William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Sunday, August 8, 2010

ANG MANGKUKULAM

KAIIBIS namin ni PO1 Marcelo Alcantara sa Pamilihang Bayan ng Naguilian buhat sa sinakyang traysikel nang marinig ang pagtitili ng isang ale. Isang kabataang lalaki ang itinuturo nito. Hinablot daw ng naturang kabataan ang kanyang bag.
Hindi man naka-duty, at kahit hindi siguro mga alagad ng batas, gagawin at gagawin namin ni Selong, tawag ko kay PO1 Alcantara, ang aming ginawa. Hinabol namin ang lalaki. Kaso, sa isang likuan sa hanay ng mga stall ng dry goods ay isang seksi at napakagandang dalaga ang sa kasamaang-palad ay nabunggo ni Selong. Kaya ako na lamang ang humabol sa isnatser na nakorner ko rin sa hindi kalayuan.
Naibalik sa ale (na siya palang proprietress ng Villaruz Grocery, ang pinakamalaking groserya sa bayan) ang bag na ang laman ay mahigit sa isandaang libong piso at ilang mahahalagang dokumento. Bilang gantimpala sa aking kabayanihan, sampung lilibuin ang ipinilit nitong tanggapin ko ngunit magalang kong tinanggihan. Sabi ko, “Sapat na po sa akin ang sinasahud kong nagmumula sa mga binabayaran n’yong tax. Maraming salamat na lamang po.”
Pero sadyang makulit ang ale. Sumama ito nang magtungo ako sa district hospital kung saan isinugod ni Selong ang nabunggong dalaga. Pumutok daw kasi ang ulo niyon. Nawalan ng malay.
Seryoso ang ale. Sinagot niya lahat ang gastos sa ospital. At nang talagang hindi maipilit ang pabuyang sampu’y libo’y isang gift check na lamang na nagkakahalaga ng limang libong piso ang iniwan nito para sa wala pa ring malay na dalaga. Danyos-perwisyo, aniya, sa kaabalahang naidulot ng insedente.
Hapon na, bandang alas-kuwatro, nang payagan ng ospital na ilabas namin ang dalaga na nalaman naming Sinamar ang pangalan. Nagpakatanggi-tanggi ito sa alok ni Selong na ihatid namin sa kanila pero nanaig ang gusto ng huli.
Nakumpirma namin mula sa mga tsuper ng traysikel sa labas ng ospital na totoo ang kanyang mga alibi. Napakalayo. Lubak-lubak. At nakakatakot sa Sinurong-baka, ang pinakaliblib na sitio ng Suguidan Sur, kung saan nakatira si Sinamar. Sa halagang tatlundaang piso’y nakakuha kami sa wakas ng masasakyan matapos kaming tanggihan ng kung ilang tsuper sa unang alok na dalawandaang pisong arkila.
Matapos bumaba sa dulo ng kalsada’y mahigit isang oras pa kaming naglakad bago narating ang kubo ni Sinamar na mag-isang nakatayo sa halos pinakatuktok nang bahagi bundok. Kubo iyon sa tunay na kahulugan ng kubo. Pawid ang bubong, sawaling kawayan ang dinding. Ang salas ay siya na ring kuwarto at kusina. Maliban sa nakasugang native na baboy malapit sa batalan, wala na kaming ibang naratnan doon.
Maraming katanungan ang gusto ko sanang itanong sa dalaga ngunit pinili kong sa isip ko na lamang ang mga iyon. Bakit mag-isa lamang niya roon? Nasaan ang kanyang mga kapamilya? Kung ibabase sa kanyang mukha, humigit kumulang ay biente anyos lamang niya. Napakadelikado at nakapagtataka sa isang katulad niya ang mag-isang tumira roon!
Matapos ang kung ilang pasimpleng pagsiko kay Selong sabay turo ng aking wrist watch (magkatabi kami sa isang mahabang bangko), sa wakas ay naalala ring hindi kami taga-roon. Isiningit nito ang pamamaalam matapos ang ilan pang magiliw na pangungusap. Pagkalabas ng kubo’y ano’t nagbitiw pa ng pangakong babalik kami kinabukasan ng gabi upang kumustahin ang lagay ng dalaga.
Iba ang naging basa ko sa ngiti ni Sinamar noong kumaway ito bilang ganti sa kaway ni Selong.
