William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Saturday, November 21, 2009

Huling Lahi ng Aswang

Panimula:
Ipagpaumanhin ngunit nagkakamali po kayo. Hindi po ito pamuling pagsasalaysay ng komiks ni Ginoong Pablo S. Gomez (may ganito ring titulo) na ating inabangan sa LIWAYWAY. Iba po ito, ibang-iba. Ito’y nangyari sa ibang tagpuan, sa ibang panahon at sa iba ring mga tauhan.
Ang totoo ay nagdalawang-isip ako bago sulatin at bago ipadala sa publikasyon ang kuwento. Hindi ko na sana ito isusulat at ipalalathala sanhi ng ilang dahilang sa aking paghahaka ay higit na matimbang kaysa sa paghangang tatamuhin ko bilang manunulat sa likod ng akdang ito. Ngunit sa dakong huli ay nanaig sa akin ang aking dugong manunulat. Nangibabaw ang pananaw na obligasyon ko sa inyong isalaysay ang anumang bago at sariwang pangyayari na tiyak kong kagigiliwan (at katatakutan) n’yong basahin.
Pinangkat ko sa tatlong punto ang siya sanang mga dahilan nang hindi ko pagsulat at pagpapalathala sa kontobersyal na kuwentong ito. Una, baka lalo ninyong katakutan ang aming minumutyang barangay Suguidan (dito sa Naguilian, La Union). Ikalawa, masyado itong personal sa akin. At ikatlo, natatakot akong baka pagkabasa n’yo nito ay hingan ninyo ako ng pagtitimbang ukol sa pinakalilihim na sekretong ilalahad ko sa pagsasalaysay na ito.
Anuman, bago pa ng lahat-lahat, ibig ko nang hingin ang inyong pagpapatawad.

I. Aswang: Depinisyon, Uri at Katangian
Ang aswang ay isang kampon ng kadiliman na ayon sa mga Kastila ay labis nang kinatakutan ng mga Pilipino noon pang ika-16 dantaon. Ang tiktik o wakwak, sigbin at manananggal ang pinakakilala sa mga uri nito.
Ang tiktik o wakwak, sa paniwala ng iba, ay espiritu ng aswang. Nagsasa-kuwago o nagsasa-uwak ito pagsapit ng gabi upang maniktik mula sa bubungan ng mga bahay. Tulog at kalimita’y buntis ang madalas nitong biktimahin. May mahaba itong panipsip na ginagamit upang simutin ang dugo ng kanyang walang malay na biktima.
Ang sigbin ay pinaniniwalaang kasa-kasama ng tiktik. Nakakamukha ito ng Tasmanian Devil o kaya’y ng chupacabra. Ang kaibhan, batik-batik ito at may malalaki’t matutulis na pangil ang higit na malaking bunganga.
Samantala, ang manananggal ay bruhang-bampira na nasa anyo ng isang matanda o kaya’y ng isang napakagandang dalaga. Kung kabilugan ng buwan, pumupunta ito sa tagong lugar upang hatiin sa dalawa ang katawan. Ang isang bahagi ay mula sa baywang pababa at ang isa pa ay mula sa baywang pataas. Ang pang-itaas na bahagi ay tinutubuan ng pakpak na parang sa paniki, ito ang bahagi ng kanyang katawan na nambibiktima. Sinasabing hindi na makababalik sa kanyang kalahating katawan ang manananggal kapag ang pang-ibabang katawan nito ay binudburan ng asin o kaya’y ng buhangin. Sa gayon, mamamatay ito sa unang silahis pa lamang ng bukang-liwayway.
Sa pangkalahatan, gayunman, hindi lamang mga ibon ang kayang gayahin ng aswang. Kaya din nitong magsa-aso, magsa-baboy, magsa-pusa o kaya’y magsa-ahas.
Bagamat sa araw ay walang ipinag-iba sa mga normal na mamamayan, makikilala ang aswang dahil sa mapupula nitong mata na sanhi ng madalas ay magdamagang paniniktik ng mabibiktima. Ipinapalagay din na kapag titingnan ang kanyang mga mata sa malapitan, ang makikita roong repleksyon ay pabaliktad.
Malalaman kung may aswang sa malapit sa pamamagitan ng pinabanguang langis ng niyog na inorasyunan bago ilagay sa bote. Sinasabing kukulo o bubula ito habang ang aswang ay hindi lumalayo.

II. Sa Suguidan: Isang Madugong Panimula
Kung sa ibang mga lugar ay tinatawa-tawanan lamang ang mga kuwento tungkol sa aswang, hindi ganoon dito sa Suguidan. Gawin mo iyon dito at magiging kaaway mo ang buong barangay. Dito, ang aswang ay hindi kathang-isip lamang. Totoo ito. Reyalidad. Nakita na ng marami naming kababaryo.
Guro sa isang kinikilalang kolehiyo at kumuha ng Ph. D. sa isang unibersidad sa ibayong-dagat, noong una’y ipinagkibit-balikat ko lamang ang kung ilang bersyon ng kuwento hinggil sa aswang sa aming barangay. Sa aking sarili, sabi ko, kuwentong-kutsero lamang ang mga ito o kung hindi man ay isang paunang taktika ng ilang honorable sa ating maruming pulitika. Alam naman nating ilang kabilugan na lamang ng buwan ay eleksyon uli. Sa madaling salita, sa una kong pagtaya, ang aswang ay isang kuwentong hindi dapat seryosohin.
MGA HAYOP ang unang biktima ng aswang. Isang pag-asawahan sa tatlong pares na kuneho ng bunso ni Arch. de Vera noong unang gabi ng pagsalakay. Inahing kambing ni Mang Kanor makalipas ang isang linggo. Dalawa sa magtatatlum-buwang mga baboy sa piggery ni Dr. Soriano pagkatapos ng isang buwan. At ang panghuli, bago ipasya ng aming barangay na magronda tuwing gabi, isa sa mga inahing Brahman (isang lahi ng baka na may dambuhalang laki) sa rantso ng nakababatang kapatid ng aming Barangay-Tserman.
