William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Sunday, July 25, 2010

Alamat ng Suguidan

(Jhoanna Wayne,
Gaya ng iyong mungkahi, narito ang alamat ng ating barangay na isinulat ko sa anyong patula. Katulad ng iba ko pang mga akda, alam kong itatago mo ito bilang koleksyon…
Pagsapit ng araw na ako’y mag-asal batang katulad mo ngayon— makulit at sumpungin— ilabas mo ito at basahin para sa akin. Napakatanda ko na marahil noon— uugud-ugud na’t ulyanin— ngunit gaya mo kapag kinukuwentuhan kita, pangako, anak ko, makikinig ako sa iyong pagbasa.
Malilimot ko marahil ang lahat ngunit hindi ako magbabago bilang…
Ang mapagmahal mong ama,
William P. Nucasa

NANG UNANG panahong di pa nasasakop
ng mga Kastila itong bayang irog,
sa lupaing sakop ng hilagang Luzo’y
may kay gandang dilag na nabuhay noon.

Siya’y unica hija ng iginagalang
na Datu Naandor ng Tribo Sirmata;
Susana ang kanyang mahal na pangalang
naging bukambibig noon ng balana.

Ang ina naman niya, ayon sa alamat,
ay ang pintakasing Diwata Pusaksak;
sa tribo Sirmata, ang adang natura’y
ang kasamba-sambang diyosa ng kariktan.

Gayong sa estado’y kay taas na tunay
at sa kagandaha’y diyosa ang kabagay,
kay Susana’y nahan ang pusong mababa
at bukas-na-palad sa api at dukha.

Sa gayo’y lalo pang minahal ng madla
si Datu Naandor saka si Susana;
sa palasyo nila’y dagsa bawat araw
mga panauhing doon ay dumalaw .

MAGLALABING-WALO noon ang dalaga
nang ang tribo nila’y dalawin ng sigwa
mayro’ng isang grupo ang ano’t nag-alsa,
gustong humiwalay sa Tribo Sirmata.

Ang pangkat na yaon ay kinabilangan
ng mga bandidong kilabot sa tapang;
kapanalig nila’y ilang mayayaman
na uhaw sa dugo at kapangyarihan.

Sa harap ng tribong may damdaming hati
na nararamdamang magkakatunggali
mayro’ng magagawa kaya si Susana
nang huwag mahati ang Tribo Sirmata?

Noong nagkaharap ang mga opisyal
ng dalawang panig upang pag-usapan
ang makabubuti sa Sirmatang mahal
pumagitna ang dilag at kanyang tinuran:

“Sa tatlong mga tribong ngayo’y nakalatag
sa ating lupaing ngala’y Ilokandia
ay totoong tayo ang pinakamalawak,
pinamalakas, pinakasagana.

Ngunit ang totoo’y batang paslit pa lang
itong ating tribo kung ating ihambing
sa mas malalakas at naglalakihang
kung ilan pang tribo sa palibot natin.

Paano kung bukas o sa makalawa
ay lusubin tayo ng mga banyaga?
Kayong naghahangad mahati ang Sirmata
sa tribo’y di tunay ang inyong pagsinta!”

Ang mga bandido, pagkarinig nito
ay nagsialisang pawang nakayuko;
at magmula noo’y wala nang narinig
hinggil sa kanila o sa kapanalig.

MAY DALAWANG naging masugid na kabig
si mutya Susana na kaibig-ibig;
ang isa’y si Guido, anak ni Amyanan
na datu ng tribo sa kahilagaan.

Ang isa ay Dante naman ang pangalan,
pambatong binata mula katimugan;
siya’y unico hijo ni Datu Bagatan
ng isa pang tribo sa Kailukuhan.

Sa dalawa’y walang itulak-kabigin
ang tulirong pusong pihika’t mahinhin,
ang mga binata kasi’y kaiba rin
sa liksi at lakas at kisig na angkin!

