William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Saturday, July 30, 2011

Simmimbaan A Bato

Ako si Lamtang, dakilang mandirigmang Ilokano. Bunga ako ng pagmamahalan nina Helen, isang mortal; at Gabriel, isang anghel.
Maliban sa taglay na pambihirang kariktan, nakilala rin si Helen sa apat na sulok ng daigdig dahil sa kanyang mga dakilang akda. Isa siyang bantog na manunulat noong kanyang panahon. Ang mga ito at maraming iba pa ang dahilan kung bakit inibig siya ni Gabriel, ang tumatayong lider ng pitong heneral ni Apo Kampilan, ang bathala ng digmaan.
Noong ipagbuntis ako, sa mungkahi ng aking ama’y pansamantalang inihinto ni Ina ang pagsusulat. Makakapagod daw iyon sa isip niya. At iyon ay hindi makabubuti para sa akin.
Pagbabasa ang ipinalit na libangan ni Ina. Sa lahat, naging paborito niya ang “Biag Ni Lam-ang”. Ito ay epikong Iloko na ang bida, si Lam-ang, ay isang napakalakas at napakatapang na lalaki. Sa kanyang pagdarasal, madalas daw noong hilingin ni Ina sa mga bathala na sakaling lalaki ang dinadala ay maging katulad ni Lam-ang.
Lalaki ang isinilang ni Helen, ako iyon. Kung bakit ako pinangalanang Lamtang, halos kapareho ng Lam-ang, ay hindi na isang bagong kuwento. Gayon kalalim ang pagiging fan niya kay Lam-ang.
Ang mga unang taon ko ay hindi naiba sa mga unang taon ng mga karaniwang bata. Dumudo, ipinaghele, tinuruang magsalita at maglakad. Binigo kaya ng mga bathala ang kahilingan ni Ina na ako’y maging katulad ni Lam-ang?
Tatlong taong gulang ako nang magpakita sa akin si Ama sa unang pagkakataon. Magtatanghali noon, abala na sa kusina ang mga tagapagluto. Naglalaro ako sa salas ng palasyo samantalang si Ina ay nagsusulat sa kanyang silid. Kung hindi lamang ikinukwento sa akin ni Ina si Ama, tatakbuhan at pagtataguan ko siya sa tagpong iyon. Paano, nagmukha akong napakaaba sa napakaringal nitong kasuotan. Nakasisilaw ang busilak niyang kaputian.
“Anak ko…” sabi niyang habang lumalapit ay ibinubukas ang dalawang kamay upang ako’y yakapin.
Lukso ng dugo, patakbong sinalubong ko ang yakap ni Ama.
Kinarga ako. Pinisil-pisil ang aking ilong. At habang hinahagka-hagkan ay ginugulo ang aking mga buhok. Matangkad si Ama sa lahat ng lalaking nakita ko na. Matigas ang kanyang mga masel. Napakakisig niyang lalaki.
Matapos ang ilang sandali, ibinaba ako. Pinaluhod sa kanyang harap. Igagawad daw niya ang kanyang basbas na sana’y ginawa niya noon pang pagkasilang na pagkasilang sa akin. Matapos ipatong sa aking ulo ang kanyang kanang palad, anito: “Lamtang, anak ka Ni Gabriel. Nananalaytay sa iyong mga ugat ang dugong magiting ng iyong amang kawal. Nakaguhit sa iyong mga palad ang kadakilaan.”
Yugyog ni Ina ang gumising sa akin. Nakatulog pala ako matapos akong basbasan ni Ama. Sa hapag-kainan, sa pagitan ng aking mga subo, ikinuwento ko ang pagdalaw ni Ama.
Ilang buwan pagkatapos noon, isang kalatas mula sa dalawang hari ng nagsanib na kaharian sa hilaga ang tinanggap ng lolo kong hari. Ang sinasabi, bibigyan kami ng tatlong araw upang isuko sa kanila ang kaharian. Kung magmamatigas, sa ikaapat na araw ay didigmain kami. Sa dami at husay ng kanilang mga kawal, kaya raw kaming pulbusin sa loob lamang ng kalahating araw.