Iisa ang kalunus-lunos na sinapit ng mga kaawa-awang hayop: wakwak ang dibdib, nawawala ang puso at atay, at said ang dugo! Sa isinagawang pagsusuri ng mga eksperto sa panghuling biktima, lumabas na hindi ginamitan ng anumang uri ng patalim ang nilapang hayop.
Noon nag-umugong sa apat na sulok ng Suguidan ang nakapangingilabot na mga kuwento tungkol sa aswang. Hindi na nag-atubili pa, noon din ay bumuo ang barangay ng mga grupo ng matatapang na kalalakihang magroronda tuwing gabi.
Dahil sa ronda, napayapa kahit papaano ang nahihintakutang loob ng barangay. Isa. Dalawa. Tatlo… at maraming linggo pa ang matuling lumipas na walang nabiktima ang aswang. Bago magdalawang buwan, isang hapong galing sa pagtuturo ay nabalitaan kong itinigil na ang pagroronda.
Pumatak ang unang ulan sa taong ito noong mga huling araw ng Abril. Gabi ng Mayo a-siyete, Huwebes, sinalanta kami rito sa Hilagang Luzon ng pagkalakas-lakas na bagyo, si Emong. Sa humigit-kumulang isang oras lamang na pananalanta niyon, kay raming buhay at ari-arian ang natangay. Sa aming purok pa lamang, anim sa labintatlong bahay ang nawasak. At ilan daw ayon sa mga naglabasang report ang bilang ng kababayan nating nakitlan ng buhay? Sampu? Dalawampu? Mahigit pa?
Kinabukasang humupa ang baha, ano’t tatlo sa mga hayop na natagpuang patay (nalunod, nadaganan at/o hindi kinaya ang sobrang ginaw) ay nasumpungang wakwak ang dibdib, nawawala ang kani-kanyang puso at atay, at said ang dugo! Nagbalik ba ang aswang? Sumalakay noong madaling-araw na payapa na ang panahon?
Bilog ang buwan noong unang gabing katatapos ng mapaminsalang bagyo. Mula sa aking mini-library sa bahay, buhat sa kung saan-saan ay dinig ang walang tigil na kahulan ng mga aso na binubuntutan ng makahindig-balahibong alulong mula sa malayo.
Dahil sa pangyayaring maiuugnay sa aswang ng sinundang gabi, hinihingi ng pagkakataong magkaroon sana uli ng pagroronda. Ngunit dahil napagod ang lahat sa paglilinis at pagkukumpuni ng kani-kanilang bahay, wala munang inorganisang ronda ang barangay. Maghahating gabi na, halos patapos na ako sa binabasang libro na may kaugnayan sa leksyong ituturo ko kinabukasan, nang dalawin ako ng antok.
TINIG ng mga opisyal ng barangay na nagpapa-tao po ang gumising sa akin kinabukasang hindi pa man nagliliwanag. Sa sala, nang makaupo na ang lahat, ang sabi ni kapitan: “Lingid sa kaalaman ng lahat, Maestro, ay nagronda kami nang magdamag. Kani-kanina lamang ay naaktuhan namin ang aswang na nilalapa ang nuang (kalabaw) ni Kagawad Zatur. Nang aming salakayin, mabilis itong tumalilis, lumipad patungo rito sa lugar n’yo. Sa pinangyarihan, nakita namin ito,” isang kuwentas na tila pamilyar sa akin ang ipinakita nito.
Inabot ko ang kuwentas. “Ngayon ko lamang nakita ito, Tserman. Hayaan n’yo at ipagtatanong ko sa aking mga kasama sa bahay.” Hindi sana nahalata ninuman ang kabang bumangon sa aking dibdib.
Magpapaalam na lamang ang mga hindi inaasahang panauhin nang buhat sa silid ni Anastacia, ang magtatatlong taong gulang kong anak, ay magtitili ang kanyang yaya. Palabas ng kuwarto ay kalong nito ang aking munting anghel na naliligo sa sariling dugo.
“May aswang, Maestro! May aswang!” sa pagitan ng kanyang mga tili.ay sabi nitong hindi halos mawawaan.
Hindi ko na nagawang ipagpaalam ang shotgun na hawak ni Tserman. Dala iyon ay sagsag na tinungo ko ang silid ng aking anak. Sa nakabukas na bintana, sa pusikit na karimlan, itinutok ko at pinaputok nang sunud-sunod ang baril.
Isinasauli ko ang shotgun ay tinatantiya ako ng aming punong-barangay. “Hindi ko rin inabot, Tserman. Mabilis kumilos. Pero lintik lang ang walang ganti!”
Sa pagsisiyasat ng mga doktor, dalawang may kalalimang sugat na likha ng kung anong matulis na bagay ang nakita sa katawan ni Anastacia. Pagkaraan ng tatlong araw ay saka pa lamang kami pinalabas ng ospital. Ligtas na ang aking unica hija!

III. Ang Tunay na Aswang sa Likod ng mga Pinaghihinalaan
Nabasa n’yo na ba ang The Scientist and the Vampire ni Mailliw Asacun, isa sa mga kinikilalang fictionist ng West? Ang akda ay hinggil sa isang henyong sayantist na gumagawa ng mga gadget para mahuli’t mapuksa ang kinatatakutang bampira na gumagala sa kanilang kumunidad. Tunay na high-tech at ismarte ang kanyang mga imbensyon ngunit tuwina ay nakalulusot ang bampira. Alam nito wari ang kahinaan ng bawat gadget na maimbento ni Dr. Harvey, ang scientist.
Isang gabi, sa sobrang pagod, ay hindi namalayan ni Dr. Harvey na nakatulog siya sa kanyang laboratoryo. Laking gulat niya nang kinabukasang magising siya ay wasak na ang kanyang lab. Basag lahat ang kanyang mga apparatus at lubhang nasira ang lahat ng makina roon.
Nang panoorin niya ang nakuhanan ng CCTV ng laboratoryo nang gabing iyon, labis siyang nanlumo sa natuklasan. Siya pala ang bampira! Pagkatulog niya’y isang bagong nilikha ang nagigising sa kanya. Wala siyang malay ukol doon.