ISANG UMAGA habang naliligo
si mutya Susana na musa ng tribo’y
may biling dumating: Agad kang magtungo
sa silid-tanggapan ng ama mong puno.

Kaya ang pagbababad sa sariwang gatas
na nakagawiang laging isang oras
ay dagling tinapos, agad siyang nagbanlaw
ng tubig na mula sa mahiwagang bukal.

Si Datu Naandor ay may binabasa
noong kanyang datnan sa tanggapan niya
kaya’t sinabihang siya’y umupo muna
habang inaantay ang oras ng ama.

May kabang bumangon sa dibdib ng dilag
ano ang sa kanya ay ipahahayag?
Sa tanang buhay niya’y pangalawa ito
na ipatawag siya ng amang pinuno.

Ang una ay noong siya’y naglabing-walo
kung saan naganap sa dako ring ito—
pagkatao niyang banal na sekreto
ay noon lamang niya ganap na natanto.

Siya’y umiyak noon ngunit hindi wari
kung iyo’y sa galak o kaya’y pighati;
siya’y anak ng diyosa ngunit anong bago
kung tuwi-tuwina’y wala naman ito?

Ngayon nama’y ano kayang magaganap—
may bagong lihim ba na ipagtatapat
si Datu Naandor na ama niyang liyag?
Kaba sa dibdib niya ay lalong tumingkad.

Iyon lamang naman pala ang sinabi—
sa pag-aasawa, siya’y minamadali;
bakit hindi pa raw siya pumipili
sa mga kabig niya, kina Guido’t Dante?

Si Datu Naandor ay tulad din pala
ng kahit na sinong tumatandang ama
na bago pumanaw ay gustong makita
ang magiging bunga ng kaniyang bunga.

Sa pamamahala’y hapo na marahil
si Datu Naandor na kay buting lider;
ang kapangyariha’y gusto nang ipasa
sa magiging kab’yak ng unica hija.

Noong gabing iyon, bago nakatulog
may pasyang binuo si Susanang irog—
sa lalong madali ay pipili na siya
kina Guido’t Dante na mga kabig niya.

ANG DESISYONG yaon ay nakatuliro
sa tagahanga rin na isang engkanto;
kaya agad-agad ay nagtungo ito
sa mundong tahanan nating mga tao.

Siya’y walang iba kung hindi si Kiram,
prinsipeng engkanto na isang tikbalang;
sa kanyang mahika at kapangyarihan
sa balang gustuhi’y sino ang hahadlang?

Nang gabi ngang iyon, siya’y napakita
sa panaginip ng sintang dalaga;
malinaw niya roong ipinakilala
ang kanyang sarili’t matapat na nasa.

Ang kaniyang puntong may bahid katwiran—
sa puso ng dilag, siya ma’y may karapatan
pagkat si Susana’y may dugo rin naman
ng isang engkantong gaya ng tikbalang!

Naalimpungatang puno ng hilakbot
dahil sa dumalaw sa kanyang bangungot;
si Susana’y hindi na nakatulog pa
lumuhang magdamag, damdami’y balisa.

NANG GABING sumunod, tulad ng paraan
ng kanyang pagdalaw nang gabing sinundan
ay muling dinalaw ni Prinsipe Kiram
si Susanang kanyang pinakamamahal.

Tahasan na ritong binigo ng dilag
ang pagsintang luhog ng binatang dayo
na nagsilbi tuloy mitsa ng pagsiklab
ng matinding poot sa nabigong puso.

Ang sabi ni Kiram: “Kung mahal mong tunay
ang Tribo Sirmata at ang iyong tatay,
sa ikapitong gabi, sa ‘king pagbabalik
ikaw ay sasama sa ayaw mo’t ibig.

Paano kung ayaw sumama ng dilag?
“Buhay ng ama mo ang magiging bayad!”
Upang gipitin pa ang dalagang irog
ganito ang kanyang huling pananakot:

“Mula ngayong gabi, sa tribo mong mahal
ay may mamamatay na isang opisyal;
anim lahat silang magsasakripisyo
sa pampitong gabi nama’y ang tatay mo!”

