William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Sunday, August 1, 2010

Pambansang Kumperensiya sa Pagpapayaman ng Wikang Filipino at Sawikaan 2010 Salita ng Taon

Matagumpay na naidaos ang Pambansang Kumperensiya sa Pagpapayaman ng Wikang Filipino at Sawikaan 2010 Salita ng Taon noong Hulyo 29-30, 2010 sa Pulungang Recto, Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura sa UP Diliman. Ang kumperensiya na dinaluhan ng mga guro sa Filipino sa buong bansa ay itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc., UP Sentro ng Wikang Filipino—Diliman, Anvil Publishing, Inc. at Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP Diliman.
Pagkatapos awitin ang Pambansang Awit noong unang araw, Hulyo 29, ang kumperensiya ay pormal na binuksan sa pamamagitan ng Panimulang Pagbati mula kay Prop. Romulo P. Baquiran, Jr., Tagapamahalang Direktor ng FIT, Inc. at talumpati Tungkol sa Kumperensiya ni G. Roberto T. Añonuevo, Direktor ng Kumperensiya. Nakakaantig ng damdamin ang huling tinuran ni G. Añonuevo sa kanyang talumpati: “Mapalad tayo na mayroon na tayong pangulo na handang makipag-usap sa atin sa Filipino.”
Alas-nueve ng umaga nang simulan ang unang forum na may paksang Panayam Hinggil sa Pagpapayaman sa Wikang Filipino. Ang naging Tagapanayam ay si Dr. Zeus A. Salazar, ang kinikilalang Ama ng Makabagong Historiograpiyang Pilipino.
Ang ikalawang bahagi ng forum ay hinggil sa Mga Puwersang Humuhubog sa Makabagong Filipino. Tinalakay ni Dr. Jaime D. L. Caro, Unang Tagapanayam, ang tungkol sa Teknolohiya. Samantala, Wika ng mga Bakla ang tinalakay naman ni Prop. Jesus Federico Hernandez, Ikalawang Tagapanayam.
Alas-tres ng hapon, sumapit sa wakas ang pinakatampok na bahagi ng palatuntunan. Tumayo sa harap ng madla si Dr. Isagani Cruz, Kritiko, upang ipakilala ang Binagong Edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino na ang Punong Editor ay si Dr. Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining. Ang Binagong Edisyon ay limbag ng UP Sentro ng Wikang Filipino—Diliman at Anvil Publishing, Inc.
Bago ang Paghahandog ng mga Kopya sa patnugutan at sa ilang piling tanggapan at aklatan ay nagbigay muna ng talumpati si Dr. Almario. Ang kanyang talumpati ay may paksang Magdiksiyonaryo Ay Di Biro.
Sina Dr. Michael M. Coroza at Prop. Romulo P. Baquiran, Jr., umaga at hapon ayon sa pagkakasunod, ang naging Tagapamagitan sa unang araw ng kumperensiya. Ang unang araw ay tinapos sa pamamagitan ng isang masaya at masaganang salusalo.
Noong ikalawang araw, Hulyo 30, ay presentasyon ng mga nominadong salita. Pormal itong binuksan sa pamamagitan ng talumpati-Paliwanag sa Salita ng Taon na ibinigay ni G. Añonuevo.
Ang mga nominado para sa Sawikaan 2010 Salita ng Taon, kasama ng mga tagapagsulong, ay ang mga sumusunod:
 LOAD nina Christine Marie Magpile at Geraldine Uy-Escolar
 TARPO ni Jelson Estrella Capilos
 AMPATUAN ni Vladimeir Gonzales
 EMO ni Anna Marielle Dy
 ONDOY ni Jayson Petras
 NAMUMUTBOL ni Joselito delos Reyes
 JEJEMON ni Dr. Rolando B. Tolentino
 SPAM ni Genaro Gojo Cruz
 SOLB ni John Enrico Torralba
 UNLI ni April Perez
 KORKOR ni Schedar Jocson
Bawat nomindong salita ay ipinagtanggol ng kanyang tagapagsulong sa loob ng 20 minuto.
Ang nagwaging Salita ng Taon ay ang JEJEMON ni Dr. Rolando B. Tolentino;
pumangalawa ang ONDOY ni Jayson Petras; at tabla sa ikatlong puwesto ang TARPO ni Jelson Estrella Capilos at KORKOR ni Schedar Jocson.
Ang mga tagapagtaguyod ng mga nagwaging salita ay nag-uwi ng gantimpalang salapi at pagkilala.
Tinapos ang dalawang araw na kumperensiya sa pamamagitan ng Pangwakas na Pananalita ni Dr. Elena R. Mirano, ang dekana ng Kolehiyo ng Arte at Literatura.
Si Prop. Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera, Jr. ang naging Guro ng Palatuntunan sa ikalawang araw.