ISANG Sabado ng umaga, lubha akong nagitla sa tanong ng isang pamangking noo’y kalaro ni Anastacia: “Totoo po ba, Tito, na inyo ang kuwentas na nakita sa sungay ng kalabaw ni Kagawad Zatur?”
Reading beyond the lines, ang tunay na tanong doon ay: Ako ba ang aswang?
Mula sa kuwarto ni Anastacia ay siyang paglabas ng kanyang yaya, hawak nito ang tinutukoy na kuwentas. “Maestro, nasa imo na pala ito? Sori po kung hindi ko ginbalik kaagad, ha?”
Pagliliwanag: nasa pag-iingat ni Yaya ang kuwentas noong makita ito nina kapitan sa nalapang kalabaw. Dalawang araw bago ng naturang insidente ay nakiusap siya sa aking hihiramin ito dahil makikipag-eyeball daw siya sa kanyang text mate (Ang mapaminsalang bagyong Emong ay tumama sa La Union noong gabi ng Mayo a-siyete. Madaling araw ng Mayo a-nuebe nang mangyari ang paglapa ng aswang sa kalabaw. )
Alas-kuwatro ng madaling araw kinabukasan, Linggo, kasama ako sa ronda, nang una kong mamataan ang pinagkakatakutang aswang. Kung nakaunat, ang isang pakpak niyo’y gadipa ang haba kaya’t sa kalawaka’y isang dambuhalang paniki ang kanyang nakatutulad. Mabilis iyon sa pagkampay ng mga pakpak kaya ilang saglit lamang ay agad nang nawala sa aming paningin. Wari bang nagpakita lamang upang ipagyabang na wala kaming magagawa laban sa kanya dahil siya’y sampung dobleng maliksi kaysa sa atin.
Anong ironiya ng buhay! Habang sa klasrum ay ipinangangalandakan kong hindi totoo ang ganitong mga nilikha, na dahil kathang-isip lamang ay hindi dapat katakutan, heto kaming mga matatapang na lalaki ng barangay, may tangan-tangang iba’t ibang klase ng sandata, ngunit halos maihi sa aming mga salawal, at sa halip na magkaisa ay muntik pang magpulasan ng takbo, sa gasaglit lamang na pagdaan ng nilikhang siya talaga naming hinahanap!
Sa malisyosong hukuman ng tao na kung tawagin ay public opinion, sinira ng pangyayaring iyon ang nabuong pasya ng madlang-Suguidan. Out na ako sa mga pinaghihinalaan.
Ang inakalang nasagot nang bugtong ay isa na ngayong napakalalim na misteryo: Sino kaya talaga ang aswang?
Pa-wishful thinking na makatutulong sa aking personal na pagsisiyasat, pinaunlakan ko ang bakasyong matagal nang hinihingi ng yaya ni Anastacia. Mahigit tatlong taon na rin namang hindi nakauuwi sa Visayas, binigyan ko siya ng 2-month vacation with pay.
Dalawang linggo nang nasa Visayas si Yaya nang muling mamataan ng mga nagroronda ang aswang. Katulad ko, kung gayon, out na rin siya sa mga pinaghihinalaan.
Patawarin ako ng barangay, pero in-excuse ko sa aking pagsisiyasat ang aking ina. Sa halip, inumpisahan kong isa-isahing lihim na matyagan ang aming mga kapitbahay. Palasimbahin at tunay na relihiyoso ang pamilya ni Insan Danny, imposibleng isa sa kanila. May kapatid palang ministro sa isang malaganap na sekta ng relihiyon sina Pareng Amor, imposible ring isa sa kanila.
ISANG hatinggabi, mula sa salaming bintana ng aking mini-library ay napuna ko ang kakaibang nilikhang iyon na nakalambitin sa duklay ng punong katapat ng bintana ng silid ni Anastacia. Hindi ako maaaring magkamali, ang aswang iyon! Nagkunwaring hindi ko siya nakita, patuloy ako kunwari sa aking pagbabasa. Bumuo ako ng plano.
Makaraan ang sampung minuto, sa normal na kilos ay ibinalik ko na ang libro sa kinuhanang shelf. Bago patayin ang ilaw, tiniyak ko muna kung nandoon pa rin ang aswang. At naroon pa rin nga, nakalambitin sa sanga. Nagmamatyag. Tyumityempo.
Tiyak ang aking mga kilos. Mabilis ngunit maingat kung nakuha ang aking M-16 armalite sa aking silid at sa isang iglap ay nasa loob na ako ng kuwarto ng aking anak. Pumwesto ako sa likod ng kabinet ngunit sa anggulong kita ko ang kabuuan ng silid lalung-lalo na ang bintana. Tiyak ko, si Anastacia ang binabalikan ng aswang.
Maliwanag sa labas dahil kabilugan ng buwan. Sa loob, kahit paano’y nakaaaninag. Sa duklay ng puno, naroon pa rin ang aswang. Nang walang anu-ano’y bumitaw ito sa sanga saka lumipad palapit sa bintana ng silid. Iniumang ko ang armalite sa kanya. Inasinta.
Ngunit ano ito? Mula sa isang sulok ng silid ay kumilos ang kalahating katawan ng isang munting nilikha palapit sa bintana. Dumayb doon ang aswang at ng mag-ibang anyo iyo’y naging ang aking si Anastacia!
Hindi ko alam kung gaano katagal akong hindi nakakilos. Maraming beses kong nahuli ang aking sarili na hinahabol ang paghinga. Nang mahimasmasan, maingat kong isinwits ang ilaw. Lumapit akong tahimik sa aking munting anghel. Payapa na siyang natutulog: inosente at walang kamuwang-muwang, lubhang malayo sa isa pa niyang katauhang kanina lamang ay aking nasaksihan. Sa tabi niya, maingat kong inilapag ang sandatang muntik nang kumitil sa kanyang buhay.
Lumuluha, niyakap ko siya’t hinalikan. “Mahal na mahal kita, anak ko!”