KINABUKASAN nga’y ginising ang dilag
ng isang balita na ubod ng saklap—
namatay sa hindi malamang dahilan
ang kay lakas naman na punong babaylan!

Kung gayo’y totoo ang banta ni Kiram?
Sino ang susunod sa mga opisyal?
Ang panaginip niya ay ipinaalam
kay Datu Naandor na ama niyang mahal.

Ngunit katulad niya noong dakong una,
ang kanyang ama ma’y hindi naniwala
nagkibit-balikat saka ang tinuran
na patawa halos: “Nagkataon lamang!”

Nang gabing sumunod naman ay namatay
ang lubhang matapat na puno-ng-bantay
na agad sinundan nang gabing sumunod
ng punong-tagapayong sa dunong ay ubod!

Ay, noon pa lamang pinaniwalaan
ng kaniyang ama na tunay si Kiram;
kaya agad-agad ay kanyang tinawag
ang kanyang konsehong takot at bagabag.

Ang pulong na yaon ay halos maghapon
ngunit wala silang nabuong solusyon;
gayon nga marahil pagkat batid nilang
di nila katapat si Prinsipe Kiram.

ANG PROBLEMANG yaon noong nakarating
sa dalawang kabig na ubod ng giting,
kahit magkaribal sa puso ng dilag
ay sanib-pwersa’t nagkasundo agad.

Dahil hindi alam ang panggagalingan
ng karibal nilang engkantong tikbalang,
sila ay nagpasyang ang tribo’y kubkubin
ng bakod na lupang bundok ang kaparis.

Bago nga sumapit ang pampitong gabi,
na takdang pagbabalik ng dayong prinsipe,
ang lugar ay nagtila isang munting lungsod
na napalibutan ng bakod na bundok!

KINABUKASAN ay dalawang balita
ang bombang sumabog sa Tribo Sirmata:
ang isa’y mabuti, ang isa’y masama.
(Dapat bang umiyak o dapat magsaya?)

Ang mabuting balita ay buhay ang datu
ngunit ang masaklap, kay sakit na todo—
patay na ang dilag noong nasumpungan
sa kanyang maringal na silid-tulugan.

Bagamat naiwan katawang pisikal
tagumpay si Kiram na kunin ang mahal;
naiuwi niya yaong espiritu
ni Susanang kanyang pinakapipintuho!

SA TABI ng bangkay ng babaeng liyag
sina Guido’t Dante ay nagpatiwakal;
ang sari-sarili’y kanilang sinaksak
ng kani-kanilang kay tulis na punyal.

Gaya ng kanilang madalas sabihin
noon kay Susana: Buhay ay aanhin
kung di rin kasama at hindi kapiling
ang dilag na tibok ng puso’t damdamin.

Sa iisang dako’y sabay nang ilibing
ang tatlong binuklod minsan ng pag-ibig;
panggitna ang dilag, sang-ayon sa hiling
nina Guido’t Danteng matapat niyang kabig.

MATULING lumipas ang ilang panahon…
isa, dalawa, tatlo’t kay rami pang taon,
ano’t isang araw ay nagisnan na lang
ang himalang yaon sa pinaglibingan.

Sa lugar ay mayrong tumubong pahaba
na isang kay taas na bundok na lupa;
sa himpapawid, kung tingnang pababa
ang dako’y hinati nito sa dalawa.

Sa kadakilaan ng napakawagas
na pagmamahalang doon ay namalas
ang lugar na iyong lubhang maalamat
ay pinangalanang Barangay SUGUIDAN.

Ito ay hinango mula sa umpisa
ng ngalan nina SUsana, GUIdo at DANte;
ang tumubong bundok sa pinaglibingan
ay mayron din namang ginampanang parte.

Noong ang Suguida’y hatiin sa dal’wa
baryo Suguidan Sur at Suguidan Norte;
ang bundok na yaong balot ng hiwaga
ang siyang nagsilbing kanilang boundary!