Pabalik sa baya’y inabot kami ng gabi sa daan. Mabuti na lamang at kabilugan noon ng buwan. Kung hindi, nagkaligaw-ligaw kaming tiyak! Sa malayo, buhat sa magkakalayong mga bahay na pawang gasera lamang ang tumatanglaw ay dinig namin ang walang katapusang alulong ng mga aso.
Mga dalawandaang metro bago ng kalsada’y isang matandang pag-asawahan ang aming nasalubong. Nakasakay ang lalaki sa kalabaw, sa pasagad (kariton) namang hinihila ng hayop ang babae. Nang magkatapat, pinahinto ng lalaki ang kalabaw. Nakisindi ito ng tabako mula sa sigarilyo ni Selong.
Palitan ng kung ilang tanong pagkatapos. Sa liwanag ng buwa’y hindi nailingid ng matatanda ang lumarawang takot sa kani-kanilang mukha pagkarinig ng pangalang Sinamar. Binalaan kaming habang maaga ay lumayo sa kanya para sa aming kaligtasan.
“Mangkukulam ang babaeng ‘yon,” may panginginig sa boses ng matandang lalaki. “Iyon nang mukha niyang iyon ang namulatan ko. Aba’y halos sietenta na ako, huh! Pero siya, nanatiling bata.”
“Maitanong ko lang, mga amang,” sabad ng matandang babae. “Kayo ba’y hindi taga-Naguilian at hindi n’yo alam ang kuwentong iyan ukol dito sa Sinurong-baka?”
Ako ang sumagot. “Taga-La Union din po kami ngunit hindi tagarito sa Naguilian. Mga pulis ho kami at bagong destino rito sa inyong bayan. Tatlong araw pa lamang po namin dito.”
NASA duty kinabukasan ay si Sinamar ang nasa isip ni Selong. Bumili siya ng mga prutas at isang bouquet ng rosas para sa dalaga.
Pagkahapunan, sinabihan akong maghanda dahil sasamahan ko kay Sinamar. Pagkabihis, hinanap ko at nilagyan ng mga bagong baterya ang aking Swiss flashlight. Pinuno ng bala ang aking service fire arm. Panghuli, isinuot ko ang rosary na bigay sa akin ni Ingrid, ang girlfriend ko.
Wala pang alas-siyete y media ay humaharurot na ang aming mga motorsiklo sa mga pilapil at mga kasukalan ng Sinurong-baka. Paakyat sa bundok, kung saan hindi na talaga puwede maski ang uri ng mga behikulong dala nami’y humanap kami ng bahay na pinag-iwanan ng mga iyon. Mula roon, mahigit isang kilometrong paakyat pa ang aming nilakad.
Malugod kaming pinapasok ng bagom-paligong dalaga sa kanyang kubo. (Pambihira, may mangkukulam bang ganito kaganda?) Isang itim na kandila, hindi gasera, ang tumatanglaw sa loob niyon.
Naghanap ako ng iba pang mga palatandaan.
Naghilom kaya agad? O hindi lang sapat ang liwanag ng kandila upang makita ko sa kanyang mukha ang bakas ng insedenteng nagdaan? Kahapon kasi ay may malaking bukol sa kanang pisngi niya. Isa iyon sa mga napuruhan, nalamog nang husto, nang tumalsik siya sanhi ng pagkabunggo ni Selong. Kung sa normal na tao, kukulangin ang isang linggo bago iyon gumaling.
Nagtama ang mga mata namin ni Sinamar.
Nakaintindi sa panay na pagsiko ni Selong, nagpaalam akong magpahangin sa labas. Kumidlat at kumulog. Pero teka, iba yata ang lamig ng hanging sumalubong sa akin pagkalabas ng pinto.
Dyuminggel ako malapit sa may batalan. Napansin ko, wala roon ang nakasugang native na baboy. Dinukot ko mula sa aking bulsa ang flashlight. Santisima, ayaw umilaw! Naintindihan ko ang pahiwatig ng hangin. Inilabas ko at ikinasa ang aking baril.
Masayang-masaya si Selong noong umuwi kami nang gabing iyon. Paano, sinagot na raw siya ng dalaga! Kaya sa mga sumunod na gabi ay siya na lamang ang nagpupunta sa Sinurong-baka.
Isang linggo pagkatapos, umaga pa lamang ay inabisuhan na ako ni Selong na samahan ko kay Sinamar kinagabihan. Andun na kami, kaharap na si Sinamar, nang malaman kong pamamanhikan na pala iyon. ( Kambal kami ni Selong pero ako ang unang ipinanganak. Gayong tutol sa mga pangyayari’y aywan ko kung bakit nila ako napapayag. Alam ko, kawalang paggalang iyon sa panig ng mga mapagmahal naming magulang na buhay pa naman. Gayong wala nang anak na papag-aralin, kami lamang ni Selong ang kanilang supling, kapwa pa rin sila kumakayod sa abrud para sa kinabukasan namin.)
