin, naaalala pa
nang unang tumuntong ako sa eskwela;
sa silid-aralan, nang iwan ni Ina
ang mga mata ko ay balon ng luha!

Sa mura kong gulang noo’y inakala
na ang paaralan ay pook-parusa;
ito’y bilangguan na kaya ginawa
magiging kulungan ng pilyo at pilya!

Nagkamali ako pagkat ang nangyari
habang tumatagal, ang luha’y napawi;
ito’y nahalinhan ng ngiti at tuwa
sa piling ng aking mga kaeskwela!

Ang buwan nga ng Hunyo ang siyang simula
ng pagkatuto ko sa maraming bagay;
nag-umpisa rito ang aking karera—
ang paglalayag ko sa laot ng buhay!

Ang apat na sulok ng silid aralan
sa aking pananaw, ngayon ay iba na;
ito’y silid pala na binubukalan
ng maraming dunong na dapat makuha.

Ngayo’y Hunyo ulit, pasukan na naman
balik sa eskwelang pinananabikan;
makikita muli mga kaibigan
pati mga gurong kinagigiliwan!

At tulad ng dati’y muling magsisikap
sipag at sigasig magiging kalasag;
pagpupursigehang kamtin ang pangarap—
ang inaambisyon na magandang bukas!

Pilipino: Saan Ka Nanggaling at Saan Patungo?

Pilipino, saan ka nanggaling?

Ayon sa alamat, sarili kang likha
noong mapagpalang kamay ni bathala;
kayumanggi ikaw sapagkat perpekto
ang ginawa Niya sa iyong pagluto.

Sobrang kay palad mo pagkat binigyan pa
ng bayang sa likas na yama’y sagana;
ang kabukiran mo ay napakataba,
katubigan naman ay kay raming isda.

Pilipino, saan ka patungo?

Sa iyong abala na magha-maghapon
nasubok mo na ba na minsa’y suriin
ang iyong sarili? Ikaw pa ba yaong
perpektong nilikha nang Kanyang lalangin?

Nasubok na rin ba na minsan ay dinggin
ang nakatutulig na bulong ng hangin:
ang putok-armalite na sumisingasing
at daing-hingalo nang walang makain?

Pilipino—
Saan ka nanggaling?
Saan ka patungo?