IV. Si Anastacia
Dalawang bagay ang ipinasumpa sa akin ni Ludivina, ang nasira kong asawa, bago siya nalagutan ng hininga pagkaluwal na pagkaluwal kay Anastacia. Una, na mamahalin ko ang aming anak, ipagsasanggalang sa anumang maaaring dumalaw na suliranin hanggang sa huling hibla ng aking hininga. Ikalawa, na bubuksan ko lamang ang sulat na iniabot niya sa akin kung dumating ang panahong malalagay sa pinakamalaking pagsubok ang aming anak, lalung-lalo na kung sa sitwasyo’y mapapagitan siya sa buhay at kamatayan.
Ngayon na ang panahong iyon, sa aking pagtataya. Napakaaga kumpara sa panahong aking inaasahan at lubhang napakalayo kung ihahambing sa sitwasyong inaakala. Ang lahat-lahat ay kaibang-kaiba kung ikukumpara sa aking mga hinaka.
Binuksan ko ang sulat:
Pinakamamahal kong Marcelo,
Ipagpaumanhin ang aking paglilihim. Baon ko ang pagsisising hindi ko
na masasagot nang personal ang mga katanungang bumabagabag sa iyo
ngayon.
Kasalalan ko, nagmahal ako… sa iyo. Ang pasya ko noo’y hindi na mag-
aasawa upang magwakas na sa akin ang nakapopoot na sumpang dumadaloy
sa dugo ng aming angkan… ang pagiging aswang. Pero dumating ka…
kumatok sa puso ko.
Nagbuntis ako. Sa ultrasound, nakitang babae ang bunga ng ating
pagmamahalan. Pagkatanto niyon, inihanda ko na ang aking sarili. Ginawa
ang sulat na ito. Sumpa din ito sa amin. na kapag hindi lalaki ang
magiging unang anak ng babaeng aswang, pagkaluwal na pagkaluwal sa
sanggol ay mamamatay ang inang nagsilang.
Sa ngayon, sa santinakpan ay si Anastacia na lamang ang nabubuhay
na nagtataglay ng aming dugo.
Gaya ng isinumpa mo noon, isumpa mo uli, mahal ko, na hindi mo
pababayaan ang ating anak lalo’t nababatid mong hindi magiging mabait
sa kanya ang mundo kapag nabunyag ang kanyang lihim.
Muli, patawad. Iyakap at ihalik mo ako sa kanya. Mahal na mahal ko
kayo!
Nagmamahal,
Ludivina


V. Malungkot na Wakas: Ang Paglisan
Dalawang beses kong pinagtangkaang kitlin sa sarili kong mga kamay ang buhay ng huling lahi ng aswang. Ipagpatawad na hindi ko kinaya. Maraming beses ding binalak ko siyang isuplong sa barangay ngunit tuwina’y lagi akong nabibigo.
Pakiusap lalo na sa tulad kong mga magulang, tulungan po ninyo akong ipaliwanag sa lahat ang aking ginawa at maaaring gawin pa para sa aking anak. Upang kung hahatulan ako ng tao’y hahatulan sana ako nang may habag at pang-unawa. Ako pa ba na kanyang ama ang maglalagay kay Anastacia sa kapahamakan?
KANINA lamang madaling-araw na umalis muli ang aswang ay nabuo ko ang pasyang ito. Sa tabi ng naiwang katawan ng aking anak, sa isang kuwadradong karton ay isinulat ko: House and lot for sale.
Hindi na safe ang aking anak sa Suguidan. Kailangan na naming lumipat sa ibang lugar sa lalong madaling panahon. Hindi ko isusuko sa kahit kanino si Anastacia. Hahayaan kong tuklasin at lunasan ng kasaysayan ang kanyang sariling mga lihim at mga suliranin.
Muli, patawad— Marcelo dela Cruz.

Kuwento ng Dalawang Pangit

Sa San Fernando City, La Union, sa mga dyipni’y pinakamalakas ang pasada sa rutang Lingsat-Plaza. Pitong malalaking kolehiyo kasi ang nakatirik sa sakop nito.
Sa midway ng ruta, tapat ng Saint Louis College, ay nakatayo ang Mayumi Apartelle. Ito’y apat na palapag na gusali na ang bawat palapag ay may tig-a-anim na kuwarto. At ang bawat kuwarto, na pawang air-conditioned, ay may tigalawang double deck bed. Moderno ang gusali na maihahambing sa mga eksklusibong apartelle sa Kalakhang Maynila. Maliban kung summer, tuwina’y laging puno ang apartelle.
Ang apartelle ang inginuso kay Leon ng mga tsuper ng dyipni noong magtanung-tanong ito ng magandang puwedeng pangupahan sa lugar. Dayo lamang rito si Leon. Tawag ng tungkulin. Ipinadala upang pansamantalang maging tagapangulo ng isang departamento kung saan ikalawang tagapangulo ito sa kanilang mother school.
Si Mayumi ang nakaharap ni Leon noong mag-inquire siya sa apartelle. Puno na noon ang apartelle at aywan ni Mayumi kung bakit naialok nito kay Leon ang isang bakanteng kuwarto sa bahay nila. Ang bahay nila ay halos kadikit lang ng apartelle.
“Sino” at “ano” si Mayumi? Edad biente siyete na ito. Graduate ng BSBA, major in Marketing. Magkakasama sila dati sa Amerika ng kanyang kuya Lester, isang US Navy, at ate Bernadette, isang doktor sa pinakamalaking ospital sa Chicago. Noong mamatay ang kanilang daddy, may dalawang taon na ang nakararaan, pagkatapos ng libing nito’y hindi na bumalik ng Amerika si Mayumi.
Noon naisipan ng pamilya na itayo ang apartelle. Isinunod ito sa pangalan ni Mayumi na, siyempre’y siyang tagapangasiwa at sa kanya rin nakarehistro. Bilang dagdag na pagkakakitaan, sa harap ng apartelle ay nagpatayo pa ang pamilya ng water refilling station, na isa ring patok na negosyo.