Ang suma-total ng mga napagkasunduan? Una, sa sibil ang kasal. Ikalawa, isekreto. Apat lamang kaming dapat na makaalam; ako, ang mag-nobyo at ang elder na mangangasiwa, na si Sinamar na ang bahala. Ikatlo, aalis sa serbisyo si Selong. Ikaapat at panghuli, sa kubo ng nobya sa Sinurong-baka titira ang mag-asawa pagkatapos ng kasal.
Pauwi, pababa sa bundok ay isang trahedya ang nangyari. Natuklaw ng karasaen (isang uri ng makamandag na ahas) si Selong. Nakuha pa nitong bunutin ang baril at paputukan ang ahas ngunit ilang sandali lamang ay nauna pa itong nalagutan ng hininga kaysa sa serpente.
Tili ni Sinamar, na agad palang humabol pagkarinig ng mga putok ng baril, ang sunod na pumunit sa banal na katahimikan ng gabi. Sa kanyang napakataimtim at walang kasimpait na paghagulgol habang yakap ang nakahandusay na bangkay ng aking kakambal ay minsanang napawi ang lahat ng alinlangan ko sa kanya. Ibinalik namin sa kanyang kubo si Selong.
Doon, paghupa ng kanyang damdamin ay hinarap akong parang napaaawa. “Tapatin mo ako, Marshall. Iyong totoo, ano raw ako ayon sa mga tao sa aking paligid?”
Parang may biglang bumara sa aking lalamunan. “Isa ka raw mangkukulam!?”
“Naniniwala ka ba sa kanila?”
Iba ang isinagot ko. “Inibig ka ng aking kakambal sa kabila ng babala nilang dapat ka naming layuan. Naniniwala akong iniibig mo rin ang aking kakambal. Tama ba ako?”
Isang salamin ang iniabot niya sa akin. “Tingnan mo riyan ang aking repleksyon. Ano ang nakikita mo?”
Nakakikilabot na anyo ni Sinamar ang aking natunghan. Kumurap-kurap ako. Gusto kong magsalita, sagutin ang tanong niya, ngunit ayaw bumukas at gumalaw ng mga labi ko. Sa malayo, lumakas lalo ang alulong ng mga aso.
“Nagsasabi sila ng totoo. Isa nga akong mangkukulam. At oo, tama ka rin, ngayon lamang ako umibig ng ganito sa loob ng halos limandaang taon. Huwag kang mag-alala, bubuhayin ko si Selong. O paano, gabi na at may duty pa kayo bukas. Maiiwan dito si Selong ngunit siya ang gigising sa iyo bukas. Ihahatid ka ng aking alaga.”
Sumipol si Sinamar. Sa isang iglap, naroon na sa labas ng pintuan ang native na baboy. Sumipol uli ang dalaga at ang native na baboy ay nagsa-itim na kabayong sintaas ng sa pangarera. Bago lumabas, pinuntahan ko sa kanyang kinahihigaan si Selong. Matigas na siya.
“Malilimot lahat ni Selong ang mga nangyari ngayong gabi. Pakiusap, sa atin na lamang ang mga ito.”
Tumango ako. “Pangako.” Sumampa ako sa kabayo.
BOSES nga ni Selong kasabay ng sunud-sunod na katok sa pinto ang gumising sa akin kinabukasan. Mali-late na raw kami sa oras ng aming duty kapag hindi pa ako bumangon agad.
Maraming nangyaring kakaiba nang araw na iyon. Mag-a-alas-dies ay pila sa presinto ang tsuper na diumano’y kinutongan ni Selong. Iyong hindi nagbigay, kung hindi putok ang nguso ay may black-eye.
Bandang hapon, isang restoran ang itinawag na nilolooban. Isa ang kakambal ko sa mga rumesponde. Noong nakorner ang mga salarin, dalawa sila, ano’t basta na lamang sila pinagbabaril ni Selong! Dead on the spot ang dalawa.
Pinakagrabe ang nangyari kinagabihang dalawin namin si Sinamar. Gusto ni Selong na katalikin ang nobya sa harap ko. Nang sawayin, walang pangiming pinaputukan ako. Sa unang putok, kung hindi nakailag ay sapol ako sa puso. Kaliwang braso ko ang tinamaan, bali ang buto roon. Isa pang putok at kanang binti ko naman ang nasapol.