Hindi nagpasindak ang aming kaharian. Payapa kami kung sa payapa. Ngunit kung para sa kaharian, digma kung digma. Handa kaming magbuwis ng buhay. Gumayak kami para sa digmaan. Bago tumulak ang aming hukbo noong bukangliwayway ng ikaapat na araw, nagawa kong makapagtago sa isa sa mga karitong naglalaman ng mga panustos na dadalhin sa digmaan.
Matapos ang kung ilang oras na paglalakabay, huminto kami. Sa ginawa kong butas ng kariton, nakita ko ang nakagigimbal na bilang ng kaaway. Mahigit tatlong doble kumpara sa aming bilang! Muli, sa pamamagitan ng isang mensahero’y inalok kaming sumuko. Sa harap ng tiyak na kamatayan, makabubuting piliin na lamang daw naming maging alipin!
Ang gayong pagyurak sa aming kaharian ay kalabisan na. Mala sa aking pinagtatagua’y lumabas ako at sumigaw na ang wika’y: “Ako si Lamtang, anak ni Gabriel. Sa aking mga palad, wawakasan ko ang inyong kayabangan. Bumalik ka sa iyong mga kasama at humanda kayo para sa inyong kamatayan!”
Ang lahat ay nagiklahanan sa aking biglang paglitaw. Ano ang ginagawa ng isang tatlong taong gulang na paslit sa gitna ng napakalaking digmaan? Alam kong hindi ako pahihiramin ng kabayo, kalasag at espada. Lalong tiyak, hindi ako hahayaang humayong mag-isa upang makipagdigma sa aming mga kaaway.
Hindi ko alam kung paano ko ito nagawa. Pero napatulog ko ang isa naming heneral sa pamamagitan lamang ng mahinang tapik sa kanyang batok pagsampa ko sa sinasakyan niyang kabayo. Presto, may kabayo, kalasag at espada na ako!
Noong bahagyang makalayo sa karamihan, binilinan ko ang aking mga kasama na lumilim muna sa mga punung-kahoy. Mataas na noon ang araw. Sabi ko pa, manood na lamang sila dahil ako na ang bahala.
Sa aba ng aming mga kalaban! Sa aking sasandaling paglusob, tatlumpo sa apatnapung heneral nila ang agad kong naitumba maliban pa sa kung ilang libong kawal ng kanilang unang hanay. Noong sa tantya ko ay kalahati na lamang mula sa dati nilang bilang ang natitira, binigyan ko sila ng tatlong pagpipilian. Una, iyong gusto nang mamahinga, sumugod sa akin at harapin ang kamatayan. Ikalawa, iyong gustong kumampi sa amin, pumaroon sa aking mga kasama. At ikatlo, iyong gustong bumalik sa kanilang kaharian, malayang makakabalik upang doo’y harapin ang kahihiyang inabot sa kamay ng tatlong taong gulang na batang ito. Wala pa yata sa sandaan ang bumalik sa kalabang kaharian.
Nagpahuli ako sa pag-uwi. Sa lugar na iyon, isang munting dambana ang aking itinayo para kay Apo Kampilan. Pinasalamatan ko siya pati ang aking ama sa pagkakaloob sa akin ng liksing matulin pa kaysa kidlat at ng lakas na katumbas ng sampung pandigmang kabayo.
Iyon na ang simula ng pagbabago ng takbo ng buhay ko. Bigla, nahigtan ko pa ang kabantugan ng hari. Mula sa mga bata hanggang sa mga matatanda, naging bukambibig ang pangalan kong Lamtang.
Ito at tatlong kasunod pang higit na malalaking digmaan ang naipanalo ko para sa kaharian. Sanhi ng mga ito, sa bisa ng isang proklamasyong ipinalabas ng konseho na pinagtibay ng hari, naging heneral ako sa gulang na siyam.