Kung “ano” si Mayumi ay isang lihim na ang pamilya lamang nila ang nakakaalam. Diborsiyada ito. Halos kadi-divorce lamang nila ng asawang Kano noong mamatay ang kanyang daddy. Kaya pala ganoon na lamang noon ang iyak nito!
“Sino” at “ano” naman si Leon? Sa edad na biente kuwatro, kung tutuusin ay batam-bata upang maging tagapangulo ng isang departamento sa isang malaki-laki ring kolehiyo. Pero huwag ka dahil tapos na ito ng MA. At kung hindi lamang nadestino rito sa probinsiya’y nag-enrol sana ng doctorate sa semestreng ito.
Sa tikas, may pangangatawang gaya ng sa mga atleta si Leon. Hindi man kasi ito nahilig sa sports ay panay naman ito sa gym. Sa pananamit, desente at edukadung-edukado itong tingnan sa kombinasyong slacks at polo na laging naka-tucked in. Kung may tatlong salita na makapaglalarawan sa binata, tumpak ang tall, dark and handsome.
Sa biru-biruan nila ng kambal na si Mara, madalas tuksuin si Leon na bakla. Paano, may dalawang anak na si Mara ay wala ni girlfriend siyang naipapasyal sa kanila. Pero hindi bakla si Leon. Lalaking-lalaki ito. Hindi pa lang talaga siguro dumarating ang kanyang pag-ibig.
KATAPUSAN noon ng June nang matanggap si Leon bilang part time sa isang panrehiyon na istasyon ng radyo. Natural, ayon sa forte nito ang programa. Tungkol sa edukasyon. Sa mga makabagong pamamaraan ng pagtuturo. Sa mga tagumpay ng mga mag-aaral at mga guro sa rehiyon. At maging sa mga kapalpakan ng gobyerno na tugunan ang mga pangangailangan sa sistema ng ating edukasyon.
Alas-sais hanggang alas-siyete ng gabi, araw-araw, ang oras ng programa ni Leon. Bunga nito, ang dati nitong uwi sa bahay nina Mayumi na alas-singko y diyes ng hapon ay naging alas-siete y media ng gabi.
Minsan, habang naghahapunan, mag-aalas-otso ng gabi, ay biniro ni Mayumi si Leon. “Buti naman, sir, at hindi nagsasawa sa pangit mong pagmumukha ang dinadalaw mo gabi-gabi?” Hindi alam ninuman sa mga kasama ni Leon sa bahay na may part time siya. Mag-iisang linggo na siya noon sa radyo.
“Siguro nga’y nagkamali ako nang ilihim sa inyong nakuha akong mag-part time sa radyo,” umpisa ng pagtatapat ni Leon. Binanggit nito ang pangalan ng istasyon ng radyo at ang oras ng kanyang programa. Higit kaysa kay Mayumi, sa mommy ni Mayumi siya nagkukuwento. Napakabait kasi sa kanya ng matanda. Hindi na siya itinuturing na iba. Hindi ba’t maging sa pagkain ng mag-ina’y isinasabay siya? May palagay si Leon na gusto siya ng matanda para kay Mayumi.
Bumaling si Leon kay Mayumi. “Ngunit, kung alam ko lang na mami-miss ko pala ang kapangitan mo sa oras ng aking programa, sana’y hindi na lamang ako nag-part time.”
Iyon ang simula ng pagtatawagang “Pangit” ng dalawa. Sa umaga, palabas ng bahay, ay sasabihin ni Leon: “Pangit, aalis na ako. Ano ang gusto mong pasalubong, Pangit?” Sasabihin naman ni Mayumi: “Huwag na oy! Ipunin mo na lang, Pangit, nang may maipamparetoke ka sa pangit mong mukha!”
Sa gabi naman, kung dumarating ang binata’y isasalubong sa kanya ng dalaga: “Okey na sanang magtatapos ang araw ko, nakakita pa ako ng pangit. Nasira tuloy ang araw ko!” Na sasagutin naman agad ng binata: “Amanos lang tayo, Pangit. Pag nakikita kita, nadadagdagan ang pagod ko. Nasisira rin ang araw ko!”
Saka sila sabay na tatawa.
ISANG GABI, habang nagpapaantok si Leon ay nakatanggap siya ng text message mula kay Mayumi. Ang sabi, “May gamot ka ba riyan, Pangit? Para kasi akong lalagnatin. Mabuti kung maaagapan nang huwag matuloy.” Tamang-tama, may stock na gamot noon si Leon. Sinabi niya ito sa kanyang reply. Itinanong din niya kung dadalhin niya ito sa kuwarto ni Mayumi o si Mayumi ang kukuha nito sa kanyang kuwarto.
Hindi nag-reply ang dalaga. Sa halip, pagkaraan ng ilang sandali, ay nakarinig na lamang siya ng mahihinang katok sa kanyang pinto. Pinagbuksan niya. Si Mayumi! Nakaputi itong shorts na tinernuhan ng puti ring t-shirt.
Dis-oras ng gabi, papapasukin ba niya si Mayumi? Bago niya naisip ang sagot, nasa loob na ng kuwarto niya ang dalaga. Sa pahapyaw na pasada ng tingin sa dalagang bahagyang nakatalikod sa kanya, natiyak ni Leon na hindi ito naka-bra!
Tinutukso ba siya ni Mayumi?
Patutukso ba siya?
Mabuti at pagkabigay niya ng gamot ay lumabas agad ang dalaga. Saka lamang nakahinga ng maluwag si Leon. Iba na ang temperatura ng katawan niya kanina.
Nakahiga na uli si Leon nang makatanggap muli ng message mula kay Mayumi. “Akala ko pa naman, iaalok mong imasahe mo ako, Pangit. Siguro, napapangitan ka talaga sa akin. Pangit ba talaga ako, Pangit?”
Nag-text back siya. “Hindi ka pangit. Ang totoo, maganda ka. Adorable, lovable. Ano na kasi iyon sa Tagalog?- Kabigha-bighani. Kapanta-pantasya. Katakam-takam!”