Humandusay ako.
Pinagbubugbog niya ang nobya pagkatapos. Nang hindi na makagalaw, hinubdan niya. Nakaibabaw ay malakas ang ungol ni Selong. Si Sinamar, lumuluha ay umuusal ng isang dasal na tanging “izrahm…kabraahm at amanahm…” lamang ang malinaw kong naintindihan.
Ilang sandali pa’y biglang napuno ng napakaitim na usok ang kubo. Noong maglaho ang usok, himalang naglaho rin lahat ang iniwang bakas ng mga nangyari. Hilom na ang mga tama ko. Si Selong, na nakadamit na, ay mahimbing na natutulog. Samantalang ang nakadamit na ring si Sinamar ay may kung anu-anong mga kemikal na pinaghahalu-halo sa isang itim na kopa.
Matapos dasalan ang kopa ng lenggwaheng noon ko lamang narinig, bumaling ito sa akin. Luhaan. “Patawad sa lahat ng kaguluhang naidulot ko sa inyong magkapatid. Sa ikalawang pagkakataon, pagtulungan nating ibalik ang lahat sa dati. Magtiwala ka, magtatagumpay tayo ngayon.”
Tatlong maliliit na itim ding kopa ang sinalinan nito ng likidong mula sa malaking itim na kopa. Kinuha niya ang isa. “Tulungan mo akong maipainom ito kay Selong,” anito. Pagkatapos, pinagtig-isahan namin ang dalawang natira.
Sa bibig ay napakatamis ng likido, higit pang matamis kaysa pulot. Pero sa tiyan, ang tama niyo’y higit pang mabagsik kaysa alinmang alak na natikman ko na. Hinalukay niyon ang aking sikmura.
Humingi siya ng tatlong bala. Pagkaabot ay inihulog ang mga iyon sa malaking kopa. Inalug-alog. Dinasalan. Saka ibinalik at muling ipinakarga sa aking baril.
“Magtiwala ka, magtatagumpay tayo ngayon. Babalik tayo sa nakaraan, noong nabunggo ako ni Selong sa palengke. Pero sa halip ay nasa anyo ako ng isang matanda. Babalik ang lahat sa dati kapalit ng kabataan ko at kagandahan. Sa ating tatlo, ikaw lamang ang makakaalaala sa mga nangyari sa pagitan natin. Muli, patawad!”
Hiningi niya sa akin ang baril. Itinapat ang bunganga niyon sa kanyang puso. “Paano, mauuna na ako. Ganito rin ang gawin mo kay Selong at sa iyong sarili.”
Pumikit ako.
Bang!
Pinulot ko ang baril. Nilapitan si Selong. Itinutok ko ang bunganga niyon sa tapat ng kanyang puso. “Para sa ikabubuti, ‘Tol.” Kinalabit ko ang gatilyo. Ibinuga niyon ang pangalawang bala.
At ako na. Lalo pang guminaw dahil mag-uumaga na noon pero tagaktak ang pawis ko. Isa… dalawa… tatlo.
Bang!
PAMILYAR sa akin ang tagpong iyon pagmulat ko ng mga mata. Kaiibis namin ni PO1 Marcelo Alcantara buhat sa traysikel nang isang ginang ang nagsisisigaw dahil tinangay ng kabataang lalaki ang kanyang bag. Hinabol namin ang isnatser. Sa kasamaang-palad, sa isang likuan ay isang matandang taong-grasa ang nabunggo ng kakambal ko. Tumalsik ang matanda. Nahuli ko ang isnatser at naibalik sa ale ang kanyang bag.
Kaso sa ospital, noong puntahan namin sa kanyang silid ang matanda ay wala na ito. Hinanap namin ngunit talagang naglahong parang bula.
Palabas kami ng ospital nang isang bagum-bagong SUV ang huminto sa harap namin. Sundo iyon ng mayamang ale. Ang driver ay ang dalaga nitong anak, edad biente, humigit-kumulang. At hawig na hawig ni Sinamar.
Pabalik sa bayan, sa loob ng sasakyan ay kung ilang beses kong siniko si Selong. Paano, hindi niya masagut-sagot nang maayos ang mga tanong ng ale. Nakapagkit ba naman ang mga mata sa nagmamanehong dalaga!


(Una nang nalathala sa Liwayway Magazine)

No comments: