William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Tuesday, August 2, 2011

Alamat ng Suguidan (Isa sa 37 barangay ng Naguilian, La Union)(bersyong Tuluyan)

Itay! Itay! Maaari ko po ba kayong maabala sa inyong pagli-lesson plan? Ikuwento n’yo naman sa akin ang alamat ng ating baranggay. Ipapasa kasi namin bukas ang buod nito para sa aming asignaturang Filipino. Sabi ng aming titser, tungkulin daw ng bawat makabayang mamamayan na alamin ang kanyang pinagmulan. Ang alamat, sinabi pa, ay isa sa mga akdang bumubuo sa ating mayamang panitikan!
O sige, halika sa tabi ko, anak. Umupo ka at pakinggang mabuti ang ikukuwento kong alamat:

NOONG unang panahon, sa kapatagang sakop ng matandang Hilagang Luzon ay may nabuhay na isang napakagandang dilag. Susana ang pangalan nito. Siya’y unica hija ni Pinunong Naandor ng tribong Sirmata, ang pinakamakapangyarihan sa tatlong mga tribo ng Ilokandia.
Sa kariktan, kukulangin ang mga salitang naimbento ng tao upang ilarawan si Susana. May mga nagsabi, na sinang-ayunan ng lahat, na hawig na hawig nito si Engkantada Pusaksak, ang diyosa ng kagandahan ng kanilang tribo. May kumalat noong usap-usapan na kaya gayon ay sapagkat anak si Susana ng naturang engkantada.
Gayon man, sa kabila ng taglay na pambihirang kariktan, ang dilag ay may mababang puso. Laging bukas ang mga palad nito upang tumulong sa mga tunay na nangangailangan. Dahil dito, lalo pa siyang minahal ng kanilang mga nasasakupan.
Maglalabing walong taong gulang si Susana nang dalawin ng pagsubok ang kanilang tribo. Isang grupo ng mga rebelde, kasama ang ilang mayayamang kapanalig, ang nag-alsa. Gusto ng mga ito na humiwalay sa kanila upang magtatag ng sariling pangkat. Sa kainitan ng pagtatalo ng konseho at ng mga ipinadalang sugo ng mga rebelde ay pumagitna si Susana at nagsabi: Bagamat tayo ang pinakamakapangyarihan sa Ilokandia, ang Sirmata ay batang paslit lamang kumpara sa mga malalaking tribo sa ating paligid. Paano kung bukas o sa makalawa’y bigla tayong salakayin? Ang naghahangad na hatiin ang Sirmata ay hindi tunay na nagmamahal sa bayan!
Matapos ang ilang sandali ng sagradong katahimikan, wala ni kaluskos na iniwan ng mga sugo ang bulwagan. At mula noon, wala nang narinig pa ukol sa mga rebeldeng iyon, ni mula sa kanilang mayayamang kapanalig.
Nagkaroon ng dalawang napakasugid na manliligaw si Susana. Ang isa ay si Guido, panganay na anak ni Pinunong Amyanan mula sa tribo sa dulong hilagang Luson. Ang isa pa ay si Dante, ang nag-iisang lalaki sa tatlong anak ni Pinunong Abagatan mula sa isa pang tribo.
Saan mang anggulo tingnan, kapwa karapat-dapat ang dalawa sinuman ang magwagi sa puso ng dilag. Sila man kasi ay nagtataglay rin ng pambihirang kakisigan. Gayon din, ang liksi at lakas nila bilang mandirigma ay hindi rin matatawaran. Sila ay nakikinitang magiging mahusay na pinuno pagdating ng araw.
Isang umagang nasa ritwal ng nakalakhang paliligo ay nakatanggap ng pasabi ang dilag na siya’y kakausapin ng ama. Kaya sa halip na isang oras, tatlumpong minuto na lamang itong nagbabad sa kanyang paliguang ang laman ay sariwang gatas ng baka. Hindi rin nito halos naubos maski ang isa sa laang dalawang bangang pambanlaw na ang lamang tubig ay inigib pa mula sa mahiwagang bukal na nasa loob ng kuweba sa pusod ng malayong kabundukan.
May binabasang kasulatan ang ama nang datnan niya ito sa kanyang tanggapan. Sa malumanay na tinig, sinabi nitong umupo muna si Susana. Tatapusin lamang nito ang binabasa.
May kung anong kaba ang bumangon sa dibdin ng dilag. Sa buong buhay niya, ikalawang beses pa lamang ito. Una ay noong ika-labinwalong kaarawan nito, ipinatawag din siya. Ipinagtapat noon ng ama ang lihim ng kanyang pagkatao. Kung kanino siya nagmula. Kung sino ang kanyang ina.
Umiyak siya noon. Awtomatiko. Hindi niya alam kung bakit. Ngayon kaya, iiyak din siya pagkatapos nilang mag-usap ng ama? Tumindi ang kabang bumangon sa kanyang dibdib.