Ngunit nakalulungkot na pagtuntong ko sa edad na labing-dalawa ay naging sakitin na ang hari. Lubhang matanda na palibhasa. Sa isa sa mga pagpupulong ng mga ministro at ng hari, napagkasunduang hahalilian na ang hari ng isa sa kanyang mga apo bago matapos ang taon. Dapat malaman ng mga bumabasa na walang anak na lalaki ang hari. Parehong babae ang dalawa nitong anak, sina Prinsesa Ditas at Prinsesa Helen.
Sa kalakaran, kung sino ang mas matanda sa mga pagpipilian, siya ang hahalili. Matanda ng sampung taon sa akin si Prinsipe Al-laweng, panganay ni Prinsesa Ditas, ngunit dahil maski sa kanyang sarili ay wala pa itong napapatunayan, sa botohang ginanap ay ako ang napili.
Alam kong gagawa ito ng hidwaan sa pagitan namin ng pinsan kong prinsipe. Gumawa ako ng mga paraan upang kami’y magkasarilinan pero naging mailap na siya sa akin. Lagi itong wala sa kanyang tanggapan kapag dinadalaw ko. Tuwina’y hindi rin niya sinisipot ang aking paanyaya. Upang huwag magkasira sa aming angkan, kung hihilingin niya’y ibibigay ko sana ang trono basta mangangakong mamamahalang patas at may katalinuhan.
May masamang binabalak sa akin si Prinsipe Al-laweng, alam ko, kaya ginawa ko ang lahat ng uri ng pag-iingat. Pero isang gabing himbing ako, hindi ko inaasahan kaya hindi ko napaghandaan ang hakbang ng kaaway. Isang upahang kriminal ang nagbalatkayong ang ina kong si Helen. Nagtagumpay ito na maitarak sa aking dibdib ang isang punyal na ibinabad sa napakabagsik na lason.
Namatay ako noon din. Ngunit sa kagustuhang makamtan ang hustisya, pinakiusapan ko si Ama na samahan akong makisuyo sa mga bathala upang bigyan ng kahit kaunting extension ang buhay ko sa lupa. Sa bulwagan ng mga bathala, nagsara kami sa usapang basta agad akong babalik sa mundo ng mga immortal pagkatapos kong malaman ang utak ng aking kamatayan.
Nagluluksang kaharian ang nagisnan ko pagbalik sa lupa. Sa tulong ng isang mammuyon (manghuhula) na isinama namin mula pa sa kaharian sa likod ng araw, natunton ang upahang kriminal. Sa harap ng taong bayan, sinabi nitong tinakot siya at binayaran ni Prinsipe Al-laweng upang ako’y paslangin.
Oras na ng aking pag-alis. Tinungo ko sa kanyang silid ang aking nagdadalamhating ina upang magpaalam. Niyakap at hinagkan ko siya sa kahuli-huliang pagkakataon.
Sa mga bathala, sa aking kahilinga’y naiwan sa lupa ang aking katawang pisikal. Inilagak iyon sa isang musoleo na nag-exist sa pamamagitan ng makapangyarihang salita ni Anghel Gabriel. Ang espiritu ko na lamang ang nagbalik sa mundo ng mga immortal kasama ni Ama.
At si Prinsipe Al-laweng? Sa binitiwang sumpa ni Ama, siya’y mananatiling tanod ng aking musoleo sa habampanahon. Hanggang ngayon, nakikita pa rin daw siya roon. Minsan, sa anyo ng isang alupihang sinlapad ng banig. Minsan, sa anyo ng isang dalawampung metrong sawa na sintaba ng dram.
Kung mapapadpad kayo sa Suguidan, ipagtanong ninyo sa mga tagaroon kung nasaan ang Simmimbaan A Bato (Simbahang Bato). Sa dakong altar niyon, sa loob ng isang kuwadradong malaking tipak ng bato, naroon ako.
Ang Simbahang Bato ang aking musoleo!
***Una nang nalathala sa Liwayway Magazine