William Padilla Nucasa

Naguilian, La Union

Sunday, August 8, 2010

Ang mga Kahiwagaan sa Ubbog, Suguidan Norte

Isa sa mga dahilan kung bakit pinakatanyag sa 37 mga baranggay ng Naguilian, La Union ang aming baranggay, ang Suguidan Norte, ay dahil sa mga kababalaghang nangyari at patuloy na nangyayari rito. Marami, hindi lamang iisa, ang misteryong bumabalot sa lugar na magpahanggang ngayo’y hindi maipaliwanag.
Matagal na ring nararating ng siyensya ang aming baranggay. Naka-wireless broadband na ang ilang kabahayan dito. Marami na rin sa mga propesyonal at sa mga kabataan ang nag-aangkin kahit ng pinakabagong modelo ng cell phone. Gayon man, sa kabila nito, nakagapos pa rin ang baranggay sa paniniwala sa mga kahiwagaan at kaengkantuhan. Katunayan, pinagkakatakutan pa rin hanggang ngayon ang isang lugar dito na nagisnan naming tinatawag na Ubbog. Malapit lamang ito sa amin, mga tatlundaang metro, dakong silangan ng aming antigong bahay.
Ang lugar ay paanan ng isang napakasukal na kabundukang kinatitirikan ng pagkatataas na mga punongkahoy. Sa gawing hilaga nito, walang isang kilometro ang layo, naroon ang maalamat na Simmimbaan A Bato (Simbahang Bato). Tinawag iyong gayon ayon sa literal nitong kahulugan. Isang kuweba, totoong sinluwang ng simbahan ang loob, na bundok na bato. Naikuwento ko na sa Mga Kuwentong Pambata ng Magasing Liwayway ang tungkol dito. Kinailangan kong banggitin uli ito ngayon upang kahit papaano’y mailarawan ko sa inyong imahinasyon ang tagpuan ng kuwentong ito.
Ang ubbog ay terminong iloko na nangangahulugang bukal. Tunay, isang masaganang bukal ang naroon sa Ubbog. Magpahanggang-ngayo’y nakakapag-second crop ang mga magsasakang may-ari ng mga lupang malapit doon.
Anu-ano ang mga kahiwagaang nasaksihan ng aming baranggay sa Ubbog?
KAPAPASOK pa lamang noon ng ikalabing-siyam na siglo. Pauwi sa kanilang bahay, suson ang isang banga ng tubig na inigib mula sa Ubbog, bigla raw may lumagapak sa harapan ng tita Banang ng aking lola. Nang tingnan ng lola Banang niya kung ano iyon, isang maliit na libro, malaki lamang nang kaunti sa bahay ng posporo, ang kanyang nakita. Sa bahay, nang kanya itong usisain, nalaman niyang ang laman niyon ay mga dakilang karunungan sa mundo.
Ang tita Banang ni Lola ay naging manggagamot ng mga nasusugatang kawal-Pilinino noong kanyang panahon. Maraming buhay ng mga walang pangalang bayani ng ating kasaysayan ang kanyang nailigtas. Sabi ng tita Banang, ipamamana niya kay lola ang libro. Ngunit dahil hindi niya kasama si Lola nang siya’y bawian ng buhay, sa halip ay nilulon na lamang niya ito.
ISANG umaga ng mga unang taon ng 1920s. Namamastol malapit sa Ubbog ang noo’y anim na taong gulang na si Lolo Goring, bunso nina lola, nang makakita ito ng isang puting pagong na sinliit lamang ng piso. Palanguy-langoy ang pagong, waring sinasadyang magpapansin sa kanya, sa isa sa mga naroong lubluban ng kalabaw. Sa halip na huliin, pagsayad daw ng mga paa ni Lolo Goring sa lupa matapos tumalon mula sa likod ng ipinapastol na kalabaw, kumaripas ito ng takbo pauwi sa kanila. Nang balikan nila ang pagong, kasama ang kanyang tatay, wala na ito.
Biente singko anyos si Lolo Goring nang mapatay sa isang madugong paghihimagsik laban sa mga dayuhan. Kung hinuli lamang niya ang puting pagong, na sinasabing isang agimat, siguro’y lumawig pa ang buhay niya.
NAGSASARILI na ang bansa natin noon. Bago raw sumapit ang ika-labinwalong kaarawan ng noo’y binatilyong si Kapitan Enteng, hindi sasampung beses niyang napanaginipan, gabi-gabing walang paltos, ang isang mahiwagang matanda na lagi’t lagi ay ganito ang mensahe. Bago mag-alas dose ng gabi sa mismong kaarawan niya, pupunta si Enteng sa bukal na iniigiban nila sa Ubbog. Magpapakita roon ang matanda upang ibigay ang kanyang regalo.
Ayon sa matanda, isang mahiwagang bato, sinlaki ng tabletas ng gamot, ang kanyang regalo. Pagkakuha, kailangang lunukin agad iyon ni Enteng. Gagawin siya niyong isang super human. Kung paano, hindi sinabi ng matanda. Pero pinaghahanda siya dahil pagkalunok niyon, lahat ng nasa kanyang paligid, maging ang matanda, ay magbabagong anyo. Magiging kalaban niya. Susubukin kung siya’y karapat-dapat magtaglay ng kapangyarihan.
Labinlimang minuto bago mag-alas-dose noong takdang gabi, handa na si Enteng. Ngunit ano’t kahit tinalian na niya, hilain na ang balak, ay ayaw pa ring sumama sa kanya ni Tured. Si Tured, alaga niyang aso, ay isang napakatapang na aso sa kanyang pagkakilala. Sa lahat ng pagkakataon, kapag may lakad siya’y halos nauuna pa ito ng ilang hakbang kaysa sa kanya. Ngunit hindi noong gabing iyon.