Iyon lamang naman pala ang sinabi sa kanya. Gusto ng kanyang ama na siya’y lumagay na sa tahimik. Bakit hindi pa raw siya nakakapili mula sa kanyang mga manliligaw.
Hindi agad nakatulog kinagabihan si Susana. Tama ang kanyang ama. Bakit hindi pa siya pumipili? Katulad ng ibang mga ama, gusto rin ng ama niya na makita pa ang magiging mga apo. Ilang taon na rin ba ang kanyang ama? Marahil, hapo na ito sa pamamahala sa kanilang tribo. Gusto na nitong ipasa ang kapangyarihan sa kung sino mang mamanugangin.
Bago nakatulog, napagpasyahan ni Susana na pipili na siya mula kina Guido at Dante sa lalong madaling panahon.
Noong gabing iyon, dinalaw ng isang napakasamang panaginip si Susana. Napakita sa kanya si Kiram, ang prinsipeng tikbalang mula sa mundo ng mga engkanto. Sinabi nitong may karapatan din ang isang engkanto sa puso nito dahil anak din si Susana ng isang engkantada. Nagising na lumuluha ang dilag.
Napakita uli si Kiram sa pamamagitan ng panaginip nang sumunod na gabi. Tahasang sinabi ni Susana na hindi nito matatanggap ang prinsipe mula sa kabilang mundo. Dito na nagalit si Kiram. Nagbanta ito na kukunin niya si Susana sa ikapitong gabi mula noong gabing iyon. Kailangang pumayag ng dilag dahil kung hindi ay mamamatay ang ama nito sa mismong ikapitong gabi. Samantala, upang takutin ang lahat ay nagbanta pa si Kiram na isang mataas na tagapaglingkod ng tribo ang mamamatay gabi-gabi mula noong gabing iyon.
Nagkakagulo sa palasyo noong nagising si Susana kinabukasan. Namatay sa hindi malamang dahilan ang kanilang punong babaylan. Nagimbal si Susana. Kung gayon, hindi panaginip lamang si Kiram. Totoo ang banta nito.
Ipinasya ni Susana na sabihin sa ama ang tungkol sa kanyang panaginip. Ngunit tulad niya noong una, ang kanyang ama man ay hindi naniwala sa kanyang panaginip.
Sa ikalawang gabi, namatay ang punong bantay ng palasyo. Sa ikatlong gabi, ang punong tagapayo naman ang pumanaw. Noon pa lamang pinaniwalaan ng ama nito ang kanyang panaginip.
Kinabukasan, maagang pinulong ni Pinuno Naandor ang kanyang konseho. Umabot nang maghapon ang pagpupulong na iyon. Ngunit walang nabuong malinaw na plano. Sadyang gayon nga marahil. Alam ng lahat ng naroon sa pagpupulong na iyon—kaya wala ni isang nagbukas ng gayong paksa—na ang solusyon sa kinakaharap nilang krisis ay hindi abot ng kanilang kakayahan.
Nakarating sa kaalaman nina Guido at Dante ang tungkol dito. Bagamat magkaribal sa puso ni Susana, nagkasundo ang dalawa na gumawa ng hakbang upang pigilin si Kiram sa pag-atake nito pagsapit ng ikapitong gabi. Dahil hindi alam kung saang direksyon magmumula, nagpasya silang kubkubin ng bakod na lupa—sa plano ay sintaas ng mga bundok—ang sentro ng tribo kung saan nasa gitna nito ang palasyo. Bago kumagat ang dilim nang ikapitong gabi, sa pamamagitan ng kung ilang daang libong magigiting na kawal, ang lugar ay nagtila munting siyudad sa kapirasong kapatagang nasa loob ng hugis oblong na kabundukan.
Kinabukasan, dalawang balita ang naging paksa ng usapan sa buong nasasakupan. Isang mabuting balita at isang masamang balita. Ang mabuting balita, buhay si Pinuno Naandor. Kailangan ba itong ipagdiwang? Ang masamang balita, bagamat naiwan ang katawang pisikal, ang espiritu ni Susana ay napagtagumpayang kunin ni Kiram. Wala ng buhay ang dilag nang makita ito sa kanyang silid. Kaawa-awang Susana!
Nang malaman ito nina Guido at Dante, gamit ang sari-sariling espada ay sinaksak ng dalawa ang kani-kanilang sarili. Gaya ng madalas nila noong sabihin kay Susana, Ano ang silbi ng buhay kung hindi rin makakapiling ang dilag! Higit pang matamis ang kamatayan.
Sabay-sabay na inilibing ang tatlo sa iisang dako, panggitna si Susana. Sa dakong pinaglibingan, gayon na lamang ang pagtataka ng madla nang isang umaga’y nakitang may tumubo roong maliit na bundok, pahaba at para nitong hinati ang kapirasong kapatagang iyon na nakukubkob ng hugis oblong na kabundukan.
