William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Tuesday, August 2, 2011

Alamat ng Suguidan (Isa sa 37 barangay ng Naguilian, La Union)(bersyong Tuluyan)

Itay! Itay! Maaari ko po ba kayong maabala sa inyong pagli-lesson plan? Ikuwento n’yo naman sa akin ang alamat ng ating baranggay. Ipapasa kasi namin bukas ang buod nito para sa aming asignaturang Filipino. Sabi ng aming titser, tungkulin daw ng bawat makabayang mamamayan na alamin ang kanyang pinagmulan. Ang alamat, sinabi pa, ay isa sa mga akdang bumubuo sa ating mayamang panitikan!
O sige, halika sa tabi ko, anak. Umupo ka at pakinggang mabuti ang ikukuwento kong alamat:

NOONG unang panahon, sa kapatagang sakop ng matandang Hilagang Luzon ay may nabuhay na isang napakagandang dilag. Susana ang pangalan nito. Siya’y unica hija ni Pinunong Naandor ng tribong Sirmata, ang pinakamakapangyarihan sa tatlong mga tribo ng Ilokandia.
Sa kariktan, kukulangin ang mga salitang naimbento ng tao upang ilarawan si Susana. May mga nagsabi, na sinang-ayunan ng lahat, na hawig na hawig nito si Engkantada Pusaksak, ang diyosa ng kagandahan ng kanilang tribo. May kumalat noong usap-usapan na kaya gayon ay sapagkat anak si Susana ng naturang engkantada.
Gayon man, sa kabila ng taglay na pambihirang kariktan, ang dilag ay may mababang puso. Laging bukas ang mga palad nito upang tumulong sa mga tunay na nangangailangan. Dahil dito, lalo pa siyang minahal ng kanilang mga nasasakupan.
Maglalabing walong taong gulang si Susana nang dalawin ng pagsubok ang kanilang tribo. Isang grupo ng mga rebelde, kasama ang ilang mayayamang kapanalig, ang nag-alsa. Gusto ng mga ito na humiwalay sa kanila upang magtatag ng sariling pangkat. Sa kainitan ng pagtatalo ng konseho at ng mga ipinadalang sugo ng mga rebelde ay pumagitna si Susana at nagsabi: Bagamat tayo ang pinakamakapangyarihan sa Ilokandia, ang Sirmata ay batang paslit lamang kumpara sa mga malalaking tribo sa ating paligid. Paano kung bukas o sa makalawa’y bigla tayong salakayin? Ang naghahangad na hatiin ang Sirmata ay hindi tunay na nagmamahal sa bayan!
Matapos ang ilang sandali ng sagradong katahimikan, wala ni kaluskos na iniwan ng mga sugo ang bulwagan. At mula noon, wala nang narinig pa ukol sa mga rebeldeng iyon, ni mula sa kanilang mayayamang kapanalig.
Nagkaroon ng dalawang napakasugid na manliligaw si Susana. Ang isa ay si Guido, panganay na anak ni Pinunong Amyanan mula sa tribo sa dulong hilagang Luson. Ang isa pa ay si Dante, ang nag-iisang lalaki sa tatlong anak ni Pinunong Abagatan mula sa isa pang tribo.
Saan mang anggulo tingnan, kapwa karapat-dapat ang dalawa sinuman ang magwagi sa puso ng dilag. Sila man kasi ay nagtataglay rin ng pambihirang kakisigan. Gayon din, ang liksi at lakas nila bilang mandirigma ay hindi rin matatawaran. Sila ay nakikinitang magiging mahusay na pinuno pagdating ng araw.
Isang umagang nasa ritwal ng nakalakhang paliligo ay nakatanggap ng pasabi ang dilag na siya’y kakausapin ng ama. Kaya sa halip na isang oras, tatlumpong minuto na lamang itong nagbabad sa kanyang paliguang ang laman ay sariwang gatas ng baka. Hindi rin nito halos naubos maski ang isa sa laang dalawang bangang pambanlaw na ang lamang tubig ay inigib pa mula sa mahiwagang bukal na nasa loob ng kuweba sa pusod ng malayong kabundukan.
May binabasang kasulatan ang ama nang datnan niya ito sa kanyang tanggapan. Sa malumanay na tinig, sinabi nitong umupo muna si Susana. Tatapusin lamang nito ang binabasa.
May kung anong kaba ang bumangon sa dibdin ng dilag. Sa buong buhay niya, ikalawang beses pa lamang ito. Una ay noong ika-labinwalong kaarawan nito, ipinatawag din siya. Ipinagtapat noon ng ama ang lihim ng kanyang pagkatao. Kung kanino siya nagmula. Kung sino ang kanyang ina.
Umiyak siya noon. Awtomatiko. Hindi niya alam kung bakit. Ngayon kaya, iiyak din siya pagkatapos nilang mag-usap ng ama? Tumindi ang kabang bumangon sa kanyang dibdib.
Iyon lamang naman pala ang sinabi sa kanya. Gusto ng kanyang ama na siya’y lumagay na sa tahimik. Bakit hindi pa raw siya nakakapili mula sa kanyang mga manliligaw.
Hindi agad nakatulog kinagabihan si Susana. Tama ang kanyang ama. Bakit hindi pa siya pumipili? Katulad ng ibang mga ama, gusto rin ng ama niya na makita pa ang magiging mga apo. Ilang taon na rin ba ang kanyang ama? Marahil, hapo na ito sa pamamahala sa kanilang tribo. Gusto na nitong ipasa ang kapangyarihan sa kung sino mang mamanugangin.
Bago nakatulog, napagpasyahan ni Susana na pipili na siya mula kina Guido at Dante sa lalong madaling panahon.
Noong gabing iyon, dinalaw ng isang napakasamang panaginip si Susana. Napakita sa kanya si Kiram, ang prinsipeng tikbalang mula sa mundo ng mga engkanto. Sinabi nitong may karapatan din ang isang engkanto sa puso nito dahil anak din si Susana ng isang engkantada. Nagising na lumuluha ang dilag.
Napakita uli si Kiram sa pamamagitan ng panaginip nang sumunod na gabi. Tahasang sinabi ni Susana na hindi nito matatanggap ang prinsipe mula sa kabilang mundo. Dito na nagalit si Kiram. Nagbanta ito na kukunin niya si Susana sa ikapitong gabi mula noong gabing iyon. Kailangang pumayag ng dilag dahil kung hindi ay mamamatay ang ama nito sa mismong ikapitong gabi. Samantala, upang takutin ang lahat ay nagbanta pa si Kiram na isang mataas na tagapaglingkod ng tribo ang mamamatay gabi-gabi mula noong gabing iyon.
Nagkakagulo sa palasyo noong nagising si Susana kinabukasan. Namatay sa hindi malamang dahilan ang kanilang punong babaylan. Nagimbal si Susana. Kung gayon, hindi panaginip lamang si Kiram. Totoo ang banta nito.
Ipinasya ni Susana na sabihin sa ama ang tungkol sa kanyang panaginip. Ngunit tulad niya noong una, ang kanyang ama man ay hindi naniwala sa kanyang panaginip.
Sa ikalawang gabi, namatay ang punong bantay ng palasyo. Sa ikatlong gabi, ang punong tagapayo naman ang pumanaw. Noon pa lamang pinaniwalaan ng ama nito ang kanyang panaginip.
Kinabukasan, maagang pinulong ni Pinuno Naandor ang kanyang konseho. Umabot nang maghapon ang pagpupulong na iyon. Ngunit walang nabuong malinaw na plano. Sadyang gayon nga marahil. Alam ng lahat ng naroon sa pagpupulong na iyon—kaya wala ni isang nagbukas ng gayong paksa—na ang solusyon sa kinakaharap nilang krisis ay hindi abot ng kanilang kakayahan.
Nakarating sa kaalaman nina Guido at Dante ang tungkol dito. Bagamat magkaribal sa puso ni Susana, nagkasundo ang dalawa na gumawa ng hakbang upang pigilin si Kiram sa pag-atake nito pagsapit ng ikapitong gabi. Dahil hindi alam kung saang direksyon magmumula, nagpasya silang kubkubin ng bakod na lupa—sa plano ay sintaas ng mga bundok—ang sentro ng tribo kung saan nasa gitna nito ang palasyo. Bago kumagat ang dilim nang ikapitong gabi, sa pamamagitan ng kung ilang daang libong magigiting na kawal, ang lugar ay nagtila munting siyudad sa kapirasong kapatagang nasa loob ng hugis oblong na kabundukan.
Kinabukasan, dalawang balita ang naging paksa ng usapan sa buong nasasakupan. Isang mabuting balita at isang masamang balita. Ang mabuting balita, buhay si Pinuno Naandor. Kailangan ba itong ipagdiwang? Ang masamang balita, bagamat naiwan ang katawang pisikal, ang espiritu ni Susana ay napagtagumpayang kunin ni Kiram. Wala ng buhay ang dilag nang makita ito sa kanyang silid. Kaawa-awang Susana!
Nang malaman ito nina Guido at Dante, gamit ang sari-sariling espada ay sinaksak ng dalawa ang kani-kanilang sarili. Gaya ng madalas nila noong sabihin kay Susana, Ano ang silbi ng buhay kung hindi rin makakapiling ang dilag! Higit pang matamis ang kamatayan.
Sabay-sabay na inilibing ang tatlo sa iisang dako, panggitna si Susana. Sa dakong pinaglibingan, gayon na lamang ang pagtataka ng madla nang isang umaga’y nakitang may tumubo roong maliit na bundok, pahaba at para nitong hinati ang kapirasong kapatagang iyon na nakukubkob ng hugis oblong na kabundukan.
Dahil sa kadalisayan ng pag-ibig na minsang sumibol roon, ang lugar ay pinangalanang Suguidan. Hango sa umpisa ng pangalan nina Susana, GUIdo at DANte. Ang tumubong maliit na bundok sa dakong pinaglibingan ang naging boundary nang hatiin ang lugar sa dalawa, Suguidan Sur at Suguidan Norte.

IYAN, anak ang alamat ng ating baranggay. Mahusay ang iyong ginawa na habang nagkukuwento ako ay itinatala mo ang mahahalagang detalye. Sige, anak, gawin mo na ang pagbubuod at itutuloy ko naman ang pagli-lesson plan. Sabay lamang siguro tayong matatapos. Mamaya, babasahin ko muna ang iyong magagawa bago tayo matulog. Paghusayan mo, ok?
Opo, itay, paghuhusayan ko po. Bukas, maaari po bang ang alamat naman ng ating bansa ang inyong ikuwento? Salamat, itay!
***Una nang nalathala sa Liwayway Magazine