Bandang huli, hindi na itinuloy ni Enteng ang pagpunta sa Ubbog. Sayang! Kung tumuloy siya, nagkaroon siguro tayo ng tunay na Captain Barbell. O Super man. O Fantastic Man.
ISA iyong maginaw na Disyembre ng taong 1989. Komo bakasyon, walang pasok kinabukasan kaya ayos lamang kung mgapuyat, nagkayayaan kaming mga kabataan sa aming purok na maglaro sa labas. Maliwanag noon ang buwan. Tagu-taguan ang nilaro naming mga lalaki, patentiro naman ang sa mga babae. Sa gitna ng aming paglalaro, natigagal kami nang walang anu-ano’y aming napansin ang isang bolang apoy na mabilis na bumubulusok, pabagsak sa amin! Simbilis ng kidlat, nagsipangublihan kami sa likod ng malalaking pilapil.
Pero sa Ubbog iyon bumagsak.
Kinabukasan, nang aming suyurin ang binagsakan niyon, nakapagtatakang katulad kagabi na wala iyong nilikhang ingay sa kanyang pagbagsak, wala rin kaming nakitang bakas ng bolang apoy.
Iyon ba ay guni-guni lamang namin?
Naengkanto kami?
Kung iyon ang tawag doon, naengkanto, nitong nakalipas na ilang mga taon ay andaming kaengkantuhang nangyari sa amin. Mga pangyayaring kung hindi man sa mismong Ubbog naganap ay maiuugnay sa Ubbog.
Bago ako magpatuloy, at dapat ay kanina ko pa ito ginawa, bayaang bigyang-kahulugan ko muna nang huwag kayong malito, ang mga terminong “kahiwagaan” at “kaengkantuhan” ayon sa pagpapakahulugan naming mga tagarito. Bagamat kapwa maiuugnay sa kababalaghan, ang “naengkanto” sa amin ay “napaglaruan.” Nakatuwaan. Samantala, ang “kahiwagaan” ay maiuugnay sa isang “nabiyayaan.” Nabigyan ng birtud para gamitin sa kabutihan.
MALAPIT na ako noong magtapos ng elementarya, 1991. Sa bahay, isa sa aking mga obligasyon ang magsalok. Ginagawa ko ito hapun-hapon pagkagaling sa eskwela.
Kakaiba ang hapong iyon. Sampung beses na akong nagpabalik-balik sa Ubbog bitbit ang dalawang galon ay hindi ko pa rin napupuno ang orocan na dati ay napupuno ko nang walong balikan lamang. Sa aking panlabin-isang balik sa Ubbog, isang napakalaking sawa ang nasalubong ko malapit sa bukal. Noong mga limang dipa na lamang ang layo, napansin din marahil ako, ito’y huminto. Iniyukod nito ang ulo, waring humalik sa lupa. Ano’t nang iangat nito ang ulo’y nagsa-matandang babae ito na putim-puti ang hanggang sa talampakang mga buhok.. Iyong pihit kong iyo’y binirahan ko nang gayon na lamang katulin na takbo.
May isang pagkakataon ding sa gitna ng gabi ay nagising ang aming kapitbahayan dahil sa mga kalabog ng kung anumang mga nilikha na nagpapambuno malapit sa aming mga kabahayan. Sa liwanag ng buwan, sa siwang ng mga sawaling dingding ng aming mga bahay, dalawang pagkalalaki at pagkatatabang bupalo ang nakita naming nagsusuwagan. Ngunit kinabukasan, ni kaunting bakas ng mga paa niyon sa lupa ay wala kaming nasumpungan.
Sa lahat ng ito, saka lamang totoong naging sikat ang aming baranggay nang tatlong matitipunong lalaki, diumano’y mga bodyguard ng isang malaking politiko sa aming bayan, ang pumunta rito upang mangaso. Ilang matatanda ang umawat sa kanila noong makita naming tutugpain na nila ang landas na patungo sa Ubbog. Ngunit tinawanan lamang nila ang babala ng aming mga matatanda. Anila, walang engka-engkanto sa kanilang mga makabagong air gun. De-oxygen ang mga iyon. May teleskopyo pa.
Makalipas ang mahigit isang oras, tuwang-tuwang bumaba ang mga ito mula sa kasukalan ng Ubbog. Tatlong malalaking bayawak ang ipinagyayabang nilang nahuli nila. Gayon man, anhin man naming tingnan, hindi talaga mga bayawak kundi mga palapa ng saging, ang kanilang hila-hila.
Sa bayan na nila iyon nalaman. Sa harap ng kanilang pulitikong boss na agad-agad sumisanti sa kanila.
KAGABI, isa uling bolang apoy ay nakita naming bumulusok sa Ubbog. Anong kahiwagaan o kaengkantuhan kaya ang susunod na bubulagang balita sa amin? Laksa-laksang bara ng mga ginto ang mahuhukay roon na kung ipagbibili ay makasasapat na pambayad sa panlabas na utang ng bansa? Isang taga-Suguidan Norte ang magkakaroon ng super power para labanan ang kreminalidad na hindi masugpu-sugpo ng PNP?
Anuman, sa mga susunod na araw, tiyak, magiging sikat uli ang aming baranggay.

(Una nang nalathala sa Liwayway Magazine--William P. Nucasa)

1 comment:

rose said...

hello just visit your site...