Dahil sa kadalisayan ng pag-ibig na minsang sumibol roon, ang lugar ay pinangalanang Suguidan. Hango sa umpisa ng pangalan nina Susana, GUIdo at DANte. Ang tumubong maliit na bundok sa dakong pinaglibingan ang naging boundary nang hatiin ang lugar sa dalawa, Suguidan Sur at Suguidan Norte.

IYAN, anak ang alamat ng ating baranggay. Mahusay ang iyong ginawa na habang nagkukuwento ako ay itinatala mo ang mahahalagang detalye. Sige, anak, gawin mo na ang pagbubuod at itutuloy ko naman ang pagli-lesson plan. Sabay lamang siguro tayong matatapos. Mamaya, babasahin ko muna ang iyong magagawa bago tayo matulog. Paghusayan mo, ok?
Opo, itay, paghuhusayan ko po. Bukas, maaari po bang ang alamat naman ng ating bansa ang inyong ikuwento? Salamat, itay!
***Una nang nalathala sa Liwayway Magazine

Saturday, July 30, 2011

Simmimbaan A Bato

Ako si Lamtang, dakilang mandirigmang Ilokano. Bunga ako ng pagmamahalan nina Helen, isang mortal; at Gabriel, isang anghel.
Maliban sa taglay na pambihirang kariktan, nakilala rin si Helen sa apat na sulok ng daigdig dahil sa kanyang mga dakilang akda. Isa siyang bantog na manunulat noong kanyang panahon. Ang mga ito at maraming iba pa ang dahilan kung bakit inibig siya ni Gabriel, ang tumatayong lider ng pitong heneral ni Apo Kampilan, ang bathala ng digmaan.
Noong ipagbuntis ako, sa mungkahi ng aking ama’y pansamantalang inihinto ni Ina ang pagsusulat. Makakapagod daw iyon sa isip niya. At iyon ay hindi makabubuti para sa akin.
Pagbabasa ang ipinalit na libangan ni Ina. Sa lahat, naging paborito niya ang “Biag Ni Lam-ang”. Ito ay epikong Iloko na ang bida, si Lam-ang, ay isang napakalakas at napakatapang na lalaki. Sa kanyang pagdarasal, madalas daw noong hilingin ni Ina sa mga bathala na sakaling lalaki ang dinadala ay maging katulad ni Lam-ang.
Lalaki ang isinilang ni Helen, ako iyon. Kung bakit ako pinangalanang Lamtang, halos kapareho ng Lam-ang, ay hindi na isang bagong kuwento. Gayon kalalim ang pagiging fan niya kay Lam-ang.
Ang mga unang taon ko ay hindi naiba sa mga unang taon ng mga karaniwang bata. Dumudo, ipinaghele, tinuruang magsalita at maglakad. Binigo kaya ng mga bathala ang kahilingan ni Ina na ako’y maging katulad ni Lam-ang?
Tatlong taong gulang ako nang magpakita sa akin si Ama sa unang pagkakataon. Magtatanghali noon, abala na sa kusina ang mga tagapagluto. Naglalaro ako sa salas ng palasyo samantalang si Ina ay nagsusulat sa kanyang silid. Kung hindi lamang ikinukwento sa akin ni Ina si Ama, tatakbuhan at pagtataguan ko siya sa tagpong iyon. Paano, nagmukha akong napakaaba sa napakaringal nitong kasuotan. Nakasisilaw ang busilak niyang kaputian.
“Anak ko…” sabi niyang habang lumalapit ay ibinubukas ang dalawang kamay upang ako’y yakapin.
Lukso ng dugo, patakbong sinalubong ko ang yakap ni Ama.
Kinarga ako. Pinisil-pisil ang aking ilong. At habang hinahagka-hagkan ay ginugulo ang aking mga buhok. Matangkad si Ama sa lahat ng lalaking nakita ko na. Matigas ang kanyang mga masel. Napakakisig niyang lalaki.
Matapos ang ilang sandali, ibinaba ako. Pinaluhod sa kanyang harap. Igagawad daw niya ang kanyang basbas na sana’y ginawa niya noon pang pagkasilang na pagkasilang sa akin. Matapos ipatong sa aking ulo ang kanyang kanang palad, anito: “Lamtang, anak ka Ni Gabriel. Nananalaytay sa iyong mga ugat ang dugong magiting ng iyong amang kawal. Nakaguhit sa iyong mga palad ang kadakilaan.”
Yugyog ni Ina ang gumising sa akin. Nakatulog pala ako matapos akong basbasan ni Ama. Sa hapag-kainan, sa pagitan ng aking mga subo, ikinuwento ko ang pagdalaw ni Ama.
Ilang buwan pagkatapos noon, isang kalatas mula sa dalawang hari ng nagsanib na kaharian sa hilaga ang tinanggap ng lolo kong hari. Ang sinasabi, bibigyan kami ng tatlong araw upang isuko sa kanila ang kaharian. Kung magmamatigas, sa ikaapat na araw ay didigmain kami. Sa dami at husay ng kanilang mga kawal, kaya raw kaming pulbusin sa loob lamang ng kalahating araw.
Hindi nagpasindak ang aming kaharian. Payapa kami kung sa payapa. Ngunit kung para sa kaharian, digma kung digma. Handa kaming magbuwis ng buhay. Gumayak kami para sa digmaan. Bago tumulak ang aming hukbo noong bukangliwayway ng ikaapat na araw, nagawa kong makapagtago sa isa sa mga karitong naglalaman ng mga panustos na dadalhin sa digmaan.
Matapos ang kung ilang oras na paglalakabay, huminto kami. Sa ginawa kong butas ng kariton, nakita ko ang nakagigimbal na bilang ng kaaway. Mahigit tatlong doble kumpara sa aming bilang! Muli, sa pamamagitan ng isang mensahero’y inalok kaming sumuko. Sa harap ng tiyak na kamatayan, makabubuting piliin na lamang daw naming maging alipin!
Ang gayong pagyurak sa aming kaharian ay kalabisan na. Mala sa aking pinagtatagua’y lumabas ako at sumigaw na ang wika’y: “Ako si Lamtang, anak ni Gabriel. Sa aking mga palad, wawakasan ko ang inyong kayabangan. Bumalik ka sa iyong mga kasama at humanda kayo para sa inyong kamatayan!”
Ang lahat ay nagiklahanan sa aking biglang paglitaw. Ano ang ginagawa ng isang tatlong taong gulang na paslit sa gitna ng napakalaking digmaan? Alam kong hindi ako pahihiramin ng kabayo, kalasag at espada. Lalong tiyak, hindi ako hahayaang humayong mag-isa upang makipagdigma sa aming mga kaaway.
Hindi ko alam kung paano ko ito nagawa. Pero napatulog ko ang isa naming heneral sa pamamagitan lamang ng mahinang tapik sa kanyang batok pagsampa ko sa sinasakyan niyang kabayo. Presto, may kabayo, kalasag at espada na ako!
Noong bahagyang makalayo sa karamihan, binilinan ko ang aking mga kasama na lumilim muna sa mga punung-kahoy. Mataas na noon ang araw. Sabi ko pa, manood na lamang sila dahil ako na ang bahala.
Sa aba ng aming mga kalaban! Sa aking sasandaling paglusob, tatlumpo sa apatnapung heneral nila ang agad kong naitumba maliban pa sa kung ilang libong kawal ng kanilang unang hanay. Noong sa tantya ko ay kalahati na lamang mula sa dati nilang bilang ang natitira, binigyan ko sila ng tatlong pagpipilian. Una, iyong gusto nang mamahinga, sumugod sa akin at harapin ang kamatayan. Ikalawa, iyong gustong kumampi sa amin, pumaroon sa aking mga kasama. At ikatlo, iyong gustong bumalik sa kanilang kaharian, malayang makakabalik upang doo’y harapin ang kahihiyang inabot sa kamay ng tatlong taong gulang na batang ito. Wala pa yata sa sandaan ang bumalik sa kalabang kaharian.
Nagpahuli ako sa pag-uwi. Sa lugar na iyon, isang munting dambana ang aking itinayo para kay Apo Kampilan. Pinasalamatan ko siya pati ang aking ama sa pagkakaloob sa akin ng liksing matulin pa kaysa kidlat at ng lakas na katumbas ng sampung pandigmang kabayo.
Iyon na ang simula ng pagbabago ng takbo ng buhay ko. Bigla, nahigtan ko pa ang kabantugan ng hari. Mula sa mga bata hanggang sa mga matatanda, naging bukambibig ang pangalan kong Lamtang.
Ito at tatlong kasunod pang higit na malalaking digmaan ang naipanalo ko para sa kaharian. Sanhi ng mga ito, sa bisa ng isang proklamasyong ipinalabas ng konseho na pinagtibay ng hari, naging heneral ako sa gulang na siyam.
Ngunit nakalulungkot na pagtuntong ko sa edad na labing-dalawa ay naging sakitin na ang hari. Lubhang matanda na palibhasa. Sa isa sa mga pagpupulong ng mga ministro at ng hari, napagkasunduang hahalilian na ang hari ng isa sa kanyang mga apo bago matapos ang taon. Dapat malaman ng mga bumabasa na walang anak na lalaki ang hari. Parehong babae ang dalawa nitong anak, sina Prinsesa Ditas at Prinsesa Helen.
Sa kalakaran, kung sino ang mas matanda sa mga pagpipilian, siya ang hahalili. Matanda ng sampung taon sa akin si Prinsipe Al-laweng, panganay ni Prinsesa Ditas, ngunit dahil maski sa kanyang sarili ay wala pa itong napapatunayan, sa botohang ginanap ay ako ang napili.