Ang sagot ni Mayumi. “Talaga!? Walang malisya, puwedeng i-massage mo ako, Pangit?”
Hindi malaman ni Leon kung bakit nanginginig ang mga daliri niya habang ginagawa ang reply. “Saan? Dito sa kuwarto ko o diyan sa kuwarto mo?”
Di na nag-reply si Mayumi. At heto uli ang mahihinang katok sa pinto niya. Muli, pinagbuksan niya.
“Baka magising ang mommy mo, iba ang isipin…” Aywan ni Leon kung bakit pati ang boses nito’y nanginginig. Bunga ba ng muling pag-iinit ng temperatura ng kanyang katawan?
“Ala-una ng madaling araw, tulog na tulog na ‘yon.” Kampante ang boses ni Mayumi. Pumasok ito sa kuwarto, iniabot kay Leon ang massage cream saka tinungo ang kama. Dumapa. “I-lock mo ang pinto, Pangit!”
MAG-AALAS-SINGKO y media kinabukasan ng hapon nang dumating si Leon sa bahay nina Mayumi. Bago sila maghapunan, tinext niya ang dalaga na mag-usap sila sa may hardin.
“Iyong nangyari kagabi, papanagutan ko, Pangit!” Si Leon. Oo nga pala, alam na ni Leon na diborsiyada si Mayumi. Nalaman niya ito sa mismong mommy ng dalaga. Sinabi ito sa kanya ng matanda, dalawang linggo na ang nakaraan, nang magpaalam ito sa ginang na liligawan niya si Mayumi.
Tumawa si Mayumi. Sa kaswal nitong bulgar na pakikipag-usap, sabi nito: “Nasarapan ka lang, e! May madilim akong kahapon, Pangit. Im not worthy!”
“Anuman ang iyong nakaraan, mahal kita, Pangit. At sa ayaw mo’t gusto’y pakakasalan kita.”
Pagkatapos nilang maghapuna’y tinawagan ng binata ang kanyang daddy. Nakipag-usap din sina Mayumi at ang mommy nito. Napagkasunduang sa susunod na Sabado’y mamamanhikan ang partido ni Leon.
Nang gabing iyon, bago pumasok sa kanyang silid ang mommy ni Mayumi’y kinausap sila. Hangga’t hindi pa raw nakakasal ay magpigil muna. Tumango ang dalawa.
Kaso, bandang ala-una ng madaling araw, habang himbing ang matanda, isa sa tatlong silid ng bahay ang walang tao. Samantalang sa isang silid ay may dalawang aninong gayon na lamang ang pagkukubli sa pusikit na karimlan. Maririnig buhat sa isa, pausal, waring nasa napakataimtim na yugto ng pananalangin, ang pangalang “Mayumi”. Sasagot naman ang isa sa tinig na animoy nagpapasaklolo: “Leon..Oh, Leon!”

Ate Belen

Si Ate Belen ko, idol ko ‘yan. Isusubo na lamang niya ang tinapay, kapag makita ako, ibibigay pa sa akin ang tinapay. Ang katwiran niya, di bale nang siya ang magutom, dahil kaya na niyang tiisin ang gutom, kaysa ako ang magutom. Mahal na mahal ako ni Ate Belen kaya mahal na mahal ko rin siya.
Sa nakakikilala sa amin, ang ganitong turingan namin ay hindi siyang dapat na asahan. Sa ina lamang kasi magkapatid. O kaya, mas tumpak sabihin, kaming apat ay sa ina lamang tunay na magkakapatid.
Uther ang pangalan ng aming panganay. Kung nasaan siya ngayon ay hindi namin alam. Basta ang sabi ni Ate Belen na sinabi raw ni Nanay, nasa poder ito ng kanyang ama. Isa raw malaking politiko, na ayaw namang banggitin ni Nanay kung sino, ang ama ni Kuya Uther.
Bago ng mga iba pa, palagay ko’y kailangan ko munang sabihin kung sino dati si Nanay. Siya’y dating sikat na personahe ng pinilakang tabing na nagkaroon din ng ilang pelikulang pumatok sa takilya. Pagliliwanag: sinabi ko ito hindi upang ipagmalaki ang aking ina. Sinabi ko ito upang kahit papaano ay magkaroon siya ng larawan sa inyong imahinasyon nang sa gayo’y makita rin ninyo sa kanya ang nakita ng kung ilang bigating lalaki na napaugnay sa buhay niya.
Sa puntong ito, siguro’y gusto n’yong malaman kung sino siya. Sa ilang detalyeng ibinigay ko, marahil, may mga hula-hula na kayo. Una, ipagpaumanhing sa halip na libangin ay nabigyan ko pa yata kayo ng alalahanin. Ikalawa, ipagpatawad na hindi ko talaga sasabihin. Dahil kahihiyan daw, sabi ni Ate Belen, ang maging anak ng aming ina.
Mark ang pangalan ng pangalawa. Gaya ni Kuya Uther, sa larawan ko na rin lamang nakita si Kuya Mark. Tisoy ito. Anak kay nanay ng isang sundalong ‘Merkano na may mataas na ranggo sa dating pwersa-militar ng Estados Unidos sa Clark Air Base sa Pampanga. Noong nagsara ang Clark, isinama ng kanyang ama sa Amerika si Kuya Mark.
Si Ate Belen ang pangatlo. Sa kanyang mga singkit na mata at mala-porselanang kutis, kahit huwag nang itanong, matitiyak na intsik ang ama. Kung sino, katulad ng ama ng aming mga kuya, ay wala ring pangalan. Hindi alam ni Ate Belen kung sino ang kanyang ama.
At siyempre, ako. Ciriaco ang aking pangalan. “Akong” sa bahay at sa mga kalarong batang kanto. Junior ako. Ciriaco Senior, samakatwid, ang aking ama na isang tsuper ng dyipni.
Kung paanong naging anak ako ng isang tsuper sa isang dating sikat na artista ay siya kong ibabahagi. Pampalubag-loob man lamang sa paglilihim ko sa inyo ukol sa katauhan ng aking ina.