Alam kong gagawa ito ng hidwaan sa pagitan namin ng pinsan kong prinsipe. Gumawa ako ng mga paraan upang kami’y magkasarilinan pero naging mailap na siya sa akin. Lagi itong wala sa kanyang tanggapan kapag dinadalaw ko. Tuwina’y hindi rin niya sinisipot ang aking paanyaya. Upang huwag magkasira sa aming angkan, kung hihilingin niya’y ibibigay ko sana ang trono basta mangangakong mamamahalang patas at may katalinuhan.
May masamang binabalak sa akin si Prinsipe Al-laweng, alam ko, kaya ginawa ko ang lahat ng uri ng pag-iingat. Pero isang gabing himbing ako, hindi ko inaasahan kaya hindi ko napaghandaan ang hakbang ng kaaway. Isang upahang kriminal ang nagbalatkayong ang ina kong si Helen. Nagtagumpay ito na maitarak sa aking dibdib ang isang punyal na ibinabad sa napakabagsik na lason.
Namatay ako noon din. Ngunit sa kagustuhang makamtan ang hustisya, pinakiusapan ko si Ama na samahan akong makisuyo sa mga bathala upang bigyan ng kahit kaunting extension ang buhay ko sa lupa. Sa bulwagan ng mga bathala, nagsara kami sa usapang basta agad akong babalik sa mundo ng mga immortal pagkatapos kong malaman ang utak ng aking kamatayan.
Nagluluksang kaharian ang nagisnan ko pagbalik sa lupa. Sa tulong ng isang mammuyon (manghuhula) na isinama namin mula pa sa kaharian sa likod ng araw, natunton ang upahang kriminal. Sa harap ng taong bayan, sinabi nitong tinakot siya at binayaran ni Prinsipe Al-laweng upang ako’y paslangin.
Oras na ng aking pag-alis. Tinungo ko sa kanyang silid ang aking nagdadalamhating ina upang magpaalam. Niyakap at hinagkan ko siya sa kahuli-huliang pagkakataon.
Sa mga bathala, sa aking kahilinga’y naiwan sa lupa ang aking katawang pisikal. Inilagak iyon sa isang musoleo na nag-exist sa pamamagitan ng makapangyarihang salita ni Anghel Gabriel. Ang espiritu ko na lamang ang nagbalik sa mundo ng mga immortal kasama ni Ama.
At si Prinsipe Al-laweng? Sa binitiwang sumpa ni Ama, siya’y mananatiling tanod ng aking musoleo sa habampanahon. Hanggang ngayon, nakikita pa rin daw siya roon. Minsan, sa anyo ng isang alupihang sinlapad ng banig. Minsan, sa anyo ng isang dalawampung metrong sawa na sintaba ng dram.
Kung mapapadpad kayo sa Suguidan, ipagtanong ninyo sa mga tagaroon kung nasaan ang Simmimbaan A Bato (Simbahang Bato). Sa dakong altar niyon, sa loob ng isang kuwadradong malaking tipak ng bato, naroon ako.
Ang Simbahang Bato ang aking musoleo!
***Una nang nalathala sa Liwayway Magazine

Monday, July 25, 2011

I LOVE YOU... Goodbye!

First day iyon ng summer classes last year, nagkasakay kami sa dyip. Sa SLC, nang pumara ako at bumaba’y bumaba rin siya.
Sa may covered walk, nang masabayan ako ng lakad, sabi niya sa impit, alanganing boses: “Excuse me, p’wedeng magtanong?”
Swabe ang ngiting isinalubong niya nang lingunin ko, mga kalahating hakbang sa aking kaliwa. Muli, napahanga ako sa kanyang super-bagyong kagandahan. Sa mga billboard at colored na magasing kikay o pang-fashion lamang kasi ako nakakakita ng tulad niya.
Nag-bow ako, saka nag-dialog. “Pag-utusan ninyo... ano ang maipaglilingkod ko, magandang binibini?” Kasabay ng rising intonation sa dulo, hindi ko napigilang tumaas din yata pati ang mga kilay ko. Pagpapayo: bagama’t nagagawa ko itong tapat at malinis, walang bahid-malisya ibig sabihin, hindi ko ipinapayong tularan ito ng mga kabinataan. Ito’y pangit na manerismo kaya hindi dapat pamarisan.
Nag-blush tuloy siya. “Ask ko lang sana, saan dito ang Rm. TBA?”
“Transferee ka?” Late na nang maisip ko na tanong din pala ang isinagot ko. Pero mas nagulat ako nang ma-realize na ang layo ng sinabi ko sa tanong niya.
“Yap, from Manila.” Binanggit niya ang pangalan ng isang eksklusibong unibersidad na pinasukan din ni Gat Jose Rizal dantaon na ang nakararaan. Sa ngayon, tagged ito na unibersidad ng mga totoong may sinasabi sa buhay.
“Transferee din ako pero inalam ko na noong nagpaenrol ako nu’ng Sabado ang tungkol diyan. TBA stands for ‘To Be Assigned’. Ibig sabihin, ‘ala pang room assignment noong enrolment. Try mong tingnan sa mga bulletin o kaya’y itanong sa registrar kapag ‘ala pang nakapost.”
Nag-dialog din siya! “Thanks, ha? Ambait mo! Paano na lang kaya kung wala ka?”
Usyosera, para ‘yon lang!? Sounds like I’ve done something very heroic naman na. “Sa ganda mong iyan, magiging gentleman sa iyo ang kahit na sinong lalaki, miss.”
Nag-blush ulit siya.
Sa may pasilyo, lumiko siya pakanan, sa direksiyon ng registrar. Dumiretso naman ako sa library. Ganon lang, walang paalaman or what. Hindi ko naman kasi siya close para magpaalam ako or samahan pa siya. At hindi rin naman niya kasi ako close para asahang magpapaalam ako or i-demand na sasamahan pa siya. Pagtalikod, hindi ko na siya nilingon. Kung nilingon niya ako, who knows?
At hindi ko na siya naalala... katulad ng napakaraming pagkagagandang mukhang nakita ko na sa mga billboard at sa mga colored na magasing kikay o pang-fashion.
Makalilimutan ko na talaga sana siya kung hindi nga lang tuksong nakialam ang Philo 2, ang third subject ko. Minsan, grabe rin talaga kung makialam ang tadhana! And imagine, seatmates pa kami dahil alphabetical ang seating arrangement na ginawa ng aming propesor (parehong letter “R” ang umpisa ng apelyido namin). Naloko na!
Komo parehong transferee, kami ang naging immediate friends. Pagkatapos ng klase, inaya ko siya sa canteen pero kinaladkad ako pa-Midway. At iyon na ang simula...
Makuwento siya at palatanong. Pero tipid akong sumagot. Kaya kalaunan, kahit siya—Diana Rose ang pangalan niya—ang tanong nang tanong, sa halip ay mas marami akong nalaman tungkol sa kanya kaysa sa nalaman niya tungkol sa akin. Poor little princess, hindi namalayang naibuyangyang ang maraming kahinaan. Tuloy, madali ko na lamang siyang paiikutin kung gugustuhin ko at kung kakailanganin!
Kay tuling lumipas ang summer classes. Sa latter part niyon, alam ko, hindi ako manhid upang hindi maramdaman, na may pagtatangi sa akin si Diana. Hindi naman sa pagyayabang pero tatlong beses na akong kinukuhang escort ng Reyna Elena sa aming bayan. Kaso, ako’y anak-pawis. Nakapag-aaral lamang dahil sa scholarship. Sa literal na eksplanasyon ay dahop at hirap... kaya uhaw na uhaw sa tagumpay. Sino ang hahadlang sa akin patungo sa aking mga pangarap?
Second week ng first semester nang umeksena sa senaryo ang isang Angelo Lacson, 3rd year Arki. Guwapo, maporma, may kotse... mayaman. Pero kilalang tsikboy. Mr. Antipatiko ang tawag sa kanya ni Diana. Ngunit, siyempre, laging naroon ang possibility na baka magbago ang ihip ng hangin. Given those qualities, hindi imposibleng ma-fall sa kaniya, bandang huli, ang aking kaibigan.
Isang tanghaling nagrerebyu sa talipapa, sabi ni Diana: “Alam mo, ipinahula kita sa isang fortune teller na baraha ang ginagamit na medyum. Pagdating sa iyong love life, ang lumabas... alam mo?—king of aces! Inaway ko ang ale nang sabihing baka raw bakla ka!”
Muntik akong nahulog sa silyang inuupuan ko.
Bago mag-prelim exam ng first sem, ipinasya kong ligawan si Diana. Biyernes ng gabi pagkatapos ng exam nang sagutin niya ako sa harap ni Doña Francesca Villar Y Ejercito, ang kanyang lola. Hindi ko pa pala nasabi, unica hija ng mag-asawang nagmamay-ari ng malalaking negosyo sa Lungsod San Fernando ang dalaga. Ganoon kalayo ang agwat namin sa buhay!
Agosto. Isang obra-maestrang dula ng SLC Center of Culture and the Arts ang ipinalabas sa Bulwagang Padre Burgos. Nandoon kami noon ni Diana sa isa sa mga bleachers sa dakong likod ng gym.
Sa scene ng mga wailing souls, ginagap ni Diana ang mga palad ko. Nakatatakot nga kasi iyong part na iyon... at natatakot daw siya. Ngunit bago ko pa namalayan, simbilis ng isang iglap, nakayakap naman na sa akin ang dalaga! Sa sobrang gulat, muntik ko nang malimutang girlfriend ko nga pala siya at boyfriend niya ako. Pero...
Inihatid ko siya pagkatapos ng show. Sa daan, ang sabi niya sa basag, sintonadong tinig: “Bakit tuwina’y parang ang lamig-lamig mo sa akin?”