TULAD nina Kuya Uther at Kuya Mark, si Ate Belen man daw ay pinagtangkaang kunin mula kay inay ng kanyang intsik na ama. (Kailangan ko pa bang banggitin na sa ikatlong pagkakataon ay isa uling kerida ang aking ina?) Kaya isang tanghaling nakaidlip ang upahang bantay, maingat na tumalilis sina nanay sa apartment. Walang tiyak na patutunguhan, tuliro, basta sumakay na lamang sila sa isa sa mga nakahintong dyip sa bahaging iyon ng Ortigas. Ang tsuper ng dyip na iyon ang nagbukas ng palad at ng pintong mapapasukan nina Nanay at Ate Belen na noo’y sanggol pa lamang. Ang tsuper na iyon ang aking ama.
Naalala kong sinabi sa akin ni Ate Belen, sa aming dalawa, mas mapalad daw ako. Kasi ako, kilala ko ang aking ama. Siya hindi. Mas mapalad pa nga raw ang mga tuta kaysa sa kanya. Kasi ang mga aso, ang ama ng mga tuta, ay may panga-pangalan. Siya raw, parang biik.
Pinapangalanan daw ba ang mga baboy? Sabagay, sabi niya, isang baboy ang aming ina.
Ayaw kong sumang-ayon. Ipinagdamdam ko kay Ate Belen ang sinabi niyang iyon tungkol sa aming ina.
Apat na taong gulang ako noong maglahong parang bula ang aking ama. Nasa malaking bahay na kami nang sekretuhan ako ni Ate Belen na “ipinatumba” mismo ng aming ina ang aking ama. Kung ano ang ibig sabihin ng “ipinatumba” ay hindi ko alam. Ang gumawa raw niyon ay mga tauhan ni Tito Boggart, ang bagong kinakasama ni Nanay.
Mayaman si Tito Boggart. Sa garahe, marami siyang sasakyang puro mga bagong modelo. Malaki ang kanyang bahay. Marami rin siyang tauhan. Pero kahit laging masarap ang aming pagkain, kahit laging may mga bago akong laruan at kahit laging may mga bagong damit si Ate, ayaw namin sa kanya. Kung bakit, hindi ko maipaliwanag sa panig ko. Sa panig ni Ate Belen, iba raw ang kutob niya.
Noong magpasukan, si Ate Belen, hindi si Nanay, ang nagsabing dapat akong mag-aral. Sa aming dalawa, ako man lamang daw ang makatuntong sa eskwela, magkaroon ng karera balang araw, ay ligaya na niya. Hindi pa ‘ata natapos ni Ate Belen ang Grade I. Totoong kapos na kapos kami noon sa piling ng aking ama.
At nag-Grade I ako. Sa mga unang araw ng klase, umiiyak ay tinatawag ng mga klasmeyt ko ang kani-kanilang nanay. Kakatwang ako, sa halip na si Inay ay si Ate Belen ang nami-miss ko. Palibhasa, wala kasi akong maapuhap na magandang alaala na sukat ika-miss kay nanay.
Dapat ko na bang ipagpalagay na ako’y lahi rin ng baboy? Gayon ang mga biik, hindi ba, hindi nami-miss ang kanilang baboy na ina!
Pero, ha-ha, sino ang mag-aakala na ang anak ng tsuper ay genius pala? Babasahin ko na lamang ang libro, kahit huwag nang ipaliwanag ng titser, alam ko na. Sabi ng aking guro, gifted child daw ako.
Ibinalita ko ito kay inay. Wala lang sa kanya. Kay Ate Belen, ang sabi, proud na proud siya sa akin. Gayong kaunti na lamang ay halos magkasintangkad na kami, ako’y kinarga niyang parang isang bata, isinayaw-sayaw, habang tuwang-tuwang sinasabi na kapagma-pagmalaki ako!
Kalagitnaan ng Hulyo, nagkasakit si Nanay. Gayong napakaalinsangan kapag tanghali, tagtuyot noon, giniginaw raw. Iminungkahi ni Ate kay Tito Boggart na dalhin namin si Inay sa ospital. Pero sabi ni Tito Boggart ay gagaling din siya. Kaya pa raw daanin sa gamot.
At totoo nga, gumaling si Inay makalipas ang ilang araw. Pero hindi naglipat linggo, nagkasakit uli. Gaya ng dati, malubha. Tapos, may mga butlig-butlig pang tumubo sa katawan. Sa ipinayat pati, hindi na mabakas sa kanya ang isang panahong isa siyang tinitiliang istarlet ng pinilakang tabing. Kabigha-bighani at kasamba-samba. Pinapantasya ng mga kalalakihan.
“Makinig kang mabuti,” sabi sa akin ni Ate Belen isang gabing bago kami matulog. “Lumabas sa pagsusuri na may AIDS si Nanay.” Ipinaliwanag niya kung ano ang AIDS. “ Higit kailanman, ngayon tayo kailangan ni Nanay. Ipakita natin, iparamdam natin, na mahalaga siya sa atin. Mahal natin si Inay, di ba?”
Hinihingi ng sitwasyon, mas dapat akong sumang-ayon kaysa sumalungat. Tumango ako.
Pero hindi gaya ni Ate Belen, hindi kaiyak-iyak sa akin na malamang may AIDS si Nanay. Naging matapang na siguro ako gaya ng gustong mangyari sa akin ni Tito Boggart. Pero siyempre, nandoon pa rin ang pag-aalala. Pasusuhing biik pa lamang kami ni Ate Belen. Mamamatay kami kung mamamatay ang aming ina.
Ang sitwasyong ito ay nakapagtataka yatang hindi nakaapekto kay Tito Boggart. Dahil hindi naman niya tunay na asawa si Inay, inasahan naming palalayasin kami sa malaking bahay. Pero hindi iyon nangyari. Mahal ba niya talaga si Nanay? Kung pagbabasehan ang ikinikilos niyang tila nasisiyahan pa sa pagkakasakit ni Nanay, malabong mag-conclude ng gano’n.