Iba ang isinagot ko. “Kung hindi kita nakilala, hindi ko mahahanap ang nawawala kong sarili... hindi makikilatis ang tunay kong ako. Salamat, Diana, nakilala kita!” Pinisil ko ang kaliwa niyang palad na noo’y kahawak kamay ko.
Ang siste, bago ako magpaalam pagkahatid sa kanya, ikinorner ako at ang sabi sa garalgal pero waring inaantok na boses: “Matagal-tagal na rin tayong mag-on pero hanggang ngayo’y hindi mo pa ako hinahalikan. I-kiss mo naman ako, o...” at siya’y pumikit. Iyong pikit ng parang nagdadasal ng taimtim o kaya’y naeengkanto sapagkat kumibot-kibot pa ang kanyang mga labi. Napasampal ako sa aking noo. Naloko na!
Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat saka iwinagwag. “Makinig kang mabuti. Mahal kita, Diana, at wagas ang pagmamahal ko sa ‘yo. Kung iki-kiss kita, huwag ngayon at huwag dito. Tayong dalawa lamang ngayon sa apartment mo... unholy hour... mapanukso at mapanganib. Kung nanaisin mo, maaga tayo bukas, mga alas-sais ng umaga. Magkita tayo sa chapel. Doon, sa harap ng altar, igagawad ko sa ‘yo ang dalisay na halik ng wagas kong pag-ibig!”
Hulaan mo ang sumunod na eksena. Buhat kung saan, isang malutong na sampal ang dumapo sa kaliwa kong pisngi. Limang star ang nakita kong nagpaikot-ikot, mga isang dangkal ang layo mula sa pupil ng aking mga mata!
Saglit na nagdigma ang aming mga titig. Nang magbaba siya ng tingi’y tinungo niya ang pinto saka padabog na binuksan. “Kahit nahihiwatigan kong parang totoo, ayaw kong maniwala sa hula. Makalalabas ka na. Maraming thanks sa paghatid.”
Bago tuluyang magsara ang pinto, nilingon ko si Diana. Napakaganda talaga niya kahit nakalarawan sa mukha ang matinding paghihinampo. Ang hindi ko alam, sa mga susunod na araw ay lalo akong babagabagin, lalong hindi patutulugin ng napakalungkot na mukhang iyon!
Absent si Diana the following day. Ni ha o ni ho ay hindi niya sinasagot ang mga text at tawag ko. Lunch break, pinuntahan ko sa apartment ngunit wala siya roon. Second day, bandang hapon ay nag-text siya. “Plz cum 2 r resort after last period. Im xori pro pnaimbestighan kt. Knows q n lhat...ang lahat2!”
Itinuro ng isang staff ng resort ang isang dalagang nakatayo sa dalampasigan nang itanong ko kung nasaan ang kanilang Ma’am Diana. Tanawing kay ganda noong mga sandaling iyon ang papalubog na araw.
Tumikhim ako bago siya tabihan. “Andito na ako,” sabi ko kapagkuwan sa pagaw na boses pero waring ako’y hindi nag-i-exist.
So be it. Nagtatampo nga pala kasi siya at ang nagtatampo ay dapat na tahimik. Siguro, iniisip pa lamang niya ang sasabihin. Or puwede ring naisip na niya pero nire-rehearse pa sa isip kung paano iyon sasabihin nang mabisa at makabagbag-damdamin. Siguro rin, iniisip pa niya kung anong kumpas o facial expression ang gagawin niya para sa ganito o ganoong diyalogo. Ang acting ay hindi lang naman sa harap ng camera. Mahalaga rin ito lalo sa ganitong sitwasyon.
And so be it. Kasalanan ko nga rin pala kasi at ang may kasalanan ay dapat na nagpapakumbaba. Siguro, binibigyan niya lamang ako ng time para makapag-relax at makapagpahinga ng kaunti upang makapag-isip nang maayos at mabuti para hindi naman masyadong mabagbag ang aking damdamin. Siguro rin, gusto niyang handang-handa ako bago siya magsimula upang kahit papaano ay may kumpas din ako at facial expression kapag sasagutin ang ganito o ganoon niyang diyalogo. Mas maganda nga namang mag-acting kung marunong ding um-acting ang kaeksena. Sa pagitan namin, ito pa lamang ang tunay na moment.
Pero kung siya’y talagang magdadrama ulit at mananampal, hiling kong sana’y sa kanan namang pisngi padapuin ang kanyang palad. Masakit pa kasi konti ang kaliwa, may maga pa konti. At least, kapag sa kanan tatama at mamamaga rin, magba-balance na ang hugis ng aking mukha. Lalabas, medyo square nga lang! Ha-ha!
Tumikhim ulit ako at nang hindi pa rin pansinin ay nakipanood na lamang sa paglubog ng araw. Napa-wish akong wala sa loob...sana matapos ang araw na ito nang mapayapa.
Walang ano-ano’y humakbang palayo, mga tatlong hakbang, si Diana. Waring may hinahanap sa ibabaw ng mga buhangin. Then, yumuko. Pumulot ng bato, nilaro-laro saglit sa kamay, saka maya-maya’y ipinukol sa dagat. “Niloko mo ako,” pagkatapos ay litanya niya sa basag at basang tinig.
Lumapit ako sa kanya, mga tatlong hakbang. “Sasabihin ko rin sana sa iyo ang lahat sa takdang panahon, naunahan mo lang ako.” Pumulot din ako ng bato, nilaro-laro saglit sa kamay, saka ibinato sa dagat. “Pero look, hindi kita niloko. Dumating si Angelo... mayaman, kaedad mo, maboladas at guwapo. Niligawan kita para iligtas sa kaniya. Ang huling balita, iyong niligawan niya after you ay huminto na sa pag-aaral dahil buntis pero ayaw akuin ng binata.”
“Still, niloko mo ako dahil hindi mo naman talaga ako minahal, di ba?” Muli niyang himutok sa pagitan ng paghikbi.
Katulad noon sa kanyang apartment, muli kong hinawakan sa magkabilang balikat si Diana saka dahan-dahang iniharap sa akin. Kung nandoon ka, nakita mo sana kung gaano kahusay ng pagkaka-act ko niyon.
“Noong magpaalam ako sa seminaryo’y hindi ko tiniyak if babalik pa ako roon. Nang makita kita—adorable at kasamba-samba— sabi ko sa sarili ko’y ikaw ang magiging dahilan kung bakit hindi na talaga ako magpa-pari. Pero iba ang nangyari. Oo, masaya kang kasama. Napakasuwerte ko sa lahat dahil ako ang minahal mo. Pero tuwing ako’y napapag-isa at ipipikit ko ang aking mga mata, ang nakikita ko’y hindi ikaw...kundi ang king of aces... ang Hari ng mga Hari... na nakapako sa krus...at lumuluha. Diana, samantalang naging tapat ako sa Kaniya at sa aking sarili’y minahal kita ng wagas at walang pag-iimbot. Sa gitna ng iyong kahandaang magpaubaya’y wala akong ginawa sa iyo na sukat pagsisihan mo sa bandang huli. Ngayon, sabihin mo sa akin, niloko ba kita?”
Yumuko ang dalaga bago ito sabihin nang soft at malumanay. “Naging selfish ako, I’m sorry...” Pumulot uli siya ng bato saka ipinukol sa dagat. Then, ang sunod na sinabi ay tampo-tampuhan na lamang. “Sige na, oo na. Pero madaya ka pa rin. Kasi, kanina pa ako umiiyak, ayaw mo akong saluhan!”
Itinaas ko ang kanyang mukha gamit ang aking kaliwang palad upang lalong magpang-abot ang mga mata namin. Minsan, mas naipaliliwanag kasi ang isang bagay kung kasamang mangungusap ang mga mata. “Noong gabing sinagot mo ako... gabi-gabi na kitang iniiyakan. Kasi’y mahal na mahal kita ngunit kailangan kitang iwan. Ikaw ang pinakamalaking pagsubok na ibinigay Niya sa akin, Diana. Salamat sa pagmamahal at sa pang-unawa.”
Humihikbi pa rin ang dalaga. “Puwede bang yakapin kita... sa huling pagkakataon... nang walang halong malisya?”
Tumango ako. “Sige.” Then, pumasok na lamang bigla sa isip ko ang idea na ‘to. Pampalubag-loob sa kanya; act of gratitude sa akin. “Puwede bang yumakap din... sa unang pagkakataon... nang walang halong malisya?”
Tumango din siya. Habang magkayakap, dinama ko ang aking damdamin. Walang apoy sa aking puso. The feeling is, parang ang kayakap ko’y isang minamahal na kapatid na hindi makikita sa mahabang panahon. Pumikit ako. At nakita ko uli ang imahen ng king of aces, ang Hari ng mga Hari na ipinako sa krus ng mga makasalanan. Ngunit kaiba ngayon dahil Siya’y hindi lumuluha.
Ilang butil na kristal ang hindi ko napigilang lumaglag nang imulat ko ang aking mga mata. Panginoon, salamat at natapos ang araw na ito nang mapayapa!
________________________
Tumawag sa akin kahapon si Brother. Masaya niyang ibinalita na nakabalik na siya sa seminaryo at ilang taon na lamang ay magiging pari na. Kinumusta niya ang kuwento. Sabi ko, baka ngayong araw o bukas ng umaga ay mababasa na niya sa magasin.
Magkano raw pala ang danyos ng ginawa niyang pang-aabala sa tahimik na buhay ko? Sagot ko: Pre-bono. Free of charge. Dahil kaligayahan kong isulat upang maging bahagi ng panitikan ang gintong buhay-kasaysayan ng bawat Louisiano.
Ikaw ba, maganda ang kuwento ng buhay mo? William P. Nucasa
***Una na nalathala sa Liwayway Magazine