Ang kutob ko ay siya rin kayang kutob ni Ate Belen? Grade I pa lamang ako pero bahagi siguro ng aking pagiging gifted child na maunawaan na ang aming sitwasyon kahit ako’y nasa napakamurang gulang pa lamang. Maganda at makinis si Ate Belen. Batam-bata at fresh. Sa isang gaya ni Tito Boggart na nabubuhay sa mga negosyong ilegal, hindi malayong tama ang kutob ko!
Nitong mga huling araw ay nakita ko nga kay Ate Belen ang pagiging tunay na anak. Personal nitong inalagaan si Inay. Maging ang pagluluto ay hindi niya ipinabahala sa mga kasambahay. Unti-unti, naka-recover ang aming ina. Bumalik ang dati niyang lusog.
Agosto.
Nakatutulig ang katahimikang nadatnan ko sa bahay isang tanghaling kanselado ang klase dahil may bagyo. Sa salas, wala maski isang tao. Wala si Ate Belen, wala si Nanay, wala ang mga kasambahay, wala rin si Tito Boggart. Nasa taas kaya sila lahat? Dalawang palapag ang malaking bahay ni Tito Boggart.
Sa kuwarto, wala rin si Ate Belen. Magkakuwarto kami. Sa double deck, sa taas siya, sa baba ako.
Sa kwarto nina Inay, nandon si Inay, mahimbing na natutulog. Sa kuwarto ng mga kasambahay, tulog din sila. Bakit sila tulog? Nasaan si Ate Belen at si Tito Boggart?
Sa isang kuwarto, nagkabuhay ang kutob ko. Naroroon, pwersahang sinisipingan ni Tito Boggart si Ate Belen. Umiiyak, nagmamakaawa ang ate ko!
Diyos ko, ano ang gagawin ko?
Maingat, mabilis akong bumalik sa silid nina Nanay. Sa isa sa mga drawer doon, nakita ko minsan ang nakatagong mga baril. Kinuha ko ang isa.
Ang sumunod na mga eksena ay tila sa isang pelikulang aksyon. Bagamat magkakasya na ako sa kaunting awang ng pinto, sadyang pinagplanuhan ng hayok na patulugin ang lahat kaya kampanteng kahit ito’y nakabukas, tinadyakan ko pa rin ang pinto. Antimanong naagaw ko ang atensiyon ni Tito Boggart. Nakita ko ang matinding takot na bumadha sa mukha niya nang makitang nakatutok sa kanya ang baril na hawak ko.
“Aba’t loko ang isang ‘to, a!” Sinlakas ng kulog ang sigaw ni Tito Boggart. “Bitiwan mo ‘yan! Maiputok mo ‘yan!”
Noong tumayo ito at sugurin ako’y inasinta ko. Sa unang putok, buwal si Tito Boggart. Pero buhay pa, nagmura. Isa pang putok, nagmumura pa rin. Isa pa uling putok, tumahimik na.
Tili ni Inay ang sunod na pumuno sa silid. “Bakit mo binaril ang asawa ko!?”
Nilampasan ako, nilapitan niya ang nakahandusay na si Tito Boggart. Paluhod, niyakap niya ang “asawa”. Maya-maya, pinulsuhan. Umiling. Saka nagmura. “’Tang ina mo! Wala kang utang na loob, napatay mo si Boggart!”
Noon ko lamang ganap na natanggap, baboy nga ang aming ina! Kulang pa ba sa kanya ang naratnang kahubdan ni Ate Belen, wala halos malay, duguan ang puting kubre-kama, upang ang hilaw na asawa pa ang kampihan?
“Wala kang kwentang ina! E, ginagahasa niya ang ate ko, e!”
“Inakit lamang siya ng malandi mong ate!”
Ginawaran ni Nanay ng halik si Tito Boggart. Tumayo, humakbang siya palapit sa akin. Nag-aapoy ang poot sa kanyang mga mata. Itinutok ko sa kanya ang baril.
Isa. Dalawa. Tatlo. Hindi ko kayang kalabitin.
Inagaw niya sa akin ang baril. Tumalsik ako sa lakas ng kanyang sampal.
“Mga walang hiya kayo! Papatayin ko rin kayo!” Itinutok niya ang baril kay Ate Belen. Pumutok. Pero hindi tinamaan si Ate. Sinugod ni Ate si Inay. Sumugod din ako. Nag-agawan kami sa baril.
Bang!
Bang!
Duguang bumagsak malapit kay Tito Boggart si Inay.
Niyakap ako ni Ate Belen. Mahigpit. Matagal. Nanginginig siya nang sabihing ligtas na raw kami.
Kinahapunan, isa sa ulo ng mga balita sa telebisyon ang kamatayan ni Inay. Pero iba ang istorya: Matapos barilin ang kanyang live-in partner, nagbaril din ng sarili ang isang dating sikat na artista. Pambababae ng kinakasama ang anggulong nasisilip ng pulisya kaya niya iyon nagawa.
Natulig ako sa kataimtiman ng tahimik na pagluha ni Ate noong ibalik sa bahay ang mga bangkay. Nang maipuwesto, inakay ako niya palapit sa mga iyon.
“Humingi ka sa kanila ng tawad!”
Matigas ako. “Ayoko, ate!”
Inulit niya.
“Ate, please… hindi ko po maaatim.”
Saglit na nagdigma ang aming mga titig. Sumuko ako.
“Inay, Tito Boggart, patawad po! May you rest in peace!” Dalawang patak ng ligaw na luha ang sumungaw sa aking mga mata. Kasabay niyon ang pagkislap ng liwanag mula sa mga camera ng mga naroong reporter.
Kinabukasan, iyon ding balitang iyon ang laman ng mga peryodiko. Sa kalakip na larawan, nandoon kami ni Ate Belen. Tila mga basang sisiw, lumuluhang nakatanghod sa aming mga namayapa.
Pagkatapos ng libing, sabi ni Ate Belen, ay uuwi raw kami sa probinsiya. Sa bayan nina Inay, sa Naguilian, La Union. Inulit niya, ligtas